Inday TrendingInday Trending
Napukaw ng Masayahing Matanda ang Atensyon ng Binata sa Isang Home for the Aged; Ito Pala Talaga ang Pinagdadaanan ng Matanda

Napukaw ng Masayahing Matanda ang Atensyon ng Binata sa Isang Home for the Aged; Ito Pala Talaga ang Pinagdadaanan ng Matanda

Lahat ay gagawin ng binatang si Mile upang hindi na siya isama ng kaniyang nobya sa pagboboluntaryo sa isang Home for the Aged. Para sa kaniya’y aksaya lang ito ng panahon.

“Kita mo nga, inilagay na lang sila doon ng mga anak o kamag-anak nila dahil wala na silang pakialam. Bakit kailangan pang madamay tayo, Crissy?” reklamo ni Miles.

“Hon naman! Kaya nga mas dapat ay mag-boluntaryo tayo sa pag-aalaga sa kanila. Kawawa naman sila. Ikaw naman, parang wala kang lolo at lola. Parang hindi ka tatanda!” sambit naman ng nobya.

“Meron nga akong lolo at lola at ginawa nila ang lahat para hindi sila maging pabigat sa kanilang mga anak at apo. Kung gusto mong sumama ay ikaw na lang. Hindi ko talaga gusto ang ganyang mga bagay,” saad muli ng kasintahan.

“Isang beses lang, hon, pagbigyan mo na ako. Kung hindi mo talaga magustuhan ay hindi ka na babalik sa lugar na ‘yun. Samahan mo lang ako ngayon, please,” dagdag pa ni Crissy.

“O siya, isang beses lang, a! Tapos ay hindi na ito mauulit pa!” muling sambit ni Miles.

“Maraming salamat, hon! Sigurado akong marami tayong mapapasayang matanda. Kung alam mo lang kung gaano kalungkot ang kanilang mga buhay.”

Hindi na makapaghintay si Crissy na makapagboluntaryo sila ng kasintahan sa Home for the Aged. Isang hakbang kasi ito para mamulat ang kaniyang nobyo sa tunay na nararanasan ng ibang matatanda sa lipunan.

Pagpasok pa lang sa gate ng pasilidad ay napukaw na ang pansin ni Miles ng isang matandang babaeng naroon. Masayang-masaya ang mukha nito at todo ang porma. May dala pa nga itong abaniko. Naroon lang ito sa may lilim at mababanaag mo ang aliwalas ng mukha nito.

“Akala ko ba na may pinagdadaanan ang lahat ng nandito sa Home for the Aged? E, parang masaya pa ang isang ‘yun,” sambit ng binata sa kaniyang kasintahan.

“Baka talagang alaga sila rito. Saka mukha siyang masaya dahil may dumalaw na naman sa kanila. Tara na at pumasok na nga tayo. Kanina pa tayo iniintay ng mga kasamahan natin. Alam mo, hon, masaya ako na nakasama kita ngayon dito,” wika naman ni Crissy.

Kahit na ayaw ni Miles na magpunta roon ay pampalubag na rin ng kaniyang loob na makita ang nobya na masaya.

Nakipagkita agad sila sa ilang kasamahan at saka inilahad sa kanila ang ilang programa.

“Bawat isa sa atin ay mag-aalaga ngayon ng isang matanda. Narito ang mga listahan ng inyong gagawin,” saad ng namumuno.

Nilibot ni Miles ang kaniyang mga mata at napansin niyang maraming matanda nga ang kalunos-lunos ang kalagayan. Alam niyang mahihirapan siya sa mga ito. Magiging abala pa naman si Crissy sa kaniyang aalagaang matanda.

Bigla niyang naisip ang matandang babaeng nakasalubong nila sa gate. Masayahin ito at tiyak na hindi alagain.

“Sige, may naisip na ako. Magkita na lang tayo mamaya,” masayang saad ni Miles.

Lalo namang natuwa si Crissy dahil kita niya na purisigido rin ang nobyo.

Pinuntahan ni Miles ang matandang malapit sa gate. Bago pa siya makarating ay hinarang na siya ng isang tauhan doon.

“Kung ako sa iyo ay hindi ko na babalaking puntahan ‘yang si Ginang Merced. Humanap ka na lang ng iba,” saad ng lalaki.

“Bakit naman po? Dahil ba maayos naman ang kalagayan niya at hindi na niya kailangan pa ng kalinga tulad ng ibang matatandang narito?” tanong ni Miles.

“Hindi naman sa gano’n, hijo. Hindi lang niya gustong naaabala siya. Kung ako sa iyo ay bumalik ka na sa loob at doon na lang maghanap ng makakaparehang matanda,” dagdag pa ng lalaki.

Ngunit nagpumilit si Miles. Pag-alis ng lalaki ay tinungo pa rin niya ang matandang babae. Naroon pa rin ito sa kaniyang kinauupuan. Nakangiti at maaliwalas ang mukha.

Pagharap pa lang niya rito ay agad siya nitong binati.

“Kumusta ka naman, hijo. Maganda ang araw ngayon, ano? Maaari mo na akong iwan na lang dito. Ayos lang ako,” saad ni Ginang Merced.

“Nagtungo po ako rito para ayain sana kayo. Kailangan daw pong may tingnan kaming matanda. E, hindi ko po maiwasan na makita ang ganda ng inyong mga ngiti. Kaya naisipan ko pong kayo na lang sana ang maging kapareha ko,” wika ni Miles.

“Naku, ayos lang ako, hijo. Bumalik ka na lang doon at maghanap ng iba. Kaya ko na ang sarili ko,” saad muli ng matanda.

“Kung gayon ay dito na lang din po muna ako. Sabihan niyo na lang po ako kung ano ang inyong kailangan,” giit pa ng binata.

Dito na nagbago ang itsura ng matanda.

“Hindi mo ba naunawaan? Hindi ba’t sinabi ko na nga sa iyo na ayos lang ako at ayaw ko nang bumalik doon? Huwag mo na akong abalahin dahil may hinihintay ako! Umalis ka!” sigaw ng matanda.

Nagulat si Miles at humingi ng pasensiya, ngunit patuloy na sa pagsigaw ang matanda. Hindi na rin ito mapigilan sa pagwawala. Ang lahat ng tao ay napatingin na sa kanila.

“Hindi ka makaintindi! Sinabi ko nang tantanan mo na ako! Hindi kita kailangan! Wala akong kailangan sa inyo rito!” matinding sigaw pa ng matanda.

Mabuti na lamang at napakiusapan ito ng mga tauhan doon na kumalma. Inilayo na ito at ibinalik sa silid.

“Hindi ba’t sinabihan na kita na huwag mo na siyang gambalain? Bakit nagpumilit ka pa rin?” saad ng lalaki kay Miles.

“Gusto ko lang naman kasing samahan siya,” sagot nito.

“Wala sa normal na pag-iisip si Ginang Merced. Ayaw niyang pinakikialaman siya at palagi siyang nagwawala. Mahirap siyang pakalmahin. Kailangan tuloy namin siyang saksakan ng pampakalma upang makapagpahinga na rin siya,” pahayag muli ng lalaki.

Napayuko si Miles sa narinig.

“Pasensya na po,” saad ng binata.

“Sir, ako na po ang humihingi rin ng pasensya para sa nobyo ko. Hindi naman po niya gustong may mangyaring ganito. Pasensya na po talaga,” saad naman ni Crissy.

“Ayos lang. Sanay na kami. Sa susunod na lang ay agad na lang kayong sumunod. Dito kami nagtatrabaho kaya kabisado na namin ang ugali ng mga matatandang narito,” wika muli ng tauhan.

“Mawalang galang na po, ginoo, araw-araw ba siyang nasa may tapat ng gate? Araw-araw ba siyang ganyan? Ano ang dahilan?” pagtataka ni Miles.

“Oo, araw-araw na nariyan si Ginang Merced. Sa parehong pwesto kung nasaan siya kanina. Pagputok pa lang ng araw ay nariyan na siya. Masayang-masaya, nakagayak at dala ang kaniyang malaking abaniko. Alam n’yo kasi, pinasok siya dito ng kaniyang anak lingid sa kaniyang kaalaman. Ang sabi sa kaniya ay pupunta lang daw sila sa check up tapos ay bigla na siyang iniwan dito. Mula noon ay lagi na siyang malungkot. Hanggang isang araw nagulat na lang kami. Lumabas siya sa silid at maaliwalas na ang itsura. Tumindig malapit sa gate, animo’y may hinihintay. Pinaniwala niya ang kaniyang sarili na susunduin na siya ng kaniyang anak. Araw-araw siyang naghihintay sa wala,” pahayag ng lalaki.

Nangilid ang mga luha sa mata ni Miles. Hindi niya lubusang akalain na maaapektuhan siya sa istorya ng matatanda roon.

“Walang puso ang anak niya. Matapos siyang palakihin ay ganito na lang ang gagawin niya sa kaniyang ina. Kapag matanda na ay bigla na lang magiging pabigat,” malungkot na wika ni Miles.

Muling tinitigan ni Miles ang mga matatanda sa pasilidad. Sa pagkakataong ito ay habag na ang kaniyang nararamdaman.

“Hon, tama ka, kailangan ng mga matatandang ito ang aruga natin dahil hindi na sila kaya pang alagaan ng kanilang pamilya. Mula ngayon ay sasama na ako sa iyo sa pagboluntaryo dito. Kahit paano ay nais kong maibsan ang kanilang kalungkutan. Nais kong iparamdam sa kanila na mayroon pa ring mga tao ang nais na kumalinga at magpasaya sa kanila,” saad pa ng binata.

Isang matamis na ngiti ang isinagot ni Crissy. Niyakap niya ang nobyo upang gumaan naman ang kalooban nito.

“Huwag kang mag-alala, pagtanda mo’y narito pa rin ako,” saad ni Crissy sabay hawak ng kamay ni Miles.

Advertisement