Inday TrendingInday Trending
Hinamak ng Dalaga ang Kamag-Aral na Hindi Nakakabayad ng Matrikula; Sa Muli Nilang Pagkikita ay Mapapahiya Siya

Hinamak ng Dalaga ang Kamag-Aral na Hindi Nakakabayad ng Matrikula; Sa Muli Nilang Pagkikita ay Mapapahiya Siya

Halos magsalubong na ang kilay ng dalagang si Queenie nang makita ang resulta ng pagsusulit at naungusan na naman siya ng kaklaseng si Reah. Hindi niya matanggap na lagi lang siyang pumapangalawa dito dahil mahirap lang ito. Galing kasi sa may kayang pamilya at sanay na nakukuha ang lahat kaya naman hindi niya matanggap ang kaniyang pagkatalo. Kahit anong gawin kasi niya ay talagang nangunguna sa klase itong si Reah.

Kaya naman may lihim na tuwa siyang naramdaman nang malaman niyang pinapatawag si Reah sa opisina ng pamunuan ng eskwelahan dahil hindi pa raw ito nakakabayad ng matrikula.

“Pasensya na po talaga kayo. Magbabayad naman po ako talaga. Hinihintay ko lang po ‘yung padala ng nanay ko mula sa probinsya. Nagkaroon po kasi sila ng problema roon kaya hindi pa po ako nakakabayad,” saad ng dalaga.

“Wala na kaming pakialam sa pinagdadaanan ng iyong pamilya. Halos patong-patong na ang promissory note mo, hija. Ilang beses ka nang nangako sa amin ngunit hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nagbabayad. Pinagbigyan ka na nga lang namin kahit na hindi ito kasama sa polisiya ng paaralan. Kapag nalaman ng iba ito’y baka gayahin ka pa. Kung hindi ka makakabayad ay mabuti pang huwag mo na lang ituloy ang pag-aaral mo,” saad pa namumuno.

Panay ang pakiusap ng dalaga na muli siyang pagbigyan sa kaniyang mga bayarin ngunit sadyang wala na siyang magagawa pa. Binigyan na lang siya ng ilang araw na palugit upang makapagbayad kung hindi ay talagang mapipilitan siyang huminto sa pag-aaral.

“Hindi naman pala kasi kayang mag-aral sa ganitong klaseng paaralan ay nagsusumiksik pa rito. Bakit kasi hindi na lang umuwi do’n sa probinsya at doon na lang siya mag-aral? Ang taas ng pangarap, wala naman palang pondo,” natatawang saad ni Queenie habang pinariringgan ang kaawa-awang kaklase.

Napayuko lang si Reah. Alam niyang wala ding magagawa kung makipagtalo pa siya dito. Mas kailangan niyang isipin ngayon kung paano siya makakapagpatuloy ng pag-aaral. Wala rin kasi siyang aasahan sa kaniyang mga magulang sa probinsiya lalo pa’t nasalanta ng bagyo ang kanilang mga pananim.

“Kung ako sa iba d’yan ay ititigil ko na ang pangangarap. Una pa lang ay mahal na talaga ang kumuha ng kursong Nursing. Kailangan talaga ay may pera ka. Akala ata niya ay tulad ng mga gulay sa probinsya na napipitas lang kung saan-saan,” pagtatawa pa ni Queenie.

Ilang araw na lang ang kailangang hintayin ng dalaga at tiyak siyang mapapaalis na ng eskwelahan itong si Reah. Kung nagkataon ay wala na siyang kalaban sa kanilang klase at siya na ang mangunguna.

Lumipas nga ang ilang araw at tuluyan nang hindi pumasok si Reah.

“Sigurado akong walang nakuhang pambayad kaya huminto na lang ng pag-aaral. Kawawang nilalang! Walang nagawa ang talino niya sa eskwela!’ wika pa ni Queenie.

Isang araw, habang nasa kotse ay namataan ni Queenie ang dating kaklase na nagtitinda sa tapat ng palengke.

“Sigurado akong si Reah ‘yun!” saad sa sarili.

Pinahinto niya ang sasakyan upang puntahan si Reah hindi upang tulungan o kumustahin kung hindi para ipahiya.

“Pinagpalit mo ang pag-aaral mo para lang magtinda ng mga ukay-ukay na mga pantalon? Sumuko ka na talaga, ano? Hindi ka na magiging nars balang-araw?” saad pa ni Queenie.

“P’wede bang tigilan mo na ako, Queenie? Wala naman akong ginagawang masama sa iyo. Ano ngayon kung nagtitinda ako ng mga ukay-ukay na pantalon? Kung gusto mo ay bumili ka na lang!” sambit naman ni Reah.

“Pasensya na pero hindi ako nagsusuot ng gamit na! Nakakaawa ka talaga, Reah, sayang at hindi kita makikitang magtapos ng pag-aaral. Palagay ko pa naman ay magiging magaling kang nars…pero hindi kasing galing ko,” dagdag pa ng mapanglait na dalaga.

“Tiyak ako na sa muli nating pagkikita ay nars na ako ng isang pribadong ospital. At ikaw? Hindi ka magiging nars kahit kailan! Hanggang d’yan ka na lang dahil d’yan ka naman nababagay!’ wika pa nito.

Iyon na ang huling pagkakataon na nagharap ang dalawa sa loob ng mahabang panahon.

Tuluyan nang nakatapos ng pag-aaral si Queenie at naging isang ganap ngang nars sa isang kilala at respetadong ospital. At dahil ng ubod ng yabang ang dalaga’y lagi niyang pinagmamalaki na hindi siya basta nag-apply sa ospital na iyon kung hindi kinuha siya ng pamunuan dahil mataas ang naging pwesto niya sa board exam.

Isang araw ay nabalitaan ni Queenie na may bagong doktor mula sa ibang bansa ang magtatrabaho sa naturang ospital. Naisipan niyang magpa-impress dito nang sa gayon ay mas bumango ang kaniyang pangalan.

Pinaghandaan talaga ni Queenie ang pagdating ng naturang doktor. Habang naghahanda siya ay napansin niya ang isang pamilyar na mukha.

“Reah? Akalain mo nga naman at dito pa tayo magkikita? Siguro ay sinamahan mo ang amo mo na magpagamot sa ospital na ito, ano?” tanong ni Queenie.

“Hindi ka pa rin pala nagbabago, Queenie, mapanghamak ka pa rin hanggang ngayon. Pero para sagutin ko ang tanong mo, hindi. Hindi ako narito dahil sinamahan ko ang amo ko. Ayos na ba ang sagot ko? Nakakatuwa namang makita na isang ka nang ganap na nars,” wika naman ni Reah.

“Hindi ba’t sinabi ko sa iyo noon na sa susunod na pagkikita natin ay nars na ako? Heto na ‘yun! At hindi lang basta nars, isang magaling na nars. Ikaw, anong napala mo sa pagtitinda mo ng ukay-ukay? Tama ako, ‘di ba? Hindi ka magiging nars kahit kailan!” wika naman ni Queenie.

“Tama ka, hindi nga ako naging isang nars dahil isa na akong doktor ngayon. Dito ako dinala ng pagtitinda ko sa palengke. Nag-ipon ako para mabayaran ang matrikula ko saka ako lumipat sa ibang paraalan kung saan nakakuha ako ng scholarship. Tapos ay mas pinalad at nakapag-aral sa ibang bansa ng medisina. Akala mo ba’y hihinto ako sa pangarap ko nang dahil lang salat kami sa pera? Nagkakamali ka, Queenie. ‘Yun pa ang nagpatibay ng dahilan ko para lalong lumaban sa buhay!” pahayag ni Reah.

Maya-maya ay lumapit ang isang doktor kay Reah at binati ito. Nagulat si Queenie na ipakilala ang dating kaklase. Iyon pala ang mahusay na doktor mula sa ibang bansa na kanilang hinihintay.

Naiwan si Queenie na mag-isang nakatayo habang malugod na sinalubong ng lahat ang pagdating ni Doc Reah sa naturang ospital.

Muli ay talunan na naman ang pakiramdam ni Queenie laban sa kaniyang dating kaklase. Ang mas nakakatuwa pang isipin ay kahit kailan ay hindi naman nakikipagkompetensya si Reah sa kaniya.

Advertisement