Inday TrendingInday Trending
Pinakasalan ng Lalaking Ito ang Nobya dahil sa Yaman Nito; Hindi Niya Akalaing Mas Tuso Pala ang Napangasawa

Pinakasalan ng Lalaking Ito ang Nobya dahil sa Yaman Nito; Hindi Niya Akalaing Mas Tuso Pala ang Napangasawa

“So, totoo nga ang tsismis, Brent, na ikakasal ka na! Parang hindi kami makapaniwala dahil alam namin na ayaw mong magpatali kahit kanino! Ibang klase pala itong si Liezel at nagawa ka niyang patinuin!” wika ni Gio, matalik na kaibigan ng binata.

“Hoy, brad! At sino namang nagsabi sa iyo na napatino nga ako niyang si Liezel? Kahit sinong babae ay walang makakapigil sa akin. Kahit pa si Liezel! Magpapakasal lang ako dahil sino bang ayaw ikasal sa kaniya? Ubod siya ng yaman. Pero kahit kailan ay hindi ako magpapasakal sa kaniya!” natatawang pagmamalaki pa ni Brent.

“Pinakasalan mo lang si Liezel dahil sa yaman niya? Naku, brad, kabahan ka na dahil may karma ‘yan! Kung ako sa iyo ay seryosohin mo na ‘yang si Liezel dahil maayos naman siyang babae. Hindi ka na makakakita ng tulad niyang maganda na nga, matalino pa, at mayaman pa! At higit sa lahat ay mahal na mahal ka pa! Baka mamaya ay matanggalan ng helmet ‘yan at ikaw rin ang kawawa!” wika pa ng kaibigan.

“Ikaw na rin ang nagsabi na mahal na mahal ako ni Liezel, kaya kahit anong gawin ko ay kaya ko siyang paikutin sa palad ko. Kailangan ko siya nang sa gayon ay hindi na ako mahihirapan pa sa buhay. Pagod na pagod na rin akong kumayod. Minsan ay pinangarap ko rin na mahiga sa salapi nang walang ginagawa. Matutupad ‘yun sa pagpapakasal ko sa kaniya,” giit pa ng binata.

Matagal nang plano ni Brent na mahulog sa kaniyang bitag ang dalagang si Liezel, anak ng isang mayamang negosyante. Hindi naman ito naging mahirap para sa kaniya dahil una pa lang ay may gusto na sa kaniya ang dalaga. Kaya nga hindi na ito nagdalawang-isip pa nang yayain niya agad ng kasal. Isang bagay na lalong nagpapasaya ng damdamin ni Brent.

Sa wakas kasi ay ito ang magiging daan para sa mabilis na pag-abot niya ng tagumpay.

Ilang araw bago ang kanilang kasal ay imbes na magpakaabala sa paghahanda ay matatagpuan si Brent sa iba’t ibang bar. Kasama niya ang ilang kaibigan na umiinom doon at nakikipagkilala sa ilang babae.

Isang gabi habang nagpapakalango siya’y tinawag niya ang isang babaeng nagsasayaw.

“Miss, kanina pa ako hindi mapakali dahil sobrang ganda mo. Baka naman p’wedeng iuwi kita ngayong gabi lang?” diretsahang sambi ni Brent.

“Ang bilis mo naman, hindi mo man lang inalam kung ano ang pangalan ko,” saad naman ng babae.

“Hindi na mahalaga ang pangalan mo dahil tiyak naman akong mamaya ay magiging akin ka! P’wede ba kitang bilhan ng maiinom? Tumabi ka muna dito sa akin dahil nalulungkot ako, e!” saad muli ng binata.

Nang makita ni Gio ang pangyayaring ito ay agad niyang pinigilan ang kaibigan.

“Miss, pasensya ka na, a! Lasing na kasi itong kaibigan ko. Hindi na niya alam ang sinasabi niya. Sa totoo lang ay ikakasal na siya kaya huwag mo na lang intindihin ang sinabi niya,” paumanhin ni Gio.

Agad namang umalis ang babae nang malamang ikakasal na si Brent.

“Pakialamero ka talaga, Gio! Huwag mo nga akong pigilan kung gusto kong mambabae! Sa susunod ay hindi na talaga kita isasama sa inuman! KJ ka!” wika ng binata.

“Umuwi na tayo, Brent. Hindi na tama itong ginagawa mo dahil ikakasal ka na. Isipin mo na lang ang mararamdam ni Liezel kung malalaman niya ang lahat ng ito!” muling sambit ng kaibigan.

“Hindi niya malalaman kung walang magsasabi! Kayang-kaya kong bilugin ang ulo niyang si Liezel. Hindi siya ang babaeng magpapabago sa akin!” bulyaw pa ni Brent.

Desidido itong si Brent na magpakasal ay Liezel para sa yaman nito kahit wala naman talaga siyang nararamdaman para sa dalaga. Ang balak niya, kapag kinasal na sila’y sisiguraduhin niyang mahati ang kayamanan nito at saka niya ito hihiwalayan.

Kinaumagahan ay panay ang tawag ni Liezel sa kaniyang selpon.

“Babe, nasaan ka na ba? Kanina pa naghihintay ‘yung supplier natin dito. Kailangan na kita! Ang dami pa nating aasikasuhin. Gusto mo pa bang ituloy ang kasal o hindi na?” naiinis nang wika ng mapapangasawa.

Kaya naman napabalikwas si Brent mula sa kaniyang pagkakahiga. Hindi maaaring mapurnada ang kaniyang mga plano. Agad siyang gumayak at saka pinuntahan ang dalaga.

“Babe, pasensya ka na at ang daming trabaho kagabi. Nagyaya pa ng sandaling inuman si Mr. Sandoval kaya tinanghali na ako ng gising. Huwag ka nang magalit sa akin,” wika ni Brent.

“Ano pa nga ba ang magagawa ko? Pasensya ka na sa sinabi ko sa iyo, babe, nai-istress na kasi ako sa lahat ng ito. Ang dami pang kailangang gawin. Ayaw ko namang mapostpone ang kasal natin. Ang dami pa nating papeles na kailangang asikasuhin at pirmahan. Tulungan mo na nga ako rito at pirmahan mo na isa-isa,” saad pa ng dalaga.

Upang hindi na magtampo si Liezel ay agad nang kumilos si Brent. Kailangan niyang iparamdam dito ang lubos niyang pagmamahal para maniwala sa kaniyang palabas.

At dumating na nga ang araw ng kasal. Walang kasing saya si Liezel dahil sa wakas ay makakaisang dibdib na niya ang lalaking kaniyang pinakamamahal. Para naman kay Brent ay simula na talaga ito ng pagtupad ng kaniyang mga pangarap.

“Brad, binabati kita. Ganap ka nang isang “mister”, sana naman ay maging mabuti kang asawa. Huwag mong saktan si Liezel dahil kitang-kita naman kung gaano ka niya kamahal,” payo ni Gio.

Ngunit walang balak magbago itong si Brent.

Kahit kasal na ay kabi-kabila pa rin ang pakikiapid niya sa iba’t ibang babae. Lalo pa ngayon na may kontrol na siya sa pera ng kaniyang misis.

“Talagang dito mo pa dinadala sa condo ninyo ni Liezel ang babae mo, Brent. Hindi ka ba natatakot na baka mahuli ka ng asawa mo?” tanong ni Gio.

“Walang makakaalam kung walang magsasabi! Tiwala masyado sa akin si Liezel, brad. Hinding-hindi niya ako paghihinalaan dahil para sa mga mata niya’y isa akong mabuting mister,” pagmamalaki pa nito.

Napapailing na lang si Gio.

Isang araw ay nagplano si Brent na mag-out of town kasama ang isa pa niyang babae. Ang alam ni Liezel ay nasa isang business trip ito. Tiwala naman siya dahil nga mahal na mahal niya ang asawa.

“Sinabi ko naman sa iyo na kaya kong gawan ng paraan ang pag-alis natin, ‘di ba? Hindi hadlang ang asawa ko para mapaligaya kita!” saad ni Brent sa bago niyang kinagigiliwang babae.

“Pumasok na tayo sa silid at hindi na ako makapaghintay na angkinin ka!” dagdag pa nito.

Dahil gigil na gigil an itong si Brent, pagpasok pa lang ng hotel room ay agad na siyang naghub*d at saka pinaghahalikan ang kaniyang kabit, ngunit nagulat siya nang makita si Liezel at ilang mga kaibigan at kamag-anak na naroon din.

“A-anong ginagawa niyong lahat dito? Bakit kayo nandito?!” sambit ni Brent sabay pulot ng kaniyang mga damit.

“Ikaw ata ang dapat kong tanungin, babe, kung ano ang ginagawa mo sa lugar na ito? Hindi ba’t nasa business meeting ka kasama ang boss mo?” saad naman ni Liezel.

“Magpapaliwanag ako, Liezel. Mag-usap tayo, ‘yung tayong dalawa lang!” pakiusap ng mister.

“Wala ka nang dapat pang ipaliwanag, Brent, dahil alam ko na ang totoo. Lahat ng ginagawa mong panloloko at kababuyan, alam na alam ko. Kaya nga sinet up ka namin nang sa gayon ay malaki ang ebidensya ko laban sa iyo! Simula ngayong araw na ito’y wala ka nang asawa!” saad pa ni Liezel.

“Sandali naman, Liezel, hayaan mo naman akong magpaliwanag!” giit ni Brent ngunit tinalikuran na siya nito.

“Siya nga pala, Brent, ‘yang kasama mo ay hindi tunay na babae. Binayaran ko siya para akitin ka. Talagang wala ka ngang sinasanto. Lahat ay pinapatulan mo. Magkita na lang tayo sa korte,” saad pa ni Liezel.

Hiyang hiya si Brent sa nangyari.

Agad na naghain si Liezel ng pagpapawalang bisa ng kanilang kasal ni Brent. Dahil nga marami siyang ebidensya ay napawalang bisa na rin ang kasal sa loob lamang ng isang taon.

Naghahangad pa itong si Brent ng hati sa yaman ni Liezel dahil nga raw mag-asawa sila at lahat ng pag-aari ng bawat isa’y may karapatan sila.

“Natatandaan mo ba ‘yung mga pinapirma ko sa’yo bago ang kasal? Isa na roon ay kasulatan na wala kang makukuha sa akin kahit magkano kung tayo ay maghihiwalay. Akala mo ba’y habang buhay mo akong mapapaikot sa iyong palad, Brent? Nagkakamali ka. Sayang at minahal pa naman kita ng totoo. Ang kapal ng mukha mong humabol pa sa pera ko! Manigas ka ngayon!” sambit pa ni Liezel.

Labis na nagsisisi si Brent sa kaniyang ginawa. Lalo pa’t napagtanto niyang hindi na talaga siya makakakita pa ng isang babaeng tulad ni Liezel na labis siyang mahal. Ngayon ay mag-isa na siya sa buhay at kailangan niyang harapin araw-araw ang kalungkutan at kahihiyan. Kahit ang matalik na kaibigan niyang si Gio ay nilayuan na siya. Hindi kasi siya nakinig sa mga payo nito.

Tuso man si Brent ay mas matalino naman sa kaniya si Liezel.

Advertisement