Inday TrendingInday Trending
Hindi Mapatid ang Tsismis na May Pusong Babae raw ang Ama ng Binata; Sa Ama Niya Mismo Malalaman ang Kasagutan

Hindi Mapatid ang Tsismis na May Pusong Babae raw ang Ama ng Binata; Sa Ama Niya Mismo Malalaman ang Kasagutan

Pauwi galing eskwela ang batang si Troy at napansin niyang nag-iinuman sa kanilang eskinita si Mang Baldo at ang kaniyang mga kumpare. Agad na nagmadali ang binata sa paglalakad nang sa gayon ay hindi siya nito mapansin. Ayaw kasi niyang makita ng kapitbahay dahil walang ginawa ito kung hindi pagtawanan silang mag-ama.

Huli na ang lahat dahil nasulyapan na ng lasing na si Mang Baldo si Troy. Ang lakas ng sigaw nito nang tawagin niya ang binata.

“Troy! Kumusta ka naman? Hindi ka pa ba bumibigay? Inaya namin ‘yung tatay mo sa inuman pero ayaw niya, e. Takot atang malasing at baka lumabas ang totoo!” kantiyaw ng lasinggero.

Naglakad nang diretso si Troy at ayaw na sanang pansinin pa ang lasing na kapitbahay ngunit hinarangan siya nito.

“Ikaw ba? Totoo ka bang lalaki, a? Kaya ayaw kong padikitin sa iyo ang mga anak ko ay baka mamaya mahawaan n’yo pang mag-ama, e!” sambit muli nito.

“Mang Baldo, ilang beses ko po bang sasabihin sa inyo na hindi binabae ang tatay ko?! Hindi porket hindi siya nakikipag-inuman sa inyo’y ibig sabihin na noon na may puso siyang babae. Sa marami lang talaga siyang mas mahahalagang bahay na kailangang pagtuunan, e! Hindi kagaya ninyo, puro pabigat kayo sa pamilya n’yo!” sagot naman ng binata.

“Aba’t tarantado ka rin e ‘no? Ang lakas ng apog mong tawagin kaming pabigat! Kaysa naman sa tatay mong malambot! Hoy, Troy, kung ako sa iyo’y itanong mo sa tatay mo kung ano ang totoo. Daig mo pa ang lasing! Naniniwala ka sa kasinungalingan! Mas alam namin ang lahat kaysa sa iyo! Ang tatay mo ay may pusong babae, at hindi malayo na isang araw ay magiging kagaya ka rin niya!” bulyaw pa ni Mang Baldo.

Sa sobrang galit ni Troy ay akmang sasapakin niya ang lasing na kapitbahay ngunit mas malakas ito sa kaniya. Walang laban ang patpatin niyang katawan.

“Ako pa ang lalabanan mo, a! Umuwi ka na sa inyo! Bantayan mo ‘yung tatay mo, baka nagsusuot na ng saya don sa bahay ninyo!” tumatawang sambit pa ni Mang Baldo.

Naiiyak na sa sobrang sama ng loob si Troy nang umuwi ng bahay. Nag-alala ang kaniyang ama nang makita siya.

“A-anak, ano’ng nangyari sa iyo? Ayos ka lang ba? May nakaaway ka ba?” sunud-sunod na tanong ng amang si Manny.

“Bwisit na lasinggero ‘yun, akala mo kung sino! May araw rin siya sa akin!” sambit ng binata habang hindi mapakali.

“Sinong lasinggero? Si Baldo ba? Anong ginawa sa iyo ng lalaking ‘yun? Sabihin mo sa akin, anak! Teka ka at lalabasin ko! Hudas na ‘yun!” sambit pa ng ama.

“Huwag na po, ‘tay. Hayaan n’yo na po siya! Hindi naman po niya ako sinaktan. Naiinis lang ako dahil wala po siyang ginawa kung hindi pagtripan tayo! Akala mo kasi kung sinong magaling!” sagot ni Troy.

Napalihis ng tingin si Manny. Alam na niya kasi kung anong tinutukoy ng anak.

“Naiinis ako sa mga lalaking ‘yun lalo na kay Mang Baldo. Akala mo kasi kung sino! ‘Tay, bakit hindi n’yo ba kasi sabihin sa kanila na hindi naman totoo ang binibintang nila sa inyo? Hindi naman po kayo binabae, ‘di ba?” tanong ng anak.

“Alam mo, ‘yang si Baldo, sisiraan niya kahit sino na hindi sumasang-ayon sa kaniya. Porke hindi lang ako nakikipag-inuman sa kanila’y tatawagin na akong b*kla. Ikaw, nakakasama kita rito. Sa tingin mo ba ay may pusong babae ako?” tanong pa ni Manny ngunit hindi makatingin nang diretso sa anak.

Sandaling natigilan si Troy. Naisip niyang kakaiba nga ang kaniyang ama. Minsan ay napapansin niyang malambot ang kilos nito kaysa sa ibang lalaking kilala niya. Pero winaglit niya ito sa kaniyang isip.

“Hindi po, ‘tay. Saka paano naman po kayo magiging binabae, e, anak n’yo nga ako. Wala lang si nanay pero may anak ka,” sambit pa nito. Lalong hindi na nakapagsalita pa ni Manny.

“O siya, anak, huwag mo nang intindihin ‘yung mga kapitbahay natin. Ewan ko nga bakit hindi pa mawala-wala ‘yang tsismis na ’yan tungkol sa tunay kong kasarian. Ang mahalaga, alam natin sa isa’t isa kung ano ang totoo,” wika ng ama.

Tiwala si Troy sa kaniyang ama. Hindi p’wedeng maging binabae ito dahil kasal din ito sa kaniyang ina.

Isang gabi, habang pauwi si Troy mula sa eskwela ay napansin niya ang ama na nasa kanto ng eskinita at tila may kausap. Lalapitan sana niya ito nang ‘di sinasadyang marinig niya ang kanilang pag-uusap.

“Umalis ka na Brando at baka mamaya ay may makakita pa sa atin! Huwag mo nang guluhin pa ang buhay ko! May anak na ako at kailangan niya ng ama. Hindi na ako ang dating ako. Hindi na tayo p’wede!” saad ni Manny sa lalaki.

“Hindi ko kayang kalimutan ka, Manny! Hinanap talaga kita dahil hanggang ngayon ay ikaw pa rin ang laman nitong puso ko. Payag naman akong ilihim ang lahat ng ito, sabihin mo lang na bumabalik ka na sa akin,” pagsusumamo ng lalaki.

Gulat na gulat si Troy. Nanlamig ang buong katawan niya dahil hindi niya inaasahan ang katotohanan. Sa ganitong paraan pa pala niya matutuklasan na ang ama nga niya ay may pusong babae.

Napansin ni Manny na naroon ang anak. Nanlaki ang kaniyang mga mata sa pagkabigla.

“Totoo pala ang sinasabi nila, ‘tay. Sinungaling ka!” naiiyak sa galit si Troy.

“Sandali, anak, hayaan mo muna akong magpaliwanag! Troy, anak!” pagtangis naman ng ama.

Umuwi si Troy sa kaniyang bahay at agad itong nagbalot-balot ng damit.

“Matatanggap ko pa kung simula pa lang ay hindi na kayo naglihim sa akin! Kaya hindi mawala ang pagdikit ng binabae sa pangalan ninyo ay dahil totoo! Nakakadiri ka, ‘tay! Simula ngayon ay ayaw ko nang tumira pa rito! Nahihiya ako na naging anak n’yo ako!” saad pa ng binata.

“Anak, huwag ka namang umalis. Hayaan mo muna kasi akong magpaliwanag! Tapos na ang lahat sa amin ni Brando. Ito na ang buhay ko ngayon. Ikaw na ang buhay ko, anak! Parang awa mo na, pakinggan mo muna ako!”

“Para saan pa? Para paikutin na naman ang isip ko? Tapos na ako sa’yo, ‘tay. Sumama ka na sa lalaki mo!” bulyaw pa ng anak.

Labis ang pagsusumamo ni Manny kay Troy ngunit hindi na siya nito pinansin pa. Tuluyan na itong umalis ng bahay. Bitbit ang kaniyang mga gamit ay nagpunta siya sa kaniyang Tiya Lorena, kapatid ng kaniyang ina.

“Troy, hindi mo dapat pinagsalitaan ng ganoon ang tatay mo,” wika ng tiyahin.

“Tita, ang tagal niya akong niloko! Ang tagal niyang nilihim sa akin ang totoo. Buong buhay ko, lumalaban at nakikipag-away ako para lang patunayan na hindi siya binabae. Pero totoo pa lang lahat ng sinasabi nila!” sambit ng binata.

“Tita, alam mo ba ang tungkol po dito? Alam mo bang binabae ang tatay ko?” muling saad nito.

“Troy, hindi naman nasusukat sa kasarian ang pagiging magulang. Kung sa tingin mo ay may pagkakamali ang tatay mo, isipin mo na lang lahat ng nagawa niyang maganda para sa iyo. Kaya bang tabunan ng isang pagkakamali ang lahat ng pinagsamahan ninyo?” saad ni Lorena.

“Tita, hindi ko na po alam ang gagawin ko. Nagbago na rin po ang tingin ko kay tatay. Parang hindi ko na nga po kayang umuwi pa sa bahay. Bakit kasi sa dinami-dami pa ng magulang na p’wedeng ibigay sa akin ng Diyos ay si Tatay Manny pa?! Sana iba na lang!”

“Tumigil ka riyan, Troy! Hindi mo kilala ang tatay mo kaya huwag kang magsalita ng masama laban sa kaniya. Wala siyang kasalanan sa iyo. Sa katunayan nga ay dapat ka pang magpasalamat sa kaniya!” sambit muli ng ginang.

“Hindi ko kailangang ipagpasalamat ang pagiging binabae niya, hindi kahit kailan!” sagot muli ni Troy.

“Troy, nangako ako sa nanay at tatay mo na hindi dapat ito sa akin manggaling, pero kailangan mo nang malaman ang totoo. Oo, binabae nga ang tatay mo…pero tinalikuran niya ang buhay niya para sa iyo. Kahit na ang totoo ay hindi ka naman niya kaanu-ano!” pahayag ni Lorena.

Nabigla ang binata.

“Totoo ang narinig mo, Troy. Matalik na kaibigan ng nanay mo ‘yang si Manny. Hindi niya iniwan kahit kailan ang nanay mo. Biktima ng pananamantala si Lina. Sinubukan niyang magsampa ng kaso sa lalaking iyon ngunit wala kaming laban, e! Mahirap lang ang pamilya namin. Ang masakit pa noon ay nagbunga ang pananalbahe sa kaniya. Upang hindi maging kahihiyan ay inako ni Manny ang responsibilidad sa iyo, Pinakasalan niya ang nanay mo at tumayo siya bilang ama sa iyo kahit hindi ka naman niya kadugo. Sabihin na natin na hindi nga tunay na lalaki ang tatay mo pero isipin mo nga kung naging hadlang ‘yan para maitaguyod ka niya…para bigyan ka ng magandang kinabukasan, Troy!” wika pa ng tiyahin.

Kusa na lang bumagsak ang mga luha sa mata ng binata. Nang malaman niya ang totoo ay agad siyang umuwi sa kaniyang ama.

“Hindi lang pala ang kasarian mo ang tinago mo sa akin kung hindi ang tunay kong pagkatao. Bakit mo tinalikuran ang lahat para lang sa amin ni nanay?” umiiyak na tanong ni Troy sa ama.

“Dahil mahal ko kayo ng nanay mo at ayaw kong lumaki kang walang ama! Tunay kong minahal si Lina dahil siya lang ang nakatanggap ng buo kong pagkatao. Kaya naman nang magkasakit siya ay ipinangako ko sa kaniya na hinding-hindi kita pababayaan. Hanggang sa huling hantungan niya ay iyan ang pangako ko sa kaniya, anak. Kaya handa akong talikuran ang lahat kahit na ang mismong sarili ko para lang sa iyo. Dahil gusto kong may kilalanin kang magulang na nirerespeto,” lumuluhang sambit naman ni Manny.

Niyakap ni Troy ang ama nang mahigpit at saka siya humingi ng tawad. Labis ang pasasalamat niya dahil sa sakripisyong ginawa nito para sa kanilang mag-ina.

“Kahit ano pa po ang kasarian n’yo, ‘tay, hindi ko po ikakahiya. Hindi po mababawasan ang pagmamahal ko sa inyo dahil pinatunayan niyo sa akin na madalas, mas lalaki pa sa tunay na lalaki ang isang tulad ninyo,” saad pa ni Troy.

Mula noon ay natanggap na ng binata ang tunay na kasarian ng kaniyang ama. Kantiyawan man siya ng ilang kapitbahay ay wala siyang pakialam dahil siya naman ang nakaramdam ng pagmamahal ng kaniyang Tatay Manny.

Sa kabilang banda naman ay hindi na binalikan ni Manny ang kaniyang nakaraan at ipinagpatuloy na lang ang pagiging tatay para kay Troy.

Hindi nag-atubili si Troy na ipagtanggol ang kaniyang ama sa kahit sinong nang-aapi rito. Pinatunayan niya sa lahat na kahit na may pusong babae ang ama ay ipinagmamalaki pa rin niya ito.

Advertisement