Takot nang Umibig ang Babae sa Katrabaho dahil sa Naranasan sa Dating Nobyo; Kakainin Niya Pala ang Pangakong Sinambit Niya sa Kaibigan nang Makilala ang Isang Lalaki
“Ayoko na talaga! Hindi na ako iibig pa sa katrabaho! Ang sakit-sakit na makitang may kasama siyang iba sa opisinang pinagtatrababuhan ko! Kung pwede ko lang gupit-gupitin ang buhok ng babaeng iyon nang hindi ako natatanggal sa trabaho, gagawin ko, eh!” sigaw ng dalagang si Klara, isang gabi habang siya’y nakikipag-inuman sa kaniyang kaibigan upang mailabas ang sama ng kaniyang loob mula sa ginawang katarant*duhan ng dati niyang nobyo.
“Sigurado ka na ba riyan sa sinasabi mo? Baka bukas o sa makalawa lang, may kahawak-kamay ka na rin sa opisina niyo, ha!” patawang-tawang sagot ng kaniyang kaibigan.
“Hinding-hindi mangyayari ‘yon, Josie! Itatak mo sa pa sa bato! Kapag nangyari ‘yon, ililibre kita sa pinakamahal sa restawran!” malakas niyang sigaw saka siya tumayo sa lamesa dahilan para siya’y mahulog.
“Ma’am Klara, ayos lang po ba kayo?” tanong ng isang binata na tiyak ay katrabaho niya dahil sa kasuotan nito, gusto niya sanang sumagot ngunit hindi niya magawa dahil nagdodoble na ang kaniyang paningin, “Tapos na po ba kayong uminom? Kaya niyo po ba siyang iuwi sa bahay niya? Pwede ko po kayong matulungan, nariyan po sa tapat ang sasakyan ko,” sabi naman nito sa kaniyang kaibigan.
“Ay, naku, sir, hinihintay na ako sa bahay ng asawa ko, eh. Pwede bang ikaw na lang ang mag-uwi sa kaniya sa bahay niya? Ito ang address, ikaw nang bahala riyan, ha?” bilin nito sa binata na talagang ikinagulat niya, “Sa fine dining restaurant mo ako ilibre bukas, ha?” pilyang sabi pa nito saka siya kinurot sa tagiliran kaya agad siyang napalayo mula sa binata.
“Utot mo! Sinabi ko nang hinding-hindi na ako iibig pa sa katrabaho!” sigaw niya rito, hahabulin niya pa sana ito nang bigla naman siyang tuluyang mawalan ng malay bunsod ng labis na kalasingan.
Tanghali na kinabukasan nang siya’y magising. Aabutin niya pa lang sana ang kaniyang selpon upang makapagpaalam sa kaniyang boss na mahuhuli siya ng pasok sa trabaho nang may bigla na lang mag-abot nito sa kaniya.
“Hoy! Anong ginagawa mo sa bahay ko, ha? Bakit wala kang suot na pang-itaas na damit? Diyos ko! Anong ginawa mo sa akin? Bakit wala akong saplot?!” sunod-sunod niyang tanong.
“Wala po ba talaga kayong natatandaan?” tanong nito dahilan para maalala niyang siya ang naghub*d dito at ang nagyaya ritong matulog sa kama kasama siya.
“Wala, wala akong maalala at wala akong gustong alalahanin! Umuwi ka na sa inyo!” sigaw niya saka niya ito pilit na pinalabas ng kaniyang bahay.
“Kaya mo bang makalimutan ang masayang gabi natin, ma’am?” pilyong wika nito kaya agad na niya itong pinagsarhan ng pinto.
Hihinga-hinga siyang naupo sa sahig habang sinasabunutan ang sarili sa kat*ngahang ginawa niya.
“Klara, wala ‘yon, ha? Huwag kang magpapadala! Hindi porque may nangyari sa inyo, magiging kayo na! Uso na ngayon ang mga ganoong gawain sa dalawang taong hindi naman magkarelasyon!” pangungumbinsi niya pa sa sarili saka na siya nagdesisyong mag-ayos upang makapasok na sa opisina.
Kaya lang, pagdating niya pa lang sa opisina, ang binatang ito na ang una niyang nakita. May dala-dala pa itong kape at tinapay para sa kaniya na talagang nagpagulat sa iba nilang mga katrabaho.
Pilit man niyang itanggi sa mga ito na may namamagitan sa kanila ng binatang iyon, patuloy naman itong nagpapakita ng motibo simula nang araw na iyon. Kung hindi siya nito bibigyan ng kape tuwing umaga, hihintayin naman siya nitong umuwi sa gabi upang maihatid sa bahay niya.
May pagkakataon pa ngang sinamahan siya nitong mag-overtime para lamang masigurong ligtas siyang makakauwi na ni minsan ay hindi nagawa ng dati niyang nobyo. Ibang klaseng kilig din ang naibibigay nito sa kaniya tuwing Biyernes kung kailan lagi siya nitong binibigyan ng bulaklak.
Habang patagal nang patagal ang gawaing ito ng binata, hindi na niya napigilan ang kaniyang sarili at siya rin ay bumigay na hindi kalaunan.
May takot man sa puso niyang baka muli na naman siyang makaramdam ng kirot dahil sa muling pag-ibig sa isang katrabaho, sumugal pa rin siya alang-alang sa pag-ibig na ngayon ay totoo na.
“Pangako, hindi ko sasayangin ang tiwalang binigay mo, Klara. Hinding-hindi ko gagawin sa’yo ang ginawa ng dati mong nobyo,” sabi ng binata matapos niya itong sagutin sa harap ng kaibigan niyang si Josie na tuwang-tuwa dahil sila’y kakain sa isang mamahaling restaurant.
Lalo mang naging tampok ang pangalan niya sa opisina, wala na siyang pakialam dahil ang mahalaga’y masaya siya sa piling ng binata. Kung dati, siya ay kinaaawaan dahil sa panlolokong naranasan niya, ngayon ay kinainggitan na siya ng mga katrabaho niyang walang nobyo dahil sa pinapakitang pagmamahal ng kaniyang kasintahan.