Panay Tanggi ng Dalaga sa Ama sa Tuwing Niyayaya Siya Nitong Pumalaot Upang Maturuan Siyang Lumangoy; Darating ang Panahon na Pagsisisihan Niya Pala Ito
Naninirahan man sa tabing dagat ang dalagang si Christine simula pa lamang nang isilang siya ng kaniyang ina, ni minsan ay hindi niya pa nagawang maligo rito. Bukod kasi sa siya’y nandidiri sa tubig ng dagat dahil alam niyang doon direktang napupunta ang lahat ng kanilang dumi at basura, alam niya ring nakakaitim ang paliligo sa dagat na ayaw na ayaw niyang mangyari sa kaniyang balat. Mahalaga kasi sa kaniya ang pagkakaroon ng maputi at makinis na kutis.
Noong bata pa kasi siya, palagi siyang pinauulanan ng tukso ng kaniyang mga kaklase at kalaro. Dahil nga sa tabing dagat siya nakatira at ang init nito’y pumapasok sa kanilang bahay na gawa lang sa kawayan, naging kulay tsokolate ang kutis niya.
Dahil doon, ginawa niya ang lahat upang siya’y magkaroon ng maputing balat. Araw-araw siyang naghihilod ng katawan gamit ang sabong pampaputi at talagang iniiwas niya ang sarili sa araw lalo na kapag tanghaling tapat.
Ngayong may mapusyaw na siyang balat, ni katiting na sikat ng araw ay ayaw niyang maipadampi sa kaniyang katawan. Ito ang naging sanhi para hindi siya matutong lumangoy kahit pa siya’y dalaga na.
Tuwing niyaya siya ng kaniyang amang pangingisda ang pinagkakakitaan na pumalaot upang mangisda at siya’y turuang lumangoy, agad niya itong tatablahin at gagawa siya ng paraan upang hindi makasama rito.
May pagkakataong pang tumatakas o nagtatago siya rito para lang huwag siyang maisama nito sa laot na tiyak ay ikakaitim ng kaniyang balat.
Isang araw, habang siya’y naghahanda ng kanilang almusal, hiniling na naman ng kaniyang ama na siya’y sumama sa pangingisda nito upang maturuan siyang lumangoy.
“Tatay, hindi ka ba napapagod kakayaya sa aking pumalaot? Ilang beses ko bang dapat sabihin sa’yo na ayaw ko ngang sumama sa’yo dahil mangingitim lang ako? Ang tagal-tagal kong inalagaan ‘tong balat ko tapos bigla lang akong magpapaitim dahil lang sa gusto mo akong turuang lumangoy?” galit niyang sabi sa ama.
“Anak, iba kasi kapag marunong kang lumangoy. Hindi mo masasabi ang buhay at panahon, anak, mas maigi nang matuto kang lumangoy kaysa mawala ka dahil sa pagkakalunod. Lalo na ngayon na malapit nang dumating ang panahon ng ulanan!” paliwanag nito, imbes na makinig at sumunod ay inirapan niya lang ang ama saka niya padabog na binigay dito ang nailuto niyang pagkain.
Patuloy man siyang kinulit ng ama matapos ang usapan nilang iyon, patuloy niya pa rin itong binabalewala at mas pinipiling manatili sa bahay upang mapanatili ang kaputian at kakinisan ng kaniyang balat.
Pagdating ng buwan ng Hulyo, katulad ng sabi ng kaniyang ama, nagsidatingan na nga ang mga bagyo sa iba’t ibang parte ng bansa at hindi niya inasahan na ang pinakamalakas na bagyo sa taong ito ay tatama mismo sa kanilang probinsya.
“Tatay, ano na pong gagawin natin?” tanong niya sa ama, isang umaga nang magising siya sa lakas ng hangin at alon.
“Ilikas mo na ang sarili mo, anak, itatali ko lang itong bahay natin at bangka ko, tapos susunod na ako sa evacuation site,” utos nito, ngunit imbes na siya’y magmadali nang lumikas, naghanap pa siya ng bag upang paglagyan ng kaniyang mga pampaputing produkto.
Habang nag-aayos siya ng gamit, nakarinig siya ng malakas na sigawan ng kanilang mga kapitbahay at bago pa siya makalabas ng kanilang bahay, naramdaman niya na lang na tila nilamon ng alon ang kanilang buong bahay at siya’y natangay.
“Tatay! Tatay! Tulungan niyo po ako!” sigaw niya sa ama habang pilit niyang pinapalutang ang sarili sa tubig.
Ngunit kahit anong padyak niya ng paa at galaw ng kamay upang siya’y lumutang, lalo lamang siyang lumulubog na talagang ikinatakot niya. Wala pang isang minuto, tuluyan na nga siyang nalunod.
Buong akala niya’y iyon na ang katapusan niya ngunit maya maya, naramdaman niyang may yumakap sa kaniya saka siya itinaas sa tubig. Wala man siyang malay, naririnig niya pa rin ang ingay na gawa ng mga tao sa paligid niya, lalo na ng kaniyang ama na pilit siyang sinasalba sa pamamagitan ng pagbibigay ng hangin sa kaniyang bibig.
Ilang segundo pa ang lumipas, siya nga ay tuluyan nang nagising at una niyang nakita ang mukha ng kaniyang ama na alalang-alala sa kaniya.
Dahil sa pangyayaring iyon, natutuhan niyang mas kailangan niya pala talagang matutong lumangoy kaysa magkaroon ng makinis at maputing balat upang maisalba niya ang sarili sa mga ganitong pagkakataon.
Nang muling makaahon ang kanilang probinsya sa bagyong nagdaan, at nang muling maipatayo ng kaniyang ama ang kanilang bahay, siya na mismo ang humiling dito na isama siya sa laot upang turuang lumangoy.
Bumalik man sa kayumangging kulay ang kaniyang balat dahil sa halos araw-araw nilang paliligo ng ama sa dagat para siya’y matuto, mabuting karanasan naman iyon para sa kaniya dahil bukod sa natuto na siyang lumangoy, nagkaroon pa siya ng mga masasayang sandali kasama ang kaniyang ama na lalong nakapaglapit sa kanilang dalawa.