Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Ang Lihim ni Winona - Inday Trending

Ang Lihim ni Winona

Tatlong taon na ang nakalipas nang makilala ni Robert ang isang magandang babae na ang pangalan ay Winona.

Ang Lihim ni Winona

Natatandaan pa niya na buwan noon ng Disyembre nang magkakilala sila ng babae sa chat. Si Robert ang unang nagpakilala.

“Hi, ako nga pala si Robert, at ikaw?” tanong nito.

“Ako si Winona!” sagot ng kausap.

“Kay ganda at kakaibang pangalan!” sabi niya rito.

Nagkagaanan ang loob nila sa isa’t isa. Sa mga sumunod na araw ay patuloy lang ang pag-uusap nila sa chat hanggang hindi na namalayan ni Robert na unti-unting nahuhulog ang loob niya kay Winona samantalang isang linggo pa lamang silang magkakilala.

Hindi niya alam kung anong mayroon ang babae at naramdamang may kakaiba rito noong una sila nitong nagkausap sa chat. Siguro dahil may kakaiba siyang kilig na naramdaman kay Winona. Paano bang hindi siya mahuhulog sa babae, e. napaka-sweet nitong makipag-usap sa kanya at palaging tinatanong kung okay ba siya.

“Anak ng… pumapag-ibig na ba ako?” tanong niya sa sarili.

Naglakas siya ng loob na ipagtapat sa babae ang nararamdaman.

“Winona, m-may sasabihin sana ako sa iyo, e,” sabi ni Robert sa nahihiyang boses.

“Ha, ano iyon?” tanong nito.

“M-may aaminin kasi ako sa iyo. O-okay lang ba?”

“Ayos lang, e, ano ba iyon?” tanong ng kausap.

“Ma-may n-nararamdaman na kasi ako sa iyo, W-Winina. H-hindi ko naman sinadaya. Bigla ko na lamang naramdaman, e,” nauutal niyang sabi.

Kahit hindi sigurado ay inihayag ni Robert ang gusto niyang iparating sa kausap. Kahit hindi niya alam kung tama ba o mali iyon. Ang mahalaga ay nasabi niya rito ang nasa puso niya.

Nabigla ang babae sa naging pagtatapat ng binata.

“T-talaga? Hindi mo pa ako nakikita, e,” wika nito.

“Hindi ko alam. Basta naramdaman ko na lang na mahal na kita.” pahayag pa ni Robert.

‘Di nagtagal ay naging mag-MU sila ni Winona at makalipas ang tatlong buwan ay naging sila na. Sa madaling salita, in a relationship na ang estado nila. Pero mahirap din ang kalagayan ng relasyon nila dahil long distance relationship iyon. Si Robert ay nasa Maynila, si Winona naman ay nasa Davao kaya minsan ay nagkakaroon sila ng ‘di pagkakaunawaan.

“Nahihirapan na ako sa sitwasyon natin, Winona. Palagi nga tayong nag-uusap sa chat pero pakiramdam mo napakalayo mo pa rin. Hindi mo nga maipakita ang sarili mo sa akin. Ayaw mo ring makipag-video call!” may tampong sabi ni Robert.

“Hindi lang naman ikaw ang nahihirapan, ako rin naman!” matipid nitong sagot.

Hindi man lang sinabi ng babae kung bakit ayaw nitong makipag-video chat sa kanya. Kaya nagdesisyon si Robert na tapusin na lang ang relasyon nila.

“Kung ganyan rin lang na ayaw mong magpakita sa akin, mabuti pa na maghiwalay na lang tayo!” matapang na sabi ng binata.

“K-kung iyan ang gusto mo!” sabi ng babae at hindi na muling nagparamdam sa kanya.

Lumipas ang ilang linggo na wala na silang komunikasyon ni Winona. Minsan, napansinniya na nag-iba ang litrato ng account ni Winona sa Facebook. Hindi niya alam kung bakit siya nadismaya, bakit siya apektado, e di ba nga wala na sila?

“Bakit ba ako apektado?” bulong niya sa sarili.

Ang Lihim ni Winona

Pero dahil sa labis na kuryosidad ay agad niyang hinanap ang litrato na ipinalit, hanggang sa nakita niya na hindi pala iyon ang totoong litrato ng babae. Maging ang unang litrato na ipinost nito sa Facebook ay hindi rin kay Winona. Sobra siyang nabigla sa natuklasan.

“Anak ng… nakipagrelasyon ako sa isang POSER?”

Agad siyang nagpadala ng mensahe rito.

“Hoy, sino ka bang talaga? Bakit ayaw mong ipakita ang totoong mukha mo? Wala kang ginawa kundi maglagay ng mga litrato pero hindi naman ikaw!” inis niyang sabi sa chat.

Mayamaya ang sumagot ito.

“Patawarin mo ako kung niloko kita. Hindi lang ako sanay na makita ang totoo kong hitsura. Pero isa lang ang totoo, minamahal kita, Robert. Sa kabila ng panloloko ko, minahal kita!” sagot nito.

Dahil sadya siyang marupok ay tinanggap niya ang paghingi ng tawad ng babae. Naniwala siya na minahal din siya nito. Muling bumalik ang tamis ng unang pag-ibig dahil matapos ang pangyayaring iyon ay binigyan niya ng ikalawang pagkakataon ang relasyon nila ni Winona. Napagtanto niya na mahal niya talaga ito at kahit alam niyang niloko na siya nito ay mahal na mahal pa rin niya.

Ang akala ni Robert ay ang pagiging poser lang ni Winona ang malalaman niya. Mayroon pa pala siyang matutuklasan na pinakamalala sa lahat. Mas lalo niyang ikinabigla na ang babaeng minahal niya ng sobra ay hindi pala tunay na babae.

“Anak ng… isa kang BINABAE?” gulat na sabi ni Robert nang ‘di sinasadyang naipost ni Winona ang lumang litrato nito sa Facebook. Si Winona ay si WILBERT pala sa totoong buhay.

“Ang lupet mo tsong! Lalaki ka pala tapos dyinowa pa kita, ang galing mong manloko!” wika niya kay Winona nang makausap ito sa chat.

“Patawarin mo ako. Baka kasi iwan mo ako kapag nalaman mong lalaki din ako. Mahal na mahal na kasi kita at ayokong mawala ka sa buhay ko!” paliwanag nito.

“Pasensya na, pero kung una pa lang ay sinabi mo na sa akin ang totoo baka matanggap pa kita kasi hindi ka naman mahirap na mahalin e, pero anong ginawa mo niloko mo na naman ako, kaya tama na, ayaw ko nang makausap ka!”

Ang Lihim ni Winona

Muli niyang tinapos ng lahat sa kanila ni Winona. Kahit masakit ay tinanggap niya sa sariling nagkamali siya at sana ay hindi na nagtiwala pa rito.

Napagtanto ni Robert na hindi pala lahat ng nakikita o nakikilalang tao ay totoo. Ang iba ay nagpapanggap lang para makapanloko sa kapwa kaya mula noon ay naging maingat na siya sa pakikipagkilala sa social media, baka kasi maloko na naman siya ng isang Winona.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.