Pinahanginang Dibdib

“Sis, tignan mo si Cyrish, nakapag-leave lang, parang pinahanginan na ang dibdib! Hindi ba’t wala namang dibdib ‘yan bago mag-leave?” sambit ni Jane habang pasimpleng tinuro ang bagong dating nilang katrabaho.

“Oo nga, eh, baka kaya nag-leave kasi nagpadagdag ng dibdib!” sagot naman ng kaniyang kaibigang si Sherilyn dahilan upang maghagikgikan silang dalawa.

“Grabe, talagang gumastos pa siya makapagpalagay lang ng dibdib? Ano, para maakit ang iba nating katrabaho lalo na si boss?” tugon niya at nang makitang dadaan na sa kanilang harapan ang bagong dating na katrabaho, bigla niya itong pinaringgan, “Napakadesperada!”

“Lumalabas na ang tunay na kulay!” dagdag pa ng kaniyang kaibigan dahilan upang mapatigil ang naturang babae at tumingin sa kanila. Sabay naman nila itong tinaasan ng kilay dahilan upang magmadali itong pumunta sa kaniyang lamesa.

Tatlong taon nang magkatrabaho ang dalawang dalaga dahilan upang ganoon na sila makapagpalagayan ng loob. Sa katunayan nga, sa lahat ng kalokohan, magkasama sila. Halos sila ring dalawa ang namununo sa pagpapakalat ng mga usap-usapan sa loob ng opisana dahilan upang bahagya silang katakutan ng iba nilang katrabaho.

At ngayong pagkakataong naman, tila napuntirya nila ang bagong pasok nilang katrabaho na galing sa isang vacation leave. Tila napansin kasi nila ang pag-usbong ng dibdib nito na dati’y wala naman.

Labis kasi silang naiinggit dito noon pa man. Bukod kasi sa palagi itong nabibigyan ng papuri ng kanilang boss dahil sa galing nito sa pagtatrabaho, pakiramdam din nila, konting panahon na lang, liligawan na ito ng kanilang boss. Na talaga nga namang kinaiinggit nilang dalawa dahil labis ang yaman ng naturang lalaki at may taglay na kagwapuhan.

Nang araw na ‘yon, kahit pa naramdaman na nilang natakot na sa kanila ang naturang dalaga, hindi pa rin nila ito tinantanan. Pinuntahan pa nila ang lamesa nito at doon nila ito labis na inalipusta.

Advertisement

“Saan ka nagpahangin ng dibdib?” tanong ni Jane na labis na ikinagulat ng dalaga dahilan upang mapahawak siya sa kaniyang dibdib.

“O, bakit hindi ka makasagot? Naku, Cyrish, napaghahalataan ka na! Nagpadagdag ka dahil gusto mong tuluyang makuha ang atensyon ni boss, ano? Grabe, ganyan ka na ba kadesperada?” dagdag pa ni Sherilyn dahilan upang bahagyang mapatungo ang dalaga at nagsimula na silang maghagikgikan. Ngunit tila nagulat naman sila nang magsalita ang dalaga habang mangiyakngiyak.

“Bre*st canc*r survivor ako. Hindi ako nag-leave para magpadagdag ng dibdib katulad ng inaakala niyo, nagpaopera ako at dumaan sa pahirapang gamutan para masalba ang buhay ko at hindi para makuha ang atensyon ni boss gaya ng sinasabi niyo. Sa katunayan nga, itong dibidib ko, walang laman ito. Tingnan niyo,” sambit nito saka tinaas ang kaniyang damit at ipinakita ang kaniyang panloob na may foam dahilan upang magkaumbok ang kaniyang dibdib.

Halos hindi makapaniwala ang dalawa sa mga narinig at nalaman. Mangiyakngiyak sila habang kinukwento ng dalaga ang kaniyang mga pinagdaanan at lalo pa silang naiyak nang makita ang operadang dibdib ng katrabaho na may sariwang tahi’t sugat.

“Sana huwag niyo lang basta husgahan ang tao base sa mga nakikita niyo sa panlabas. Gaya ng dibdib ko, maumbok man sa panlabas, wala naman itong laman sa loob dahil sa isang lihim na dahilan na hindi niyo basta malalaman,” dagdag pa nito. Wala namang ibang magawa ang dalawang dalaga dahil sa pagkahiya’t pagkakonsensyang nararamdaman.

Agad silang humingi ng tawad sa katrabaho nilang ito. Labis silang nakaramdam ng awa dito dahil sa kanilang mga pang-aalipusta noon na lingid sa kaalaman nila, humaharap pala ito sa isang matinding hamon ng buhay.

Simula noong araw na ‘yon, naging maingat na ang dalawa sa paghuhusga. Tila gumawa rin sila ng paraan upang makabawi sa naturang katrabaho. Palagi na nila itong sinasabayang kumain o umuwi nang sa gayon, mabawasan ang bigat ng dinadala nito sa buhay. Paminsan, binibigyan pa nila ito ng kulay rosas na tali na sumisimbolo sa pagiging matapang nito na harapin at puksain ang kaniyang karamdaman.

Labis naman itong ikinatuwa ng naturang dalaga dahil sa wakas, may mga tao nang nakakaintindi sa kaniyang kalagayan at hindi kailanman pinagkalat ang kaniyang sikreto. Hinayaan siya ng mga ito na mamuhay ng mapayapa’t masaya na naging dahilan ng kanilang matibay na pagkakaibigan.

Advertisement

Totoo ngang madali lang para sa tao ang manghusga ngunit sana, maging responsable tayo sa magiging resulta nito. Dahil malaki ang tiyansang masaktan natin ang damdamin ng taong biktima ng ating mapanghusgang pag-iisip, maaari ring pati tayo, maapektuhan at makonsensya ng labis kapag nalaman na natin ang tunay na kwento ng taong hinuhusgahan natin.