Hirap sa Pagiging Mayaman

“Ang hirap maging mahirap! Bakit kasi hindi na lang pantay-pantay ginawa ang tao? Bakit kailangan mayaman sila habang tayo nasa laylayan ng lipunan at kailangan pang kumayod para lang makapag-aral at may makain?” daing ni Lanie sa kaniyang kaibigan, isang gabi matapos silang magtrabaho sa isang lugawan.

“Oo nga, eh, pero isipin mo na lang, ginawa ito ng Diyos upang lubusan tayong maturuan ng aral sa buhay. Kita mo, hindi natin namamalayan, nagagawa nating ipagsabay ang pag-aaral at pagtatrabaho!” sagot ni Odet na puno ng galak ngunit imbes na matuwa ang kaniyang kaibigan lalo pa itong nag-alburoto.

“Kahit na! Ang hirap-hirap naman! Sana bukas, mayaman na tayong lahat!” sigaw pa niya habang padabog na naglalakad. Tila labis na ang pagod na kaniyang nararamdaman.

“Sa panaginip lang pwedeng magkatotoo ‘yon!” bulyaw sa kaniya ng kaniyang kaibigan dahilan upang mapatakip siya ng tainga’t tumakbo nang mabilis papasok ng kanilang eskinita.

Panganay sa limang magkakapatid ang dalagang si Lanie. Dahil nga sa pagpanaw ng kaniyang ama noong isang taon, siya na ang tanging sumusuporta sa kaniyang pag-aaral. Nais na sana siyang patigilin ng ina para magtrabaho na lamang, ngunit ‘ika niya, “Mas makakapagbigay ako ng malaking pera sa inyo kapag nakapagtapos ako ng pag-aaral,” dahilan upang ipagsabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho upang makatulong kahit papaano sa kaniyang pamilya.

Ngunit dahil nga tao lamang siya at napapagod din, tila napapansin niya na ang lahat ng kaniyang mga problema dahilan upang mag-init ang kaniyang ulo at makadagdag sa kaniyang pagod. Kahit nga ang malaking agwat ng mayayaman at mahihirap na kagaya nila, napansin na niya ngayon.

Noong gabing ‘yon, agad siyang bumagsak sa higaan dahil sa pagod at naalimpungatan na lamang siyang nakahiga na siya sa isang kama na puno ng pera’t alahas.

“Te-teka, totoo ba lahat ng ito?” sambit niya saka hinawak-hawakan ang mga ito, “Totoo nga! Kung panaginip man ito, ayoko nang magising!” dagdag niya pa.

Advertisement

Agad siyang lumabas ng kaniyang kwarto na ngayo’y tila isang mansyon na. Nakita niyang may tig-iisang selpon ang kaniyang mga kapatid na labis niyang ikinatuwa, “Sa wakas, nakamtan na ng mga kapatid ko ang pangarap nilang selpon!”

Napagdesisyunan niyang lumabas at hanapin ang kaniyang kaibigan, ngunit wala siyang masakyang jeep o kahit tricycle man lang papunta sa bahay nito dahilan upang magtanong siya sa isang matandang nakasalubong niya, “Manong, bakit po tila wala ng jeep o tricycle na nadaan dito? Saka napansin ko po, bakit wala nang nagtitinda ngayon dito?” tanong niya.

“Naku, ineng, mayayaman na ang lahat ng tao ngayon! Wala nang magtitinda o mamamasada! Kahit nga mga basurero’t tubero, mayayaman na! Yung basura nga namin, isang buwan nang nakatambak doon!” dismayadong sambit nito saka sumakay sa kaniyang mamahaling sasakyan.

Doon na lamang tila napaisip ang dalaga. “Ngayon naiintindihan ko na kung bakit may mayaman at mahirap,” ‘ika niya habang naglalakad.

Napagdesisyunan niyang bumalik nang muli sa kanilang bahay ngunit malayo pa lamang siya, nakita na niyang nagliliyab na ang kanilang bahay. Agad siyang napatakbo at humingi ng tulong sa mga kapitbahay. Naglabasan ang mga ito dahilan upang sumigaw siya, “Tumawag kayo ng bumbero, parang awa niyo na nasa loob ang pamilya ko!”

Ngunit hindi siya ikinibo ng mga ito at gumanti ng sigaw sa kaniya, “Wala nang bumbero ngayon! Mayayaman na ang mga tao!” na labis niyang ikinahina. Napaupo na lamang siya’t wala nang magawa kundi magdasal, “Kung panaginip man po ito, gisingin niyo na ako.”

Nagulat na lamang siyang bigla siyang dinaganan ng bunso niyang kapatid at humihingi na ng gatas. Doon niya na napagtantong panaginip lang pala talaga ‘yon, agad niya itong niyakap habang umiiyak.

Doon na nagsimulang magbago ang pananaw ng dalaga sa buhay. Ang dating dalagang puro daing at alma sa pagiging mahirap, ngayo’y kuntento na kaniyang estado at lahat ginagawa para lamang umangat kahit pa dugo’t pawis ang kaniyang isakripisyo.

Advertisement

Hindi naman kalaunan, matagumpay nang nakapagtapos ng pag-aaral ang dalaga at naging isang ganap na nars katulad ng kaniyang pinapangarap. Dahil rin sa angking galing niya, nagkaroon soya ng pagkakataon na lumipad at magtrabaho sa ibang bansa dahilan upang tuluyan na niyang maiangat sa hirap ang kaniyang buong pamilya.

Mahirap man ang buhay, nawa’y matuto tayong ipaglaban ang ating pangarap at gawin ang lahat upang maabot ito. Hindi solusyon ang pagrereklamo o pagdaing dahil hindi naman habambuhay ay nasa laylayan ka.