Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Tulak ng Bibig, Kabig ng Dibdib - Inday Trending

Tulak ng Bibig, Kabig ng Dibdib

“O, Lindy, bakit umiiyak ka na naman? Dahil na naman ‘yan sa nobyo mong walang pakialam sa’yo, ano? Sabi naman sa’yo, doon ka na lang kay Bernie. Bukod sa maginoo na, hindi pa babaero katulad ng nobyo mo ngayon!” sambit ni Juliet sa kaniyang kaibigan nang matagpuan itong umiiyak na naman sa kantin ng kanilang pinagtatrabahuhan.

Tulak ng Bibig, Kabig ng Dibdib

“Eh, ayoko nga doon! Ang itim-itim! Baka kapag nagkaanak kami noon, tsokolateng may kaunting tao ang kalabasan!” hikbing sagot ni Lindy saka muling bumalik sa pag-iyak.

“Sobra ka naman! Talaga bang sa panlabas na anyo ka nakabatay? Matauhan ka na sa mga nararanasan mo ngayon! Kita mo, gwapo nga ang nobyo mo ngayon, sinasaktan ka naman! Mag-isip-isip ka nga! Hindi puro puso ang ginagamit sa pag-ibig! Dapat may isip ring kasama!” sermon nito sa kaniya dahilan upang bahagya siyang matigil sa pagngawa at mag-isip, ngunit tila matigas ang ulo niya’t muling pinili ang magpakatanga sa kaniyang nobyo.

“Basta, ayoko sa kaniya. Sigurado ako, magbabago rin ang nobyo ko! Mahal kaya ako noon!” depensa niya dahilan upang mainis si Juliet.

“Hay naku, bahala ka na nga!” sigaw nito sa kaniya saka tuluyang iniwan ang kaibigan.

Halos dalawang taon nang nasa isang relasyon ang dalagang si Lindy. Ngunit sa loob ng mahabang panahon na ito, wala siyang ibang naranasan kundi sakit at pagluha.

Babaero kasi ang kaniyang nobyo. Sa katunayan nga, habang abala siya sa paghahanda ng isang sorpresa para sa kaniyang nobyo noong unang taon nila, tila siya ang nasorpresa nang makita itong may kasamang babae sa loob ng silid nito. Ngunit katulad ng nakasanayan niya, pinatawad niya ito nang magbigay ito ng dahilan sa kaniya. Ika nito, “Kaibigan ko lang ‘yon, nagyaya mag-inuman kasi iniwan ng nobyo. Huwag kang mag-isip ng kung ano-ano. Ikaw lang ang mahal ko. Happy anniversary!”

Ang pangyayaring iyon ay tila naulit nang naulit at paulit-ulit niya pa rin itong pinapatawad. ‘Ika niya palagi, “Magbabago rin ‘yon, mahal ako noon!”

Ngunit tila labis na siyang naalarma sa sumunod na ginawa ng kaniyang nobyo. Nakitaan niya ito ng isang pregnancy test sa bag at tila positibo pa ang resulta.

Tulak ng Bibig, Kabig ng Dibdib

Agad niya itong tinanong sa binata. Noong una’y pilit nitong tinanggi ang katotohanan, sa kaibigan niya raw ‘yon at pinapatago lamang, ngunit nang may biglang dumating na babae at tinawag ito, “Love” doon na ito tuluyang umamin sa kaniya.

Bahagya ring nagalit ang babaeng nabuntis niya ngunit mas pinili niya ito dahil nga sa nagbunga na ang pagmamahal niya rito.

Ganoon na lamang ang pagkainis niya sa binatang iyon. Durog na durog siya at tila hindi na makaiyak dahil sa sakit na nararamdaman. Napaupo na lamang siya sa harap ng isang tindahan saka doon nagbuhos ng sama ng loob. Nagulat naman siyang bigla na lang may nag-abot sa kaniya ng isang bote ng tubig, “Inom ka muna, tapos iyak ka ulit. Babantayan lang kita.” dahilan upang mapatigil siya sa pagngawa dahil hindi niya lubusang akalaing ang lalaking ito ang dadamay sa kaniya.

“Salamat, Bernie,” sambit niya saka ininom ang binigay nitong tubig.

Doon na niya tuluyang nailabas lahat ng sama ng loob, sa taong lubos niyang kinamumuhian noon. Matiyaga siya nitong pinakinggan at pinayuhan, sabi nito, “Ang tamang lalaki para sa’yo, hindi ka sasaktan,” na talaga nga namang nakapagpagising sa natutulog niyang isip.

Unti-unti siyang nahulog sa kabaitan ng binata. Bukod kasi sa palagi siyang kinukumusta nito, palagi siyang sinasamahan nitong kumain o kaya naman, sinasabayan siyang pumasok o umuwi galing sa trabaho. Dito niya napatunayang tila malinis talaga ang intensyon ng binata sa kaniya dahilan upang payagan niya itong manligaw.

Takot man siyang umibig ulit, sumubok muli siya. Ngunit sa pagkakataong ito, ginamit niya na ang kaniyang puso’t isip dahilan upang maging panatag siya sa lalaking pinayagang pumasok sa kaniyang buhay.

Hindi kalaunan, sinagot niya ito. Wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang maramdaman na ang tunay na pagmamahal. Hindi siya nagsisi kahit katiting sa pagsagot sa binata dahil araw-araw nitong pinaparamdam sa kaniya ang pagiging isang prinsesa.

Dito na niya napagtantong tila tama talaga ang sinasabi ng kaniyang kaibigan noon. ‘Ika niya, “Siguro kung hindi pa nakabuntis ang nobyo ko dati, hindi ako makakaramdam ng ganitong klaseng saya!”

Lumipas lang ang ilang taon, tuluyan nang ikinasal ang dalawa at bumuo ng sariling pamilya. Ganoon na lamang ang saya ng kaibigan niyang si Juliet nang makita na siyang masaya na rin sa wakas dahil sa pag-ibig na sigurado sa kaniya.

Tulak ng Bibig, Kabig ng Dibdib

Kapag talaga hindi mo pinakawalan ang taong hindi para sa’yo, sakit ang mananaig sa pag-iibigan niyo. Subukan mong palayain ito, siguradong dadating ang tamang tao. Bukod pa doon, ang pagmamahal, hindi nararaparat ibatay sa panlabas na kaanyuan, lilipas kasi ito, ngunit ang ugali, mananatili hanggang dulo.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.