Pinupuri Ang Nanay Dahil Sa Matalino Niyang Anak, Kaya’t Galit Ito Tuwing Mababa Ang Grado Niya, Isang Trahedya Ang Mangyayari na Pagsisisihan ng Nanay

“Ano ba naman yan Erika?! Bakit ganito na naman kababa ang mga grado mo?!” sigaw ng galit na galit na si Lorna sa kanyang nag-iisang anak.

“Ma, eh ako naman po ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa klase,” sagot ng dalaga.

“93? Erika? 93? Mataas na ito para sa’yo? Sa susunod kung hindi ka makakakuha ng 95 pataas na grado, ihahampas ko sa’yo ang mga libro mo!” sagot ng ina.

“Pasalamat ka pinag-aaral kita!” dagdag pa nito.

Halos ganito palagi ang senaryo sa bahay nila Erika. Nasa ikatlong taon na siya ng high school ngayon at sa pagkakaalala niya, mula pa noong siya’y nasa ika-unang baitang ng elementarya ay palagi na siyang pinupukpok ng nanay niya pagdating sa pag-aaral.

Pati ang mga patimpalak sa kanilang eskwelahan pagdating sa kantahan, sayawan o di kaya’y mga pagtula ay pinipilit ni Lorna na manalo siya.

Likas naman kay Erika ang pagiging matalino at talentado kaya’t palagi siyang sumasali. Ngunit nang tumuntong siya ng high school ay nagsimula na rin siyang magkaroon ng mga kaibigan, at dahil doon ay nahati na ang kanyang interes. Natuto siyang mag-enjoy kahit paano sa buhay.

At ito naman ang labis na ikinagagalit ng kanyang nanay. Sa isip nito ay sagabal ang mga kaibigan, hinihila nito pababa ang kanyang anak.

Advertisement

Bale ba ay kinaiinggitan si Lorna sa eskwelahan, ayon sa ibang nanay ay magaling raw siyang magpalaki. Lingid sa kaalaman ng mga ito na katakut-takot na sermon ang inaabot ng dalagita sa kanya mapanatili lang ang maganda niyang imahe.

Isang araw ay nanlalatang lumapit ang dalagita sa ina, kagabi pa masakit ang ulo niya. Marahil ay nasobrahan sa pagre-review kahit wala namang exam.

“Ma, masama talaga ang pakiramdam ko. Hindi ko po talaga kayang sumali sa contest bukas,” nanghihinang sabi ni Erika.

“Ano ka ba naman! Di ba uminom ka na ng gamot?! Pumunta ka nga sa kwarto mo at magpahinga ka! Hindi pwedeng wala ka bukas dahil nandoon ang mga kumare ko! Magtataka ang mga iyon kung di ka nila makikita!” sagot agad ni Lorna.

Naiyak na lamang ang dalaga at naisip na talagang wala na siyang magagawa. Alam niyang mas matindi ang magiging galit ng kanyang ina kung hindi siya sasali.

Kinabukasan, sa araw ng kompetisyon, maagang ginising ni Lorna ang kanyang anak. Nakailang katok siya sa kuwarto ni Erika ngunit hindi sumasagot ang kanyang anak.

“Erika! Erika! Bumangon ka na diyan! Maaga ka pang mag-aayos ngayon!” ani Lorna.

Sa ika-pitong pagkatok ay doon lamang niya narinig ang boses ng anak.

Advertisement

“Opo. Babangon na po,” sagot ni Erika.

“Bilisan mo! Wag kang babagal-bagal!” sagot ng kanyang ina.

Pagkalabas ni Erika ng kanyang kwarto, balot na balot siya ng kumot dahil labis siyang giniginaw. Napansin ito ni Lorna at agad na kinuha ang temperatura ng kanyang anak.

“Diyos ko, Erika! Napakataas ng lagnat mo! Bakit hindi ka nagsasalita!” sigaw ni Lorna.

Sa sobrang hinang-hina ay hindi na siya makasagot pa sa kanyang ina. Agad siyang isinugod sa ospital.

Sa buong biyahe ay wala nang matandaan ang dalaga dahil sobrang sama ng kanyang pakiramdam.

Ang susunod na lamang na nakita ni Erika sa kanyang pagdilat, ay nasa isang kwarto na siya sa ospital at ang kanyang nanay naman ay nakatayo at nagbabantay sa kanyang tabi habang hawak ang kanyang kamay. Namumugto pa ang kanyang mga mata na parang katatapos lamang umiyak.

“Ma?” mahinang bulong ni Erika.

Advertisement

“Diyos ko, salamat. Buti at nagising ka na, anak. Kamusta ang pakiramdam mo?” nag-aalalang tanong ni Lorna.

“Nahihilo-hilo na lang po ako, ma pero medyo giniginaw pa rin ako,” ani Erika.

“Kasalanan ko ito anak, patawarin mo ako,” naiiiyak na sagot ng kanyang nanay.

Hindi nakasagot ang dalaga kaya’t nagsalita muli si Lorna.. “Sabi ng doktor, kailangan mo raw magpahinga dahil sa sobrang over fatigue ng katawan mo ay nilagnat ka ngayon ng sobrang taas. Pero kagabi ay napakasama pa ng pagtrato ko sa’yo,” aniya.

“Pinapatawad kita, ma. Alam ko namang gusto mo lang ay ang makakabuti sa akin,” sagot ng dalaga.

“Hindi anak, masyado akong naging mataas at mayabang pagdating sa’yo. Kahit ang mga bagay na ayaw mong gawin ay pinapagawa ko sa’yo para lang hindi ako mapahiya. Pero wag kang mag-alala anak, mula ngayon, hindi ko na gagawin ang mga bagay na iyon. Hahayaan kitang magdesisyon para sa iyong sarili, at nandito ako para lang gabayan ka,” sambit ni Lorna sa anak.

Tinupad ni Lorna ang sinabi niya sa kanyang anak. Mula noon ay hindi na napipilitan si Erika sa mga gusto niyang gawin at mas naging magaling pa siya rito. Maging ang mga grado niya sa eskwela ay halos palagi siyang nakakakuha ng perpektong marka.