Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Palaging Nagagalit Ang Mister Dahil Umuuwi Siya sa Bahay Na Makalat, Natuliro Siya nang Biglang Umalis ang Kanyang Misis - Inday Trending

Palaging Nagagalit Ang Mister Dahil Umuuwi Siya sa Bahay Na Makalat, Natuliro Siya nang Biglang Umalis ang Kanyang Misis

Sa pitong taong pagiging kasal ni Cyrene at Kenneth, sila’y nabiyayaan ng dalawang supling. Ang kanilang panganay ay apat na taong gulang at ang kanilang bunso naman ay kaka-isang taong gulang pa lamang.

Mula nang maipanganak ang kanilang panganay ay tumigil na sa pagtatrabaho si Cyrene. Hindi rin kasi ganoong kalaki ang suweldo ng kanyang mister kaya’t hindi nila kayang kumuha ng katulong at wala rin sa mga magulang nila ang kayang mag-alaga ng dalawang bata – masyado na kasing matanda ang mga ito.

Isang nurse si Cyrene ngunit mas pinili niyang isuko ang kanyang trabaho para mas maalagaan ang kanilang dalawang anak.

Noong iisa pa lamang ang kanilang anak ay sa una lamang nahirapan ang misis. Pero nang tumagal ay nasanay na rin si Cyrene.

Araw-araw ay napaka-aga niyang magising. Kadalasan pa nga ay nauuna pa siya kaysa sa tilaok ng mga manok. Parati niya kasing ipinagluluto ang kanyang mister para may maibaon sa araw-araw. Bukod doon ay magluluto rin siya ng pang almusal nilang mag-anak sa araw na iyon. Maaga ring nagigising ang kanyang panganay na anak, kaya naman maaga niyang padededehin ang anak niya. At kapag nakatulog naman na ang anak niya sa tanghali, ay doon na siya magsisimulang gumawa ng gawaing bahay.

Kadalasan ay nagmamadali pa siyang gumawa dahil magigising ang kanyang anak sa hapon. Sa hapon naman sila maglalaro ng kanyang anak.

Kaya naman madalas tuwing uuwi ang kanyang asawa ay makalat ang kanilang bahay dahil hindi pa nakakapagligpit si Cyrene.

“Ano ba naman to, puro na naman kalat!” inis na sambit ni Kenneth noong isang araw na umuwi siya sa kanyang bahay.

“Magligpit ka naman Cyrene!” dagdag pa ng mister.

“Pasensya ka na, liligpitin ko na rin. Kakatapos lang kasing maglaro ng anak mo at nagluluto rin kasi ako ng hapunan,” sagot naman ni Cyrene

“Oh, eh anong gagawin ko? Ikaw kaya subukan mong umuwi sa bahay na puro kalat. Tingin mo gaganahan ka?” sagot ng naiinis na si Kenneth.

“Pasensya ka na talaga. Sige magliligpit lang ako,” ani Cyrene.

Ngunit dahil rin naman sa dami ng ginagawa ng misis na gawaing bahay, talagang nahihirapan rin siyang magligpit agad-agad ng mga kalat ng anak.

Noong iisa pa lamang ang kanilang anak ay hirap na siya, lalo na rin noong naging dalawa na ang anak nila. Ngunit kahit ilang beses ipaintindi ni Cyrene ang sitwasyon sa kanyang asawa ay tila hindi pa rin ito maintindihan ni Kenneth.

“Cyrene! Ano ba ito?! Kailan ba ako uuwi dito na malinis naman ang bahay?!” Sigaw agad ni Kenneth pagpasok pa lang sa pintuan ng bahay nila.

“Pasensya ka na Kenneth, magliligpit din naman ako mamaya,” sagot naman ng misis.

“Ano’ng mamaya? Maglinis ka na ngayon!” galit na sagot ng mister.

“Pwede ba Kenneth, akala mo ba madali ang ginagawa ko pag wala ka? Ako ang gumagawa ng halos lahat dito sa bahay na ito, wala akong reklamo pero sana wag mo naman akong kausapin na parang katulong mo ako rito,” naiiyak na sambit ni Cyrene.

“Ewan ko sayo! Napaka-arte mo! Dami mong sinasabi!” sabi ni Kenneth sabay alis at nagkulong sa kanilang kwarto.

Kinabukasan.. Walang pasok si Kenneth. Pero nagising siya dahil sa iyak ng kanyang mga anak. Wala na sa tabi niya ang kanyang misis kaya’t naisip niya na baka nagtitimpla na iyon ng gatas para sa mga umiiyak na anak. Ngunit ilang segundo pa ang lumipas at palakas na ng palakas ang pagiyak ng mga anak niya. Ilang beses niyang tinawag si Cyrene pero walang sumasagot.

Bumangon agad siya at dumiretso sa kuwarto ng mga anak at binuhat sila parehas papunta sa kusina. Mabilis na nagtimpla agad ng gatas si Kenneth at ibinigay sa parehong anak. Doon sa kanilang lamesa ay may nakalagay na sulat galing kay Cyrene…

“Pumunta muna ako kina mama. Ikaw na muna ang bahalang mag-alaga sa mga anak mo. Siguro ay karapatan ko rin muna ang magpahinga kahit isang araw lang.”

Inis na inis si Kenneth matapos mabasa ang sulat ng misis.

Buong maghapon ay walang ibang nagawa si Kenneth kundi ang makipaglaro, pakainin, at patulugin ang dalawang anak.

Habang nagluluto ng hapunan ang mister ay iyak ng iyak ang dalawa niyang anak dahil nagugutom na ang mga ito, hindi na rin naiwasan ni Kenneth ang makisabay sa iyak ng mga anak. Agad niyang tinawagan ang kanyang misis at nakiusap na umuwi na.

Pagdating ni Cyrene sa kanilang bahay, umiiyak na ang mister niya at agad itong sumalubong sa kanya. Nakita niya rin ang dalawa niyang anak na mahimbing na natutulog ngunit hindi na malinis ang mga damit. Ang mga laruan nila ay nakakalat din mula sa kanilang kwarto hanggang sa sala. Napansin rin niya ang tambak na hugasin sa lababo at ang mga labada ay hindi pa nagagalaw.

“Oh.. bakit ka umiiyak? Anong nangyari?” nag-aalala pa ring tanong ni Cyrene sa mister.

“Patawarin mo ako.. Naging masama akong asawa sa’yo. Palagi kitang inaaway at pinagsasalitaan ng masama. Pero hindi ko alam na ganito pala kahirap ang mga ginagawa mo. Bilib ako sa’yo sa haba ng pasensya mo sa pagiging ina mo sa mga anak natin at sa pasensya mo sa akin. Naiintindihan ko na ngayon ang sakripisyo mo para sa ating pamilya. Sana mapatawad mo ako..” sabi ng umiiyak na si Kenneth.

Niyakap ng mahigpit ni Cyrene ang kanyang mister. Pinatawad niya rin ang asawa at nakipagayos rin naman kaagad. Masaya na siya ngayong alam ng asawa niya ang hirap ng ginagawa niya sa araw-araw.

Nangako naman si Kenneth na sa tuwing uuwi siya galing trabaho ay tutulungan niya ang asawa sa ibang mga gawaing bahay.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.