Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Da Best ang Lola ko! - Inday Trending

Da Best ang Lola ko!

Mula pagkabata hanggang ngayong malaki na si Vicmar ay si Lola Salve na ang kinagisnan niyang nanay at tatay.

Da Best ang Lola ko!

Hindi na niya nakilala pa kung sino ang kaniyang mga magulang dahil ayon dito ay basta na lang umuwi sa bayan nila ang anak nitong si Helen galing ng Maynila na may bitbit nang sanggol. Pagkatapos nitong maibigay sa kaniya ang bata ay muli na naman itong bumalik sa Maynila upang magtrabaho pantustos sa pangangailangan ng anak nitong iniwan. Ngunit mula noon ay wala nang balita si Lola Salve, kung ano na ba ang nangyari dito hanggang ngayon.

“Vicmar apo, pumarito ka muna at aayusin ko iyang uniporme mong gusot!” kaway ni Salve sa apong kanina pa nagmamadali dahil male-late na sa klase.

“Salamat po lola,” nakangiting wika ni Vicmar. “Lola, anong gusto mong dalhin ko mamaya pag-uwi?” maya-maya pa ay tanong ni Vicmar.

“Asus! Kahit huwag na, apo. Basta ang mahalaga ay umuwi ka rito mamaya na ligtas at walang galos sa katawan,” wika ni Salve, sabay gulo ng buhok ni Vicmar, agad naman itong umangal dahil sa nagulong buhok.

“Lola naman e. Pinaghirapan kong ayusin ang buhok ko,” nakalabing wika ni Vicmar.

“Asus! Binata na nga ang aking apong si Vicmar,” natutuwang wika ni Salve sabay taboy sa apo upang lumarga na sa eskwelahan.

“I love you lola, paalam na muna sa ngayon,” wika ni Vicmar sabay halik sa pisngi ng kaniyang lola.

“I love you too apo,” nakangiting kumaway naman si Salve.

Ganun lagi ang nangyayari sa umaga nilang dalawa. Mahal na mahal ni Vicmar ang kaniyang Lola Salve, kung wala ito ay hindi niya alam kung ano na ang nangyari sa kaniya. Iniwan lang siya ng sariling ina at mula noon hanggang ngayon ay hindi na ito nagparamdam pa. Mabilis na lumipas ang panahon at ngayon nga ay nakapagtapos na si Vicmar ng kolehiyo.

“Sige na ‘la, payagan niyo na akong magmilitar. Alam niyo naman na noon ko pa iyon pangarap sa buhay,” naglalambing na pakiusap ni Vicmar sa kaniyang Lola Salve.

“Ayoko Vicmar! Pinagtapos kita ng kolehiyo hindi upang humawak lamang ng kung ano-anong baril at makipagbakbakan! Napakahirap maging militar apo at saka pwede ka pang mapahamak sa ganung larangan ng trabaho. Paano kung ipadala ka nila sa lugar kung nasaan ang giyera? Baka hindi ka pa nakakarating sa pinangyarihan ay nam*tay na ako sa sobrang pag-aalala!” halata ang labis na takot sa boses ni Salve habang pinapaliwanag sa apo niyang si Vicmar, kung bakit tutol siya sa propesiyon na nais nito.

“Pero lola–”

“Iba na lang ang gawin mo! Ayokong mag-sundalo ka!” pinal na wika ni Salve.

“La, nakapagpalista na po ako kahapon at ang sabi ay sa susunod na lunes na ang gaganaping training. Please la, huwag na po kayong magalit sa’kin,” pag-amin ni Vicmar, sabay pakiusap sa mahal na lola.

“Ano?!” gulat na gulat na wika ni Salve. “Kapag itinuloy mo pa rin ang gusto mo Vicmar ay mas maigi pang isipin mo na lang din na patay na ako!” galit na pahayag ni Salve, at saka tinalikuran ang natatamemeng si Vicmar.

Halos araw-araw na naguguluhan si Vicmar kung ano ang gagawin niya sa kaniyang Lola Salve. Pipiliin ba niya ang gusto ng puso niya? O gagawin ang nais nito? Ayaw niyang magalit ito sa kaniya at hindi niya kakayanin kung itatakwil siya nito dahil sa pagsuway niya rito at pagsunod sa gusto niya. Pero ang pagsusundalo talaga ang pangarap niya noon pa man. Ano ba ang kaniyang gagawin?

Dumating na nga ang araw ng Lunes. Nakapagdesisyon na si Vicmar. Sasama siya sa training at tutuparin ang kaniyang matagal nang pangarap. Naihanda na niya ang lahat ng kaniyang kakailanganin sa pag-alis.

“Lola, mahal na mahal po kita. Ikaw na lang ang pamilya ko kaya mahal na mahal kita. Ayoko po na nagagalit kayo sa’kin, pero lola, ito po talaga ang pangarap ko. Sana maunawaan niyo ako. Pinapangako ko naman sa inyo na iingatan ko ang sarili ko, at saka iiwasan ko po ang bala. Please lola, huwag ka na pong magtampo sa’kin,” buong pagsuyong wika ni Vicmar, habang nakayakap sa likuran ng kaniyang lola.

Kaso mukhang galit talaga ito dahil hindi man lang ito sumagot sa pakiusap niya at walang sabi-sabi pa itong naglakad papasok sa silid nito. Nakaramdam naman ng labis na lungkot si Vicmar.

“Lola Salve, babalik po ako ha? Hintayin niyo ako. I love you la, paalam muna sa ngayon,” pilit niyang pinapasigla ang boses upang hindi nito mahalata ang lungkot sa boses niya.

Napakahirap ng training at pakiramdam niya’y hindi na niya kakayanin. Ngunit kapag naaalala niyang ito ang gusto niya sa buhay ay muli na naman siyang magkakaroon ng lakas ng loob upang magpatuloy sa pagsusundalo.

Pagod na pagod na ang katawan ni Vicmar pero pinipilit niya pa ring tumakbo dahil kasama iyon sa training nila. Hapong-hapo ang katawan niya dahil sa ginawang pabalik-balik na takbo nang biglang may tumawag sa pangalan niya.

“Vicmar, may bisita kang dumating,” wika ni Bryan.

Agad naman siyang napangiti ng bumungad sa harapan niya ang babaeng nasa likuran ni Bryan. “Lola!” tawag niya sa lola niyang nakangiti rin noong nakita siya.

Agad itong niyakap ni Vicmar, sobrang miss na miss na niya ang kaniyang lola. Kung kanina ay nanghihina siya, ngayong nakikita na niya ang babaeng mahalaga sa puso niya’y biglang nanumbalik ang kaniyang lakas.

“Ayan may mga dinala ako para sa’yo. Inaalagaan mo ba ang sarili mo rito?” wika ni Lola Salve. “Ang sabi mo sa’kin ay hindi ako dapat mag-alala sa’yo dahil iingatan mo ang sarili mo rito. Kaya dapat lang na mag-iingat ka,” dugtong pa nito.

Da Best ang Lola ko!

“Hindi ka na ba galit sa’kin ‘la?” ang tanging tanong ni Vicmar habang nakatitig sa mukha ng lola niya.

Ngumiti ito at ginulo ang basa niyang buhok dahil sa pawis. “Kailan ba ako nagalit sa’yo ng sobra? Siyempre mahal kita dahil apo kita kaya hinding-hindi kita matiis. Ayokong payagan ka dahil ayokong mawala ka sa’kin, ikaw na lang kasi ang nag-iisang pamilya na mayroon ako. Pero dahil mapilit ka kaya walang magawa ang lola kung ‘di ang suportahan ka,” paliwanag nito at pakiramdam ni Vicmar ay nais niyang humagulhol ng iyak.

Muli niyang niyakap ang Lola Salve niya. “Gagalingan ko pa po rito lola at pangako, babalik ako at hindi ka iiwan. Pangako iyon, lola. I love you po,” buong pusong wika ni Vicmar.

“Mahal na mahal ka rin ni lola, apo,” nakangiting wika naman ni Salve.

Madalas sinasabi ng karamihan na walang inang kayang tiisin ang isang anak. Pero bukod sa pagiging ina ay wala ring lola ang makakatiis sa kanilang apo. Minsan mas matimbang pa nga ang apo kaysa anak. Hindi man nakilala ni Vicmar ang sariling magulang, sapat naman ang natatanggap niyang pagmamahal galing sa Lola Salve niya upang masabi niyang kumpleto na siya.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.