Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Simpleng Pangarap ang Natupad - Inday Trending

Simpleng Pangarap ang Natupad

Simple lang ang pangarap ni Joel, mapakain ng tatlong beses ang kaniyang asawang si Herra at ang kaniyang dalawang anak. Kaya siya kumakayod sa buhay para maibigay sa pamilya ang pangangailangan ng mga ito. Nagbebenta siya ng mga laruang pambata, iyong iba ay gawa na at nakabalot na. Inaangkat na lang niya ng maramihan upang mas makamura. May ilan naman na siya mismo ang gumagawa niyon, katulad ng kahoy na laruan, kahoy na sasakyan, robot, bahay-bahayan at kung ano-ano pa.

Simpleng Pangarap ang Natupad

Iyon ang alam na paraan ni Joel, upang mabuhay niya ang kaniyang pamilya.

“Papa!” masayang tawag ng kaniyang bunsong si Jenjen. “Papa, tingnan mo po,” abot ni Jenjen sa hawak na test paper. “Nakakuha ako ng perfect sa test namin,” masayang-masayang wika ng kaniyang bunso na pitong taong gulang pa lamang.

“Wow! Ang galing naman ng bunso ko. Kapag nakabenta si papa sa mga laruang ito ay kakain tayo sa paborito mong Jollibee,” wika ni Joel, sabay yakap sa anak.

“Papa, mag-aaral akong mabuti. Para paglaki ko bibili na ako ng bahay na katulad niyan,” turo ni Jenjen sa nakalatag na laruang gawa sa kahoy. Iyon ang isa sa mga gawa niya.

“Nandito lang ang papa, anak, para suportahan kayo. Pasensiya na kung mahirap si papa ninyo,” kausap niya sa dalawang anak na ngayon ay pareho nang nakayakap sa kaniya.

Mabilis na lumipas ang panahon at ngayon ay pareho nang nasa kolehiyo ang dalawang anak ni Joel at Tayang. Bukod sa pagbebenta ng mga laruan ay kung ano-ano na lang ang binebenta ni Joel, katulad ng pagtataho, pagiging sorbetero at kung ano-ano pa. Minsan kasi ay mahina ang kita ng mga laruan lalo na kapag hindi pa buwan ng Disyembre.

“Joel, kailangan na naman ni Talia ng pang-tuition. At saka si Jenjen naman ay may projects,” kausap ng kaniyang asawang si Tayang sa kaniya.

“Ganun ba? Magkano ba ang kakailanganin mo, anak?” tanong ni Joel sa panganay na anak niyang si Talia.

“Kahit limang-libo na raw muna papa,” nakalabing wika ni Talia.

“Sige hahanap ng paraan si papa anak ah. Tiyaga-tiyaga muna tayo ngayon,” nakangiting wika ni Joel at saka naman binalingan ang bunsong anak at ganun rin ang sinabi niya. Hindi aabot ang kinita niya sa paglalako kanina ng taho. Pero sisikapin ni Joel na maibigay sa dalawang anak ang kailangan ng mga ito.

“Papa, hayaan niyo po. Kapag nakapagtapos si Ate Talia, matutulungan niya na rin po kayo at hindi na kayo mahihirapan pa,” wika ni Jenjen, dahilan upang mapangiti si Joel.

Nagsusumikap si Joel para maibigay sa pamilya ang lahat. Ngunit isang araw ay isang masamang balita ang kaniyang natanggap mula sa kaniyang panganay na anak.

“Buntis ako, pa. Sorry po,” umiiyak na pag-amin ni Talia. Pakiramdam ni Joel ay biglang gumuho ang mundo niya. Ang akala niya’y makakatulong na ito sa kahirapan nila, ngunit nagkamali siya.

“Bakit? Akala ko ba ‘nak gusto mong makapagtapos? Kaya nga ako kumakayod kalabaw ‘di ba kasi sabi mo gusto mong makapagtapos? Bakit ‘nak? Nagkulang ba ako?” gustong-gusto nang humagulgol ng iyak ni Joel, ngunit hindi niya magawa.

“Sorry po papa,” umiiyak na wika ni Talia.

Simpleng Pangarap ang Natupad

Walang nagawa si Joel kung ‘di tanggapin ang lahat. Pakiramdam niya’y bigla siyang napilay at nakaramdam ng pagod sa buhay. Parang ayaw niya nang magtrabaho, ganun pa rin naman. Kahit labag sa loob ay walang nagawa si Joel, kung ‘di ipakasal ang anak sa tatay ng pinagbubuntis nito.

Mula noon ay hindi na katulad dati ang pagsisikap ni Joel. Hindi na rin siya tumatanggap ng kung ano-anong paninda. Pagod na siyang kumayod kalabaw. Kung anuman ang kinita niya sa pagtitinda ng laruan ay sapat na iyon para sa kaniya.

“Papa, gagraduate na po ako ng senior high school next month. Pa, gusto ko sanang kumuha ng kursong nursing. Sabi kasi nila kapag daw nurse ka at nagtrabaho ka sa ibang bansa ay may posibilidad na pwede kang yumaman. Malak-” hindi naituloy ni Jenjen ang sasabihin nang sumingit si Jose.

“Jen, pagka-graduate mo ng senior high mag-trabaho ka na lang at huwag nang mag-aral ng kolehiyo. Mas maigi iyon, para hindi na tayo gumastos pa at sa bandang huli ay mauuwi lang din sa wala,” pormal na wika ni Joel sa anak.

“Pero pa gusto ko pong mag-aral ng kolehiyo,” nakikiusap na wika ni Jenjen.

“Iyan din ang sinabi ng ate mo sa’kin noon. Kaso anong nangyari ngayon? Nandun siya sa bahay ng asawa niya at nagbabantay ng anak,” dismayadong wika ni Joel. “Wala akong ibang hinangad para sa inyong dalawa ng ate mo kung ‘di ang mapabuti kayo at maibigay ang magandang buhay sa inyo sa pamamagitan ng pag-aaral. Kaso binigo ako ng ate mo Jen, kaya napaisip na lang ako na mas maigi na sigurong huwag mo nang ituloy ang kolehiyo mo. At least graduate ka ng high school,” mahabang wika ni Joel, sabay tayo sa hapag-kainan animo’y nawalan na ito ng ganang kumain.

Walang magawa si Jen kung ‘di umiyak na lamang sa labis na panibugho. Hindi naman niya masisisi ang ama. Nakita niya kung paano ito kumayod noon. Ngunit hindi iyon ang magiging dahilan para itigil na lang ni Jen ang pangarap. Nagsumikap siya at kumayod sa sariling paraan habang nag-aaral. Nais niyang ipakita sa papa niyang hindi siya gagaya sa ate niya at tutuparin niya ang ipinangako niya noon sa ama. Siya ang aahon sa kahirapan ng mga magulang.

Maraming taon ang lumipas at dahan-dahan na ngang natupad ni Jen ang kaniyang pangarap. Nang makapagtapos siya sa kolehiyo ay agad siyang pumasok sa isang malaking kumpanya, iniipon ang bawat sahod at nakapagtayo rin ng maliit na negosyo. Ang sinimulang maliit na negosyo ay lumago at iyon ang naging paraan ni Jen upang bumili ng bahay na noon pa niya ipinangako. Ipinatigil na rin niya ang papa niya sa pagtitinda ng laruan, dahil alam naman niyang kaya na niyang tustusan ang pangangailangan ng pamilya niya.

“Papa, matagal man pero sa wakas natupad ko na rin ang pangarap nating bahay,” mangiyak-iyak na kausap ni Jen sa amang kanina pa lumuluha.

“Patawarin mo ako anak kung hindi na kita sinuportahan noon. Patawarin mo ako kung akala ko magiging kagaya ka rin ng ate mo,” humihikbing wika ni Joel.

Agad namang niyakap ni Jen ang ama. “Hindi mo ako sinuportahan sa pag-aaral dahil akala mo gagaya ako kay ate. Pero hindi mo naman ako pinabayaan papa. Nand’yan ka pa rin at hindi ako iniiwan. Hinayaan mo akong gawin ang gusto ko pero nand’yan ka pa rin nakaalalay kasama ang mga tinitinda mong laruan,” umiiyak na ring wika ni Jen. “Hindi na po tayo maghihirap ulit papa,” dugtong niya.

Simpleng Pangarap ang Natupad

Ang pangarap na bahay noon ni Jen na gawa sa laruan, ngayon ay totoo na at matitirhan na nilang pamilya. Ang Ate Talia naman niya ay muling nagpatuloy sa pag-aaral at sinusuportahan ng asawa nito. Nahuli man ang ate niya ang mas mahalaga ay nagpatuloy ito. Wala namang pinipiling edad ang pagtupad ng pangarap at iyon na nga ang ginawa ni Talia. Patuloy pa rin na gumagawa si Joel ng laruan, pero hindi para ibenta. Kung ‘di para idisplay sa malaki nilang bahay.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.