Nang Dahil sa Tsinelas ni Nene

“Yen, pitong taon na si Nene, wala ka pa rin bang balak ipakilala siya sa kaniyang amang si Kevin?” tanong ni Maymay sa kaniyang kaibigan, isang araw nang puntahan niya ito sa bahay upang kamustahin.

“Naku, Maymay, para saan pa? Pitong taon na nga si Nene, ni isang beses hindi kami hinanap ng mokong na ‘yon!” galit na sagot ni Yen habang padabog na tinutupi ang mga nilabhang damit.

“Alam niya ba na buntis ka bago kayo maghiwalay? Baka hindi naman kaya hindi niya kayo hinahanap!” tugon pa ng kaniyang kaibigan na labis na dumagdag sa kaniyang pagkainis.

“Hoy, magtigil ka sa pagtatanggol doon, ha? Alam niya! Sinabi ko ‘yon sa kaniya pero hindi niya ako pinaniwalaan!” depensa niya pa, napabuntong hininga naman ang kaniyang kaibigan.

“Hay naku, basta ang akin lang, karapatan ng anak mo na makilala ang kaniyang ama,” ‘ika pa nito, “O, sige na, mamalengke na ako!” huling sambit ng kaniyang kaibigan saka na tuluyang nagpaalam. Naiwan naman siyang inis na inis at hindi maipinta ang mukha, muli niya na naman kasing naalala ang mapait na parte ng kaniyang buhay.

Ina sa pagkadalaga si Yen. Dalawang buwang buntis pa lamang siya noong nagdesisyon ang kaniyang nobyong hiwalayan siya nang dahil lamang sa isang simpleng dahilan, hindi na raw ito kinikilig sa kaniya.

Ganon na lamang ang kaniyang pagkadismaya sa nobyo noong mga panahong ‘yon. Inamin niya rito na buntis na siya ngunit ‘ika nito, “Ginagamit mo lang ‘yang dahilan na ‘yan para mapanatili ako, pero pasensya ka na, hindi ako naniniwala sa’yo,” na labis niyang dinamdam dahilan upang itago niya ang kanilang anak dito.

Mag-isa niyang tinaguyod ang anak na babae simula noong iwan sila ng kaniyang nobyo hanggang ngayong pitong taong gulang na ito. Lahat na yata ng trabaho ay pinasukan niya, labandera, taga-hugas ng pinggan sa karinderya, tagalinis ng bahay, LAHAT, para lamang matagumpay na maisilang ang anak.

Advertisement

Kaya ganoon na lamang ang sama ng loob niya sa dating nobyo dahil tila binura na talaga sila sa isip nito. Kahit isang beses, hindi man lang ito nagpakita o nagparamdam sa kaniya upang makita kung buntis ba talaga siya.

Ngunit dahil nga pitong taon na ang anak niya, madalas na itong magtanong kung nasaan na raw ang tatay niya at ganoon na lamang siya kinulit nito nang minsan silang kumain sa isang karinderya hindi kalayuan sa inuupahan nilang bahay ngayon. Sa sobrang inis niya sa kakulitan ng anak, minadali niya itong kumain upang makauwi na, tila nahihiya kasi siya sa mga taong nakakarinig sa pangungulit ng anak at wala siyang maisagot dito kundi, “Bilisan mo na kumain, sa bahay tayo magkwentuhan.”

Ngunit isang kanto pa lang ang kanilang nalalakad, napansin niyang isang tsinelas na lang ang suot ng anak.

“Nene, bakit isa lang ang tsinelas na suot mo?” tanong niya sa anak matapos niyang mapunang wala ang isang tsinelas nito.

“Eh, pinagmadali niyo po ako, eh. Hindi ko na po nasuot ‘yung isa,” sagot ng musmos saka bahagyang ngumiti, akala’y tama ang kaniyang ginagawang pagsunod sa ina.

“Hay naku, halika at balikan natin! Wala na tayong pambili ng bago mong tsinelas!” sambit niya saka nagmadaling naglakad pabalik sa nasabing kainan.

Ngunit pagdating nila doon, malinis na ang lamesang pinagkainan nila. Wala na rin ang tsinelas kung saan ito iniwan ng kaniyang anak. Sinilip-silip niya ang ilalim ng ibang lamesa at laking gulat niya ng may mag-abot sa kaniya ng isang piraso ng tsinelas.

“Ke-kevin? O, buhay ka pa pala?” sarkastikong sambit niya sabay hablot ng tsinelas na hawak nito. Agad niya itong pinasuot sa anak saka nagmadaling umalis ngunit pinigilan sila ng dati niyang nobyo.

Advertisement

“Siya ba ‘yung sinasabi ni Maymay na anak ko?” tanong nito.

“Wala kang anak sa akin!” bulyaw na rito dahilan upang magtinginan ang mga tao sa kanila. Dahil sa kahihiyan, agad niya na muling hinila ang anak upang makauwi na ng bahay.

Ngunit laking gulat niya nang kumatok ito sa kanilang bahay. Dahil nga nandoon na rin at labis nang naguguluhan ang kaniyang anak, inamin niya na sa lalaking ito nga ang anak niya.

Mahigpit niyang niyakap ang batang halos nagugulat sa mga pangyayari. Dito na nagsimulang magpaliwanag ang lalaki sa kaniya. Labis itong nagsisisi sa kaniyang pang-iiwan noon, tila ang laki raw ng karmang idinulot nito sa kaniya na labis niyang pinagsisihan.

Pilit daw silang hinanap nito noon, ngunit dahil nga palipat-lipat sila ng tinitirhan, hindi sila makita nito. Kung hindi raw dahil sa kaibigan nilang si Maymay, hindi raw sila matatagpuan nito.

Halos tatlong buwang nanuyo ang lalaki sa kanilang mag-ina. Palagi itong nasa kanilang bahay, nagluluto, naglalaba, hinahatid sa paaralan ang anak, at iba pang gawaing bahay dahilan upang ganoon siya makumbinsing bigyan ng pangawalang pagkakataon ang ama ng kaniyang anak.

Tila naging mabuti naman ang kinalabasan ng pasiya niyang ito dahil ganoon na lamang ang sayang kaniyang nararamdaman sa tuwing kasama niya ito at makitang masaya ang anak sa piling nito.

Tunay nga siguro ang kasabihang, kapag mahal mo, kahit pa nakalalim ng sugat na idinulot nito, muli mong pagbibigyan at pagkakatiwalaan.