Katas ng Bakal Bote

“Totoo bang namumulot ka ng basura at nangangalakal, Jenica?” tanong ni Chin sa kaniyang kaibigan.

“Oo, wala kasi akong pangbaon, eh,” sagot ni Jenica saka bahagyang napakamot ng ulo.

“Hayaan mo, kapag may sobra akong pera bibigyan kita, para makapag-aral ka sa darating na exam!” sambit nito na tila nakapagbigay pag-asa sa kaniya dahilan upang mapangiti siya.

Ngunit tila narinig ng isa nilang malditang kaklase ang kanilang pag-uusap. Labis ang inggit nito sa kaniya dahil kahit pa may trabaho siya, matataas ang kaniyang grado at malaki ang tiyansang magkaroon siya ng mataas na karangalan sa kanilang pagtatapos sa susunod na taon.

“Totoo? Namumulot ka ng basura? Akala ko pa naman namamalik mata lang ako nang makita kitang nagbubungkal ng basura sa tapat ng bahay namin! Ikaw rin yung sumisigaw ng bakal bote, ano? Grabe, nakakadiri. Sobrang hirap niyo ba para mamasura ka habang nag-aaral?” sambit ni Angela dahilan upang bahagyang mawala ang mga ngiti sa kaniyang mga labi.

“Oo, eh. Sa katunayan nga, dapat hindi na ako mag-aaral,” pag-amin niya rito.

“Naku, kung ako sa’yo, huwag ka na mag-aral, mamasura ka na lang, tutal doon ka nababagay,” tugon pa nito saka bahagyang tinapakan ang kaniyang paa at nagmadaling umalis.

Panganay sa tatlong magkakapatid ang dalagang si Jenica. Dahil nga siya na lamang inaasahan ng kaniyang ina pagkat yumao na ang kaniyang ama, ginagawa niya ang lahat upang makatulong sa pamilya’t makapagtapos ng pag-aaral.

Advertisement

Tuwing pagkatapos ng kaniyang klase, nagpapalit lamang siya ng damit saka didiretso na sa tambakan ng basura upang mangalakal. Kung wala naman siyang makita doong pwedeng ibenta, naglilibot siya sa mga karatig barangay upang bumili ng bakal bote na naibebenta niya ng mas mahal sa junkshop.

Hindi na niya iniintindi ang sasabihin ng iba dahil ang mahalaga para sa kaniya, bukod sa matulungan niya ang kaniyang inang itaguyod ang kanilang pamilya, matupad niya ang pangarap niyang maging isang guro na tiyak magiging susi sa pag-angat ng kanilang pamilya.

Noong araw na ‘yon, pagkatapos klase, agad siyang umuwi ng bahay. Katulad ng kaniyang nakasanayan, nagpalit lamang siya ng damit saka nagsimulang mangalakal. Ngunit tila hindi niya inakala ang mga sumunod na nangyari.

Nakasalubong niya ang kaniyang mga kaklase na galing sa isang restwaran. Hindi siya nahiya sa mga ito. Sa katunayan nga, kinawayan niya pa ang mga ito. Ngunit imbis na matuwa at humanga sa kaniyang kasipagan, pinaulanan pa siya ng mga ito ng tukso na pinamunuan ni Angela.

“Kawawang Jenica, imbis na nag-aaral, namamasura, sabi naman sa’yo, mamasura ka na lang habang buhay dahil ang basurang katulad mo, sa basura rin nababagay!” sambit nito saka sinipa ang bitbit bitbit niyang sako dahilan upang matapon ang ilang mga lata’t bote. Imbes na tulungan siya, nagtawanan pa ang mga ito saka nag-unahang tumakbo.

Pinulot niya ang mga ‘yon habang patuloy na bumubuhos ang kaniyang luha. Doon siya nangakong, “Kahit anong husga o tukso ng tao, mananatili akong kalmado ‘pagkat dadating rin ang tagumpay ko.”

Ginawa nga niya ang lahat upang makatapagtapos ng pag-aaral. Bukod sa pangangalakal niya, pumasok pansiya bilang isang serbidora sa isang kainan. Kahit pa wala siyang tulog, pinipilit niya ang sariling pumasok.

Hindi nagtagal, tuluyan na siyang nakapagtapos at naging isang ganap na guro. Labis na lamang ang kaniyang saya dahil kahit pa hirap na hirap siya, matamis na tagumpay ang kaniyang natanggap.

Advertisement

Doon na siya unti-unting nakaipon. Nagawa niya na ring ibalik sa pag-aaral ang kapatid niyang tumigil sa pag-aaral noong panahong gipit na gipit sila. Ngunit isang araw, nagulat na lamang siya kung sino ang nasa harapan ng kaniyang silid sa paaralang kaniyang pinagtatrabahuhan.

“O, Angela, napadalaw ka?” sambit niya rito.

“Jenica, pwede ba akong mangutang sa’yo?” tanong nito na labis niyang ikinagulat. Doon niya nalamang nabuntis pala ito habang nasa ikatlong taon sila sa kolehiyo dahilan upang hindi ito makapagtapos ng pag-aaral at ngayon, iniwan naman ng asawa, kaya nangungutang sa kaniya upang may maipakain sa anak niya.

Pinahiram niya ng pera ang babaeng labis mangmaliit sa kaniya noon. Hindi na niya inintindi ang mga kasalanan nito at tanging awa ang nanaig sa kaniya.

Simula noon, naging magkaibigan sila ng naturang babae. Hindi man naging maganda ang relasyon nila noon, masaya siyang matulungan ito ngayon.

Minsan dahil sa mga husga’t pang-aalipusta ng tao, mas lalo tayong natutulak abutin ang ating pangarap. Nawa’y kapag nakamtan na natin ang ating tagumpay, gantihan natin sila ng kabutihan.