Basag Kotse

“Kuya, mukhang natatabunan na tayo ng mga bagong tayong pagawaan ng sasakyan ngayon, ha? Tingnan mo sa kabila, halos mapuno, sa atin, wala ni isa! Wala ba tayong aksyong gagawin?” sambit ni Roniel sa kaniyang nakatatandang kapatid na kasosyo niya sa negosyo.

“Yun nga, eh. Pero, balita ko, lilipat na raw sa Maynila ‘yang pagawaan na ‘yan, malay mo naman, sa atin na pumunta ulit ang dati nating mga customer na lumipat d’yan,” tugon ni Randy habang pinupunasan ang kaniyang sasakyan.

“Kung masisiraan sila,” buntong hiningang sambit ng kaniyang kapatid, tila nawawalan na ito ng pag-asa dahil sa ilang buwan nilang pagkalugi.

“Edi sirain natin ang sasakyan nila. Sa gayon, pipilahan na muli tayo, may kita pa tayo!” ‘ika niya na labis na ikinagulat ng kaniyang kapatid.

“Sigurado ka d’yan, kuya? Baka mapahamak tayo!” pag-aalinlangan ng kaniyang kapatid.

“Ano ka ba, Roniel?! Ito na lang ang paraan upang mabawi natin ang pagkalugi natin nitong mga nakaraang buwan!” bulyaw niya rito dahilan upang mapakamot ito ng ulo. Lumabas naman siya saka tiningnan ang pila ng mga sasakyang nasa kabilang pagawaan, “Babalik rin kayo sa amin,” bulong niya sa sarili.

Minana pa ng magkapatid ang negosyong ito sa kanilang yumaong ama’t ina. Ito ang naging susi sa pag-abot nila sa kanilang mga pangarap katulad ng pagtatapos ng pag-aaral, pagpunta sa ibang bansa, pagkakaroon ng sari-sariling sasakyan at marami pang ibang marangyang bagay.

Ngunit noon dumaan sila sa malakas na unos ng buhay, noong magsimulang maghina ang kanilang mga magulang, tila unti-unting bumagsak ang kanilang negosyo. Nagawa nila itong isara panandalian dahil walang mag-aasikaso. Dahil nga kailangan nila ng pera pampagamot ng kanilang magulang, napilitan silang ibenta ang kanilang mga sasakyan kahit pa ang kanilang bahay. Ngunit sa kasaamang palad, tuluyan nang pumanaw ang kanilang mga magulang ‘di kalaunan.

Advertisement

Sa kagustuhang makabangon muli, pumasok ang magkapatid sa isang kumpanya kung saan nila muling natagpuan ang swerte at dito sila muling nakaipon upang mabuksan ulit ang pagawaan nila ng mga sasakyan. Ngunit dahil nga tila napag-iwanan na ito ng panahon, swerte na kung may isang magpapagawa sa kanila. Sakto pa, may nagpatayo ng pagawaan sa tapat nila na naging sanhi rin ng pagkawala ng dati nilang mga suki.

Kaya naman, tila nakaisip ng paraan ang panganay na si Randy. Masama man ito kung titingnan, tila ito na ang pinaka-epektibong paraan upang makuha muli nila ang kanilang mga suki.

Dumating ang araw na tuluyan nang lumipat sa Maynila ang naturang pagawaan sa harapan nila at doon na muling nagpagawa sa kanila ang iba nilang mga suki ngunit tila hindi pa siya makuntento sa kita nila. ‘Ika niya, “Halos isang taon rin kaming lugi, hindi pwedeng isa o dalawa lang ang magpapagawa sa amin kada araw!”

Kaya naman, kinagabihan, ginawa na nila ang kaniyang plano. Isa-isa nilang pinuntahan ang kanilang mga suki at sadyang binasag ang salamin ng mga kotse, ginasgasan ang pintuan at pati na gulong, hindi nila pinalagpas.

Ayaw man itong gawin ng bunsong si Roniel, wala siyang magawa dahil naiintindihan niya ang dahilan ng kaniyang kapatid, nais lamang nitong makabawi sa pagkaluging kanilang naranasan.

Kinabukasan, tila nagtagumpay sila sa kanilang plano. Dinagsa sila ng mga taong nais magpagawa ng kotse dahilan upang kumita sila ng malaking pera.

Halos tatlong linggong ganito ang eksena sa kanilang pagawaan. Ngunit isang araw, nagulat na lamang sila ng may sasakyan ng pulis na tumigil sa kanilang pagawaan.

“Maganda umaga po mga sir, may ipapaayos po ba kayo sa sasakyan niyo?” tanong ni Randy sa mga pulis.

Advertisement

“Wala, pero kayong dalawa, may dapat ayusin sa presinto,” sambit ng isang pulis na tila nakapagpatigas sa buong katawan ng magkapatid.

Agad silang dinala ng mga ito sa presinto at doon nila napag-alamanang may nakakita sa kanilang ginagawa. Nakuhanan ito ng bidyo dahilan upang ireklamo sila ng ilang mga taong naagrabyado nila.

Ito ang naging dahilan upang tuluyan silang makulong. Buti na lang, may ipon silang perang naging tulay sa pagkawala ng isa sa kanila. Pinili ni Randy na unang makalaya ang kapatid na si Roniel ‘pagkat siya naman talaga ang puno’t dulo ng kalokohang ito.

Parehas nilang pinagsisihan ang ginawa. ‘Ika ni Roniel matapos makalaya ang kapatid, “Hindi matutuwa ang mama’t papa sa ginawa namin,” dahilan upang maghanap siya ng paraan upang malinis muli ang pangalan nilang magkapatid pati na ang kanilang pagawaang pinundar ng kanilang mga magulang.

Pumasok siya bilang isang call center agent habang nasa kulungan ang kaniyang kuya at nakasarado pa ang kanilang pagawaan.

Halos dalawang taon ang nakalipas, muli niyang nabuksan ang kanilang pagawaan at sa hindi maipaliwanag na dahilan, dinagsa sila ng tao. ‘Ika niya, “Siguro naramdaman ng Diyos ang labis naming pagsisisi, salamat sa biyayang ito, Diyos ko!”

Tuluyan niyang napiyansahan ang kaniyang kuya at muli niyang nakatuwang sa trabaho. Ngunit pinangako nilang dalawa ngayon, dumating man ang araw ng kagipitan, hindi na sila muling gagawa ng dahilan upang mas lalo silang bumagsak.

Madalas kapag nasa binggit na tayo ng pagbagsak, nakakaisip tayo ng masamang paraan para lamang maibsan ang problema. Ngunit tila hindi ito tama, masolusyunan man ang ating problema, darating pa rin ang karma.