Ang Lihim ng Tsokolate

Alas diyes ng gabi at tatlong oras na si Manny sa kalalaro ng online game sa computer shop nang may biglang kumalabit sa kaniyang balikat.

“Gabi na kuya, magsasara na kami,” wika ng dalagang nagbabantay.

“Tatapusin ko lang itong nilalaro ko, sandali nalang ito,” sagot ng binata.

“Okay sige, pagbibigyan kita. Saglit na lang iyan ha?” tugon ng dalaga.

Nililibang lang ni Manny ang sarili niya sa paglalaro ng online games. Malungkot ang binata dahil ilang linggo lang ang nakalilipas mula nang siya’y hiwalayan ng babaeng pinakamamahal niya. Sa paglalaro na lamang niya inuubos ang oras niya para lubos na makalimot.

Pagkagaling sa computer shop ay diretso uwi na si Manny sa kanilang bahay. Hindi pa man siya nakakapasok sa gate ay nabigla na lang siya sa malakas na sigaw sa kanyang likuran.

“Kuya, bayad mo?” wika ng isang dalaga na hingal na hingal.

Natigilan siya at may naalala.

Advertisement

“Bayad? Ay oo nga pala, sorry ha. Sobra kasi akong nadala sa paglalaro ko kaya nakalimutan ko na hindi pa pala ako nakakapagbayad. O, heto ang bayad ko. Pasensya na,” sagot niya habang iniabot ang bayad.

“Ayos lang. Pinatakbo mo pa tuloy ako,” sagot nito bago tuluyang umalis.

Pumasok na siya sa bahay at agad na tinungo ang kusina. Tiningnan ang bawat laman ng pridyider. Kumuha siya ng ulam sa loob at ininit. Nagsandok din siya ng kaunting kanin. Habang mag-isang naghahapunan ay hindi niya namalayan na pumapatak na pala ang mga luha sa kanyang mga mata. Muli na naman niyang naalala ang nobyang nang-iwan sa kanya ngunit tinatagan niya ang sarili at tinapos ang pagkain pagkatapos ay pumasok na siya sa kuwarto. Nagulat siya nang maabutan na naman ang supot na naglalaman ng mga tsokolate na nakapatong sa kanyang kama.

“Kanino na naman kaya galing mga tsokolateng ito? Ilang araw na akong nakakatanggap nito ah,” nagtataka niyang sabi sa isip.

Ilang araw na kasi siyang nakakatanggap ng mga tsokolate. Palagi itong nakikita ng kanyang ina sa harap ng kanilang gate at pinapasok naman sa kwarto niya. Alam kasi nito na paborito niya ang tsokolate.

Kinaumagahan ay nagising siya sa malakas na tunog ng orasan at sigaw ng kanyang ina.

“Manny, anak, gumising ka na!” gising ni Aling Paula sa anak.

“Opo, inay babangon na po!” sagot ng binata.

Advertisement

“Maligo ka na at magbihis, male-late ka na sa opisina. Kumain ka ha, baka mamaya hindi ka na naman mag-almusal,” bilin ng ina.

“Opo, inay,” tugon niya at ipinagpatuloy na ang pagbibihis.

“Nga pala, mayroon na namang nagpadala sa iyo ng tsokolate. Nakita mo ba sa kuwarto mo,” ungkat nito.

“Hay naku inay. Hindi ko nga alam kung kanino nangggagling ang mga iyon e,” sagot niya.

“Baka naman may lihim kang tagahanga, anak? Napaka-guwapo talaga ng anak ko,” natatawang sabi pa ng ina.

Napabuntong-hininga na lamang siya sa sagot nito.

Minsan ay nawiwili na naman siya sa computer shop kalalaro ng paborito niyang online game kaya hindi ito nakaligtas sa mga mata ng dalagang nagbabantay ng shop.

“Napapansin ko palagi kang tumatambay dito at minsan ay ginagabi pa kalalaro ng online game,” wika nito.

Advertisement

Nilingon siya ni Manny at nagsabing “Ito lang kasi ang libangan ko mula nang iwanan ako at lokohin ng nobya ko e!” tugon naman niya.

“Ay sorry, hindi ko alam na broken hearted ka pala. Kaya pala gabi-gabi kang narito. Salamat ha!” sambit ng dalaga.

Nagtaka ang binata sa sinabi nito.

“Salamat? Para saan?”

“Salamat kasi kundi dahil sa nalulungkot mong puso ay hindi ka palaging magpupunta dito at maglalaro ng online games. Salamat kasi palagi kitang nakikita. Ako nga pala si Chiena. Apo ng may-ari ng computer shop na ito. Ang totoo ay matagal na akong may pagtingin sa iyo mula nang una kitang makita rito. Kaya masaya ako kapag araw-araw kitang nakikita. Dahil doon ay ipinagtanong ko ang pangalan mo at kung saan ka nakatira. Pagpasensiyahan mo nga pala iyong mga tsokolate na ibinigay ko sa iyo ha? Tanda lang iyon ng aking paghanga,” bunyag ng dalaga.

Hindi nakapagsalita si Manny sa matapang na pag-amin ng dalaga.

“I-ikaw ang nagpapadala ng mga tsokolate sa bahay?”

“Oo ako nga,” anito.

Advertisement

Biglang nakaramdam ng hiya ang binata nang malamang ang dalaga sa computer shop ang lihim na nagbibigay sa kanya ng mga tsokolate.

“Naku, ikaw pala ang nagbibigay sa akin ng mga tsokolate. Totoo nga pala ang hinala ni inay na mayroon akong tagahanga,” nagtataka niyang bulong sa isip.

“Alam hindi maganda para sa isang babaeng tulad ko ang magtapat ng nararamdaman sa isang lalaki pero hindi ko lang mapigilan ang sarili ko na sabihin sa iyo ang totoong nilalaman nitong puso ko,” hayag pa ng dalaga.

Lihim na napangiti ang binata. Ngayon ay alam na niya kung bakit nangyari ang mga nangyari sa kanyang buhay, iyon ay dahil may nakatakda siyang makilala na sa tingin niya ay mas karapat-dapat na bigyan ng pansin at pagpapahalaga.

“Nais kong lubos na makilala ka pa, Chiena. Kung maaari ay dumalaw ka sa bahay para maipakilala kita kay inay,” sabi niya rito.

Lumapad ang pagkakangiti ng dalaga sa sinabi ni Manny.

“Talaga? Wow, makikilala ko na ang nanay mo at mas makikilala na rin kita,” sagot naman ni Chiena.

Sa isip ni Manny ay wala namang mawawala kung subukan niya na muling umibig. Nakahanda ulit niyang buksan ang isinarang puso para patuluyin ang nagtangkang kumatok rito. Umaasa siya na sana ito na ang taong magbibigay sa kanya ng panghabang-buhay na kaligayahan.