Basta’t Magtiwala Ka Lamang

Minsan dumarating talaga sa buhay ng tao ang mahihirap na pagsubok. Madalas maiisip natin na parang pinagsakluban na tayo ng langit at lupa sa sobrang kamalasan na ating inaabot.

Walong taong gulang noon si Albert nang pumanaw ang kaniyang ama sa trabaho sa isang konstruksyon. Pito silang magkakapatid at siya ang pinakabata.

Mula nang pumanaw ang kaniyang ama, ilan sa mga kuya at ate niya ang nagtaguyod sa kanilang pamilya. Ang ilan kasi ay maaga rin na nagsipag-asawa. Si Albert naman, sa awa ng Diyos ay matiyagang nakapagtapos ng hayskul.

Hirap man sa buhay, kahit paano’y nakakaraos at nakakakain pa rin naman sila ng tatlong beses sa isang araw. ‘Di naman din nakapagtataka dahil napalaki silang maayos ng kanilang magulang.

Pagkatapos ng hayskul, pinili muna ni Albert na tumulong sa magulang.

“Sigurado ka na ba riyan, Albert? Tatanggap ako ng mga labada at mga plantsahin pa pangdagdag sana sa matrikula mo,” tanong ng ina ni Albert.

“Opo ‘nay. Mas mabuting magtrabaho na rin po muna ako para makapag-ipon at makatulong dito sa gastusin kahit papaano. At saka ayoko nang mapagod ka pa, ‘nay. Buong buhay mo kumakayod ka na para sa amin eh,” tugon naman ng binata.

“Ikaw talagang bata ka, napaka-sweet mo talaga sa nanay kahit kailan,” ngiti ng ale at saka yumakap sa anak.

Advertisement

Dahil nga bunso, malapit talaga si Albert sa kaniyang ina. Madalas kapag malaki ang kinikita niya sa paglalako ng mais at suman sa palengke ay agad niya itong ibinibigay sa ina. Sa edad nga na 21, tabi pa rin kung matulog ang mag-nanay sa higaan. Katuwiran kasi ni Albert, may edad na ang nanay niya at ayaw niyang mawalay ito sa piling niya.

Dumating ang panahon na humihina na ang katawan ng ina ni Albert. Dulot ng katandaan ay nagkaroon na ito ng iba’t ibang karamdaman. Mabuti na lamang at nagtatrabaho na noon ang binata sa isang pabrika kaya nakapagbibigay siya ng suporta para sa gamot ng ina.

“Tito! Tito, dalian mo. Ang Lola!” sigaw ng batang pamangkin ni Albert.

“Ano iyon? Anong nangyari?” nag-aalalang tanong ng lalaki.

Bumulagta sa kaniyang mga mata ang walang malay na matanda sa lapag ng banyo. Nanginginig na mga kamay niyang nilapitan ang ina.

“N-nanay…” pagtawag ni Albert. “Tumawag kayo ng tricycle! Dadalhin natin ang nanay sa ospital! Dalian niyo!” naluluhang sigaw ng lalaki.

D*ead on arrival na ang ale nang madala sa ospital upang maipagamot sana. Atake sa puso ang ikinasawi nito. Huminto ang mundo ni Albert nang mga oras na iyon.

“Paano na ako ngayon? Wala na ang tanging sandalan at inspirasyon ko upang magsumikap pa sa buhay…” lumuluhang sambit ng lalaki.

Advertisement

Natutunan ni Albert na uminom nang uminom at magbisyo matapos ihatid sa huling hantungan ang kaniyang ina. Ilang taon din ang lumipas bago siya tuluyang naka-recover sa mapait na pangyayaring iyon sa kanyang buhay.

Sa paglipas ng panahon, naranasan din ng binata na umibig sa unang pagkakataon. Nagkaroon siya ng nobya at kalauna’y nagkalabuan din nang madiskubre nito ang pinakatatagong lihim ng lalaki.

“Ayoko na… itigil na natin ‘to. Ayoko na rin sa’yo dahil nandidiri na ako sa’yo!” sigaw ng galit na babae.

“Pero teka muna, mahal… handa naman ako baguhin ang lahat sa akin, tanggapin mo lang ako. Please?” pagmamakaawa ni Albert.

“Ayoko na nga! Ayoko sa lalaking nagkakagusto rin sa lalaki. Ayokong magkaroon ng asawa na b*kla!” bulyaw pa ng babae bago kinuha ang ang mga gamit at tuluyang umalis sa buhay ni Albert.

Magmula noon, palagi nang humihiling si Albert na makakilala ng taong kayang tumanggap sa tunay niyang pagkatao. Mayroong pagkakataon na sinubukan niyang makipagrelasyon sa kapwa niya lalaki, pero itinatak niya sa kanyang isipan na iba pa rin talaga ‘pag mayroong pamilyang bubuuin, kung saan mayroong ama, ina at anak. Iba pa rin kung magmamahal siya ng babae.

Natapos ang kaniyang paghihintay nang makilala niya si Joanna. Bago pa man sila magkamabutihan noon ay naikwento na ng binata ang kaniyang nakaraan, na maluwag namang tinanggap ng babae.

Tumira sila sa iisang bubong sa loob ng tatlong taon bago tuluyang humantong sa kasalan ang maganda nilang pag-iibigan. Tila ba isang malaking biyaya sa kanilang pagsasama nang malaman nilang nagdadalantao na ang babae sa una nilang supling.

Advertisement

“Yes! Magiging tatay na ako! Mga kapitbahay, tatay na ako! Wohoo!” sabik na sigaw ng lalaki.

“Kumalma ka nga riyan. Baka akalain nila kung ano nang nangyayari rito. Sige ka, baka lumabas ang baby natin para batukan ka,” natatawang biro naman ni Joanna.

Kabuwanan na noon ni Joanna nang isang malaking trahedya ang bumulabog sa matahimik nilang buhay.

“Dok… dok ano pong nangyari?” nanginginig na tanong ni Albert.

“Medyo kritikal po ngayon ang lagay ng inyong mag-ina. Kumalma lamang po kayo at pangakong gagawin namin ang lahat upang mailigtas sila,” tugon ng lalaking doktor.

Hindi sinasadyang nahulog at nakaladkad pala ng dyip si Joanna habang pauwi mula sa check up. Hindi naman nasamahan ni Albert noon ang asawa dahil may meeting ito sa bagong kompanyang pinapasukan.

Nanginig ang mga kalamnan ng lalaki nang magkagulo na sa looban ng operating room. Isang malaking tanong ang kailangan niyang sagutin nang lumabas ang doktor.

“Sino po ang nais ninyong iligtas namin? Pero sana maunawaan ninyo na parehong kritikal ang kanilang lagay at maaaring bawian din ng buhay kahit na mabigyang lunas at mailigtas pa ang isa sa kanila. Kayo na po ang bahalang mamili…” malungkot na tanong ng doktor.

Advertisement

“Dok… hindi po ba pwedeng silang dalawa? Kailangan po bang mamili pa talaga ng isa?” umiiyak na tanong ni Albert.

Tumango lamang ang doktor. Huminga naman ng malalim si Albert at saka lumapit sa naghihintay na manggagamot. “Kung sino po ang mas may tsansang mabuhay, dok. Siya na lamang po…”

Sa simbahan ng ospital, doon tumangis si Albert. Sa unang pagkakataon sa mahabang panahon, humingi siya ng tulong sa Diyos.

“Kung tunay Ka ngang nakikinig, tulungan po Ninyo ako. Pangakong magiging mabuti asawa at ama ako, iligtas Niyo lamang po ang mag-ina ko…”

Hindi alam ni Albert kung paano haharapin ang mga darating na araw ng kanyang buhay sakaling mawala na naman ang isa sa mga importanteng tao sa kaniyang buhay.

Makalipas ang tatlong taon…

“Bangon na! Magsisimba pa tayo ngayon, ‘di ba?” masiglang bati ni Albert.

Masayang mga ngiti naman ang isinukli ng babae na kanina ay nakataklob at balot na balot ng kumot.

Advertisement

“Eto na po… babangon na!” natatawang tugon naman nito.

Umupo ng bahagya ang lalaki sa sulok ng kama at saka tumahimik.

“Tatlong taon na rin pala ‘no? Ang bilis ng panahon…” mahinang sambit nito.

“Huwag ka nang malungkot diyan. Lahat ng bagay ay nangyayari dahil may dahilan. Tara na at may mahalaga pa tayong gagawin ngayon…” pag-aaya ni Joanna sa asawa.

Pumasok silang dalawa sa isang kwarto na walang sindi ang ilaw. Binuksan nila ito at minasdan ang paligid. Mga laruan at makukulay na gamit na pambata.

Kumapit ng mahigpit si Joanna sa braso ng asawa at saka ngumiti.

“1.. 2.. 3..”

“Happy Birthday, anak! Surprise!” sabay na pagbati ng mag-asawa sa natutulog nilang anak, na nagdiriwang ngayon ng ikatlong kaarawan.

Advertisement

Nagising naman ang bata at saka ngumiti ng malaki sa kaniyang Mama at Papa.

Ikatlong kaarawan ng kanilang anak at ikatlong anibersaryo rin ng pangalawang buhay ng mag-ina. Walang makapagpaliwanag sa naganap, pero isang malaking milagro na nabuhay pareho si Joanna at ang kanilang unang supling.

Tunay ngang may dahilan ang bawat bagay na nagaganap sa ating buhay. Tulad na lamang sa buhay ni Albert, ang dahilan pala ng masaklap na pangyayaring iyon sa kanyang buhay ay para imulat ang kanyang mga mata na nakikinig ang Diyos at handang magbigay ng awa, basta matutunan lamang natin na lumapit sa kanya.

Ngayon masayang namumuhay ang mag-asawa kasama ang pinakamalaking biyaya ng Diyos sa kanilang buhay, ang kanilang anak na pinangalanan nilang baby “Miracle.”