Puting Bestida ang Paborito ni Vina

“Mahal, ang ganda ng puting bestida na iyan ‘no?” buong paghangang wika ni Vina na ang mga mata ang nakatutok sa naka-display na puting pangkasal na damit.

“Gusto mo bang suotin iyan kapag naikasal na tayo?” nakangiting tanong ni Jose. Walang pagdadalawang isip naman itong tumango at matamis na ngumiti. “Sige. Bibilhin natin iyan kapag nagpakasal na tayo. Sa ngayon ay mag-iipon muna tayo ha?” wika ni Jose na agad namang dinugtungan ni Vina.

“Oo naman. Kasi hindi madali ang magpakasal. Kaunti pa lang ang pera natin sa ngayon kaya, tsaka na lang natin bilhin ang gown na iyan,” wika ni Vina.

Siyam na taon na silang nagsasama ni Vina at may isa na silang anak na ubod ng ganda. Dalawang taong gulang pa lang ang anak nilang si Vanessa, kaya ngayon ay nagpaplano ulit silang gumawa ng isa pa. Pero bago muna iyon ay balak muna nilang magpakasal.

Masasabi ni Jose na kompleto na ang buhay niya dahil kay Vina at Vanessa. Ang mag-ina niya ang bumubuo at kumu-kumpleto ng kaniyang buhay. Kaya wala na siyang mahihiling pa. Ngunit isang araw ay nagulat na lang si Jose nang makita ang kaniyang pinakamamahal na asawang si Vina na puro pasa ang buong katawan na animo’y nakipagbugbugan sa kung saan.

“Anong nangyari sa’yo mahal?” nag-aalalang tanong ni Jose sa asawa.

“Ahh, ito ba?” turo nito sa mga pasa sa katawan. “Ganito naman talaga ako mahal kapag malapit na ang regla ko,” nakangiting wika nito.

“Pero grabe naman ‘yan. Parang may kakaiba na sa’yo e. Gusto mo bang ipa-check-up kita sa doktor?” hindi pa rin nawawala ang pag-aalala ni Jose.

Advertisement

“Naku! Huwag na mahal, tingnan mo bukas mawawala rin ang mga ‘to. Huwag ka na kasing mag-aalala, naglalabasan talaga ‘to sa’kin kapag malapit na ang regla ko,” patuloy pa rin ni Vina sa pangangatwiran. Kahit hindi pa rin kumbinsido si Jose ay pinili na lang niyang manahimik. Wala siyang masyadong alam sa buwanang dalaw ng isang babae. Pero talagang nakaka-alarma ang mga pasa ni Vina sa katawan.

Kinabukasan ay nawala na ang mga pasa ni Vina kaya napanatag na si Jose. Patuloy ang buhay, masaya lang at walang problema. Nag-usap silang mag-asawa na magbakasyon sa El Nido, Palawan upang makalanghap naman ng sariling hangin tsaka para na rin makapagpahinga naman kahit papaano. Nang lingunin niya si Vina ay nakita niyang namumutla ang buong mukha nito.

“Ayos ka lang ba mahal?” nag-aalalang tanong ni Jose.

“O-oo a-ayos lang ako mahal,” hapong-hapong wika ni Vina, sabay hagod ng batok nito.

“Putlang-putla ka. Gusto mo bang magpahinga na muna,” wika ni Jose tsaka inalalayan si Vina upang makaupo muna. Nang bigla itong himatayin. “Vina!” sigaw niya.

Dinala niya si Vina sa pinakamalapit na Hospital sa El Nido dahil bukod sa nahimatay ito’y labis siyang nag-alala sa lagay ng asawa dahil may lumabas na dugo sa ilong ni Vina. Hindi niya alam kung ano ba talaga ang sakit ni Vina, pero alam niyang may mali talaga sa kalusugan nito. Ayaw lang nitong bigyang pansin.

“Mr. Jose, ayon sa findings namin ay may stage three blood canc*er ang asawa mo. Ang mga pasang nakikita mo sa kaniya ay isa iyon sa sintomas na may sakit sa dugo ang misis mo. Sana dinala mo siya agad sa hospital noon para na solusyonan sana agad ang sakit niya,” kausap sa kaniya ng doktor na tumingin kay Vina.

“Ang sabi niya kasi sa’kin dok ay normal daw iyon kapag malapit na ang regla niya,” wika ni Jose.

Advertisement

“Sabagay may mga babae talagang nagkakaroon ng pasa kapag malapit na ang buwanang dalaw nila. Pero iyong pasa na iyon ay pwedeng iisa lang o dalawa. Sana nagtaka ka na agad noong nakita mong hindi na normal ang mga pasa niya sa katawan. Na check-up sana siya at nalaman niyo ng mas maaga,” paliwanag pa ng doktor sa kaniya. “Sa ngayon po Mr. Jose, ang tanging maipapayo ko ay i-uwi mo si misis sa Maynila at agad na ipa-konsulta sa isang espisyalista para mabigyan ka talaga ng tamang gamot para sa sakit ng asawa mo,” dugtong nito at mayamaya pa ay tinapik ang kaniyang balikat at saka nagpaalam.

Naiwan si Jose na malungkot at nag-iisip. Nagpunta sila sa lugar na ito para mag-relax pero isang hindi inaasahang balita ang malalaman niya. Hindi mapigilan ni Jose ang hindi umiyak sa bigat na nararamdaman. May sakit ang kaniyang pinakamamahal na asawa. Paano na siya kapag nawala ito? Sana nung may napansin siyang kakaiba ay hindi na dapat siya nag-isip pa at agad na sana niyang pina-check-up ang asawa. Nais niyang sisihin ang sarili dahil isinawalang bahala lamang niya ang lahat.

Sinunod ni Jose ang payo ng doktor. Dinala niya ang asawa sa pribadong hospital upang mapabilis ang gamutan nito at para sigurado rin ang pag-galing ni Vina. Agad na sinimulan ang chemotherapy upang mapigilan ang pagkalat ng canc*er cells, dahil ayon sa espesyalistang tumingin kay Vina ay malala na ang kaniyang sakit. Dahan-dahan nang nanlalagas ang buhok ni Vina, at ang dating makinis at maputing kutis ng asawa ay natuyo at nangitim. Kung titingnan niya ang asawa ay hindi na niya ito halos makilala. Lalo itong pumayat at nakakaawa ang itsura.

“Lalaban ka para sa’min ni Vanessa, ‘di ba? At saka magpapakasal pa tayo kaya lumaban ka mahal ah,” pinapalakas ni Jose ang loob ng asawa.

“Kakayanin ko ang lahat para sa inyo mahal,” humihikbing wika ni Vina.

Kitang-kita niya sa mukha nito ang paghihirap at pursige. Habang nakikita niya itong ganun ay nadudurog ang puso niya. Nais niyang kwestiyunin ang plano ng Panginoon sa buhay nila. Bakit kailangang ang asawa pa niya? Bakit si Vina pa? Hindi niya mapigilang hindi umiyak ng tuluyan nang dalhin si Vina sa loob ng chemotherapy infusion care.

Makalipas ang limang buwan ay tuluyan nang nakalbo si Vina at mas lalo pa itong pumayat at nanghihina.

“I’m sorry Mr. Jose, pero ginawa na po namin ang lahat para gumaling ang misis ninyo. Kaso mukhang hindi na kaya ng katawan niya ang lumaban,” prangkang wika ni Doctor Martin.

Advertisement

“Ano po ang ibig niyong sabihin, doc?” naguguluhan at nasasaktang wika ni Jose.

“Gusto kong ihanda mo ang sarili mo. Dahil anumang oras ay pwede nang magpaalam ang asawa mo Mr. Jose. Pinipilit niyang lumaban, kaso ang katawan niya na talaga ang sumusuko,” wika pa nito.

“Paano niyo nalaman na mawawala na ang asawa ko? Diyos ka ba? Ginagawa ko ang lahat, kahit mabaon ako sa utang gumaling lang ang asawa ko at nakikita ko naman na lumalaban siya. Kaya bakit niyo sinasabi sa’kin ang bagay na iyan? Gusto mong sukuan ko na ang asawa ko!” singhal ni Jose kay Doc Martin. Hindi niya kaya kapag iniwan siya ni Vina. Paano na lang sila ni Vanessa? Paano siya?

“Hindi ko hawak ang buhay ng isang tao, Mr. Jose, pero isang milagro na lang ang hinihintay ng asawa mo at hindi lahat ng tao ay mabibiyayaan ng sinasabi nilang milagro. Ang mga sinabi ko sa’yo kanina, iyon ang nakita ko sa loob ng katawan ni Vina bilang isang doktor. Mahirap tanggapin, pero ganun talaga ang buhay ng tao. Hindi na kaya ng asawa mo Jose,” malungkot na wika ni Doc Martin.

Hindi na napigilan ni Jose ang humagulhol ng iyak. Tama si Doc Martin, labis-labis na rin ang paghihirap ni Vina, sa pakikipaglaban. Baka ito na nga ang oras para sumuko siya.

Dinala si Jose ng mga paa niya sa tindahan ng puting bestida na laging hinihintuan ni Vina noon. Ang puting bestida na noon pa man ay gustong-gusto ng maisuot ng kaniyang asawa. Hindi niya mapigilan ang hindi humagulhol ng iyak sa mga ala-alang animo’y isang tubig baha na kusang dumaloy sa kaniyang isipan.

“Jose, kanina ka pa hinahanap ni Vina,” umiiyak na wika ng kaniyang mama. Agad naman siyang pumasok sa ICU upang puntahan ang mahal na asawa.

“P-patawarin mo ako mahal kung hindi ko na kaya,” nahihirapang wika ni Vina. “Gusto ko nang magpahinga, hirap na hirap na ako e,” himihikbing dugtong nito.

Advertisement

“Sshhh, tahan na mahal. Ginawa mo naman ang lahat. Nauunawaan ko kung gusto mo nang magpahinga ngayon,” umiiyak niyang wika. Ang sipag ng mga mata niyang magproduce ng luha mula pa kanina. “Mahal na mahal kita. Mag-iingat ka kung saan ka man pupunta,” pamamaalam niya. Pakiramdam ni Jose, ay sinasaksak ang puso niya sa sobrang sakit na nararamdaman.

“M-mahal-” huling wika ni Vina, bago tuluyang lumaylay ang braso nito. Wala na si Vina. Wala na ang babaeng mahal na mahal niya. Wala na ang ina ng anak niya.

“Sir, ano po ba ang damit na susuotin ng asawa niyo?” tanong ng staff sa purenaryang pinagdalhan ng mga labi ni Vina.

“Ito,” dalawang kamay niyang iniabot rito ang karton na pinaglagyan ng biniling puting bestida. “Isusuot niya dapat iyan sa kasal namin, kaso hindi na siya umabot. Kaya sana isuot niyo ‘yan sa kaniya para kahit papaano ay maging masaya siya kung saan man siya naroroon. Hindi ko man natupad ang kasal na ipinangako ko sa kaniya. Nabili ko naman ang paborito niyang puting bestida,” humahagulhol na wika ni Jose.

Ang sakit-sakit ng puso niya. Hindi niya kayang tanggapin ang nangyari kay Vina, pero wala siyang magawa kung ‘di tanggapin na lang lahat. Dahil wala na rin naman siyang ibang pagpipilian.

Hindi mo talaga malalaman kung hanggang saan lang ang buhay ng isang tao. Hindi man niya naiintindihan ang plano ng Panginoon sa buhay niya’y, kusang loob pa rin siyang magtitiwala rito. Lahat ng nangyayari ay may dahilan. Kung ano man ang dahilan nito sa ngayon ay hindi pa niya alam kung ano. Basta ang alam niya’y patuloy siyang mabubuhay kasama ang anak nilang si Vanessa, dahil iyon din naman ang gusto ni Vina.

Paalam mahal, hinding-hindi kita makakalimutan. Hintayin mo ako, magkikita pa tayo ulit, Vina. Bulong ng lalaki habang inihahatid si Vina sa huling hantungan nito.