Totoong Tao, Pekeng Pagkakaibigan

“Hi, Annalise, friend!”

Malakas ang sigaw na iyon na nakapagpalingon sa dalagang si Annalise habang siya ay kumakain sa canteen. Namataan niya ang mga kaibigang sina Misha at Lenny na papalapit sa kaniyang puwesto.

“Bakit mag-isa kang kumakain dito sa canteen? Nasaan ang iba nating mga kaibigan?” tanong ni Misha kay Annalise nang makalapit na ang mga ito sa kanilang kaklase.

“Ay, nandoon sila sa kabilang lamesa, eh. Hindi na kasi ako kasiya roon kaya dito na lang ako pumuwesto,” sagot naman ni Annalise.

“Talaga? Bakit naman ganoon sila? Huwag kang mag-alala. Kami na lang ni Lenny ang sasama sa’yo rito!”

Nagkatinginan pa sina Misha at Lenny bago nag-high five ang dalawa.

“Talaga? Salamat, Misha, Jenny!” tuwang-tuwa namang saad ni Annalise dahil sa alok ng dalawa niyang kaibigan. “Tara, kain na tayo!”

“Sige, kumain ka na. Manonood na lang kami ni Misha, friend. Nagkulang kasi kami sa budget kaya wala kaming pambili ng lunch ngayon,” napapangusong sagot ni Lenny kay Annalise. Nagpapaawa ang mukha nito dahil alam niyang hindi sila kayang tanggihan ng kaklase.

Advertisement

“Ganoon ba?” Nakaramdam ng lungkot si Annalise para sa mga kaibigan.

“Hayaan niyo. Ililibre ko na lang kayo. Umorder na lang kayo doon sa counter pagkatapos ay ako na ang magbabayad,” nakangiting alok ng mabait na si Annalise na talaga namang ikinatuwa ng dalawang oportunista.

Samantala, kanina pa nakikinig sa usapan ang isa pa nilang kaklase, si Oliver, na nasa katabing lamesa lang nina Annalise. Kitang-kita niya kung papaanong nagngisian ang dalawang manggagamit nang pagbigyan ang mga ito ng mabait nilang kaklase na si Annalise. Napapailing na lang si Oliver habang tinitignan niya ang pag-order ng maraming pagkain ng dalawang mala-buwaya nilang kaklase na sina Misha at Lenny.

Alam ni Oliver ang estado ng buhay ni Annalise. Mayaman ang pamilya nito. Nang mawala ang mga magulang ng dalagita ay dito pinamana ang lahat ng negosyo at mga ari-arian ng pamilya na kasalukuyang pinamamahalaan ng tiyahin ng dalagita, ang natitira na lamang nitong kamag-anak.

Mabait naman ang tiyahin ni Annalise ngunit palagi itong umaalis ng bansa para asikasuhin ang negosyo kaya ganoon na lamang kasabik ang dalagita na magkaroon ng kaibigan.

Ang kaso ay walang masamang tinapay sa dalagita kaya naman madali itong magtiwala at mauto ng mga mapagpanggap.

Tumayo si Oliver sa kaniyang kinauupuan upang sumingit sa usapan ng mga babae. Alam niyang hindi magandang gawain ng isang lalaki ang gagawin niya pero gagawin niya iyon para lang iligtas si Annalise sa mga oportunistang palaging nakadikit dito. Hindi na kasi niya kayang tiisin ang kaniyang nakikita.

“Ang gagaling niyo namang umarte na parang totoong kaibigan niyo si Annalise. Samantalang kanina lang ay ibang eksena ang nakita at narinig ko sa locker room habang kasama niyo ang iba pa nating mga kaklase,” nakapamulsang bungad ni Oliver nang makalapit siya sa mga ito.

Advertisement

Agad niyang nakuha ang atensiyon ng marami sa kaniyang sinabi. Kasama na doon sina Annalise, Misha at Lenny.

“Oliver? Anong pinagsasabi mo? Hindi totoo ‘yan!” tahasang pagtanggi ni Misha.

“Oo nga! Tunay na kaibigan kami ni Annalise at hindi namin magagawa ‘yon sa kaniya!” segunda naman ni Lenny.

“Ows? Eh, bakit hindi niyo panoorin ang sarili niyo dito sa video nang magkaalaman na?” nakangising sabi ni Oliver sabay pindot sa play button ng isang video sa kaniyang cell phone.

Doon sa video ay makikitang nagtatawanan sina Misha at Lenny kasama ang iba pa nilang mga kaibigan. Hawak-hawak nila ang mga pictures ni Annalise habang binab*ril ito ng mga water guns. Pagkatapos ay kung anu-anong panlalait ang sinasabi ng dalawa tungkol sa dalagita.

“Papaano mo kami nakunan ng video?” tanong ni Lenny na halatang kinakabahan na.

“Natutulog ako kanina sa boy’s locker room. Bigla na lang kayong nag-ingay doon. Hindi ko nga alam kung papaanong may mga babaeng nakapasok doon, eh, panlalaki naman ang lugar na ‘yon!”

Napayuko ang dalawang oportunista habang si Annalise naman ay napaluha.

Advertisement

“Huwag mo ngang iyakan ang mga kaibigan “kuno” mong ‘yan. Hindi ka nila deserve. Marami pang mabubuting tao riyan na puwede mong maging kaibigan. Iyong totoo. Hindi iyong mabuting kaibigan mo lang kapag may kailangan sila sa iyo!” wika ni Oliver.

Dahil sa sinabing iyon ni Oliver ay parang bumalik sa kaniyang mga mata ang mga luha ni Annalise. Tama ang binata. Hindi sila karapat-dapat na iyakan.

“Maraming salamat sa’yo, Oliver. Pero puwede ko bang malaman kung bakit mo ako tinulungan?” tanong ni Annalise sa binatang kaklase.

“Kin*til ng kapatid ko ang sarili niyang buhay dahil sa mga taong katulad nila. Ayaw kong dumating ang araw na isa na namang kagaya niya ang mabibiktima nila kaya hindi na ako nanahimik pa,” malungkot namang sagot ng binata.

“Sorry!” Nabigla si Annalise sa paliwanag ng binatilyo.

“Ayos lang. Sana matuto ka na.” Ngumiti si Oliver at tinapik ng mahina ang balikat ni Annalise.

“Bukas kung wala kang kasabay kumain ay sasabayan na lang kita. Treat ko para naman maranasan mong ikaw naman ang inililibre ng kaibigan,” alok ni Oliver.

Sa huli ay hindi na lamang binigyan ng pansin ni Annalise ang nasabing video. Hindi na niya sinumbong ang mga dating kaibigan para maparusahan ang mga ito. Ngunit hindi na niya muling kinausap pa ang mga ito. Natuto na siya.

Advertisement

Simula nung araw na iyon ay mas naging maingat na si Annalise sa pagpili ng mga tamang taong dapat niyang kaibiganin.

Naging pinakamatalik na kaibigan din ni Annalise si Oliver.

Para sa kanila ay mas ayos na iyong kakaunti lang ang kaibigan mo pero lahat sila ay totoo sa iyo kaysa naman marami ngang nakapaligid sa’yo pero hindi mo alam kung sinu-sino doon ang manloloko.