Paano Magalit ang Mababait?

Kaklase ni Sandro si Acel simula elementarya hanggang sa kasalukuyan kaya naman kilalang-kilala na niya ito. Napakabait nito at parang hindi makabasag pinggan. Madalas ay makikitang tahimik lang ang binata kahit pa nga marami naman ang may gustong makipagkaibigan dito.

Iyon nga ang ikinaiinis ni Sandro. Halos hindi kasi ito namamansin pero ito pa rin ang gustong kaibiganin ng marami at madalas ay “second choice” lamang siya.

Sa tingin niya ay idinadaan ni Acel ang lahat sa pagiging matalino nito at pagkakaroon ng mala-misteryosong personalidad para lalong magkaroon ng interes ang marami sa kaniya.

Minsan ay tinatanong ni Sandro ang kaniyang sarili. “Paano nga ba magalit ang mga taong mababait?”

Parang may kung anong plano siyang naiisip na gawin. Gusto niyang malaman kung gaano nga ba kahaba ang pisi ng mga taong katulad ni Acel.

“Hoy, Acel, bakit ang tahimik mo na naman? Para kang naje-jebs lagi, eh,” tatawa-tawang pang-aasar ni Sandro. Ito ang palagi nitong ginagawa upang maibsan ang kinikimkim niyang inggit sa kaeskuwela.

Hindi ito pinansin ni Acel.

“Ang lakas talaga ng loob mong dedmahin ako, noh! Ang yabang mo!” Bahagya pang tinulak ni Sandro ang balikat ni Acel.

Advertisement

“Wala naman akong ginagawa sa’yo, Sandro,” pahayag pa ni Acel na tila nakikiusap na huwag na siyang guluhin pa.

“Wala nga. Trip lang kitang asarin kasi mukha kang lampa, eh,” pangbubuwisit pa ni Sandro sa kaeskuwela sabay halakhak ng malakas.

Para siyang ewan na tumatawa ng malakas kahit halatang pilit iyon dahil hindi naman talaga siya natatawa bagkus ay naiinis pa nga siya sa pagiging kalmado pa rin ni Acel sa kabila ng kaniyang pambubuska.

Hindi na nagsalita pa si Acel. Hinayaan na lang niyang magdadakdak ang kaniyang kaklase. Hindi na niya ito pinatulan kaya naman mas lalong nagmukhang t*nga si Sandro sa iba pa nilang mga kaklase.

“Parang t*nga ‘yang si Sandro. Hindi naman siya inaano ni Acel bigla siyang nang-aaway. Napaka-bully!”

Nadinig ni Sandro ang komento ng isa nilang kaklaseng babae.

“Kaya nga, eh. Pabayaan mo ‘yan. Baliw ‘yan, eh!” sabi naman ng isa pang kaklase.

Lalong nabwisit si Sandro kaya naman ang tenga ni Acel ang pinagbuntungan niya ng kaniyang galit. Pinitik niya ito na agad namang nakapagpatayo sa mabait na binata.

Advertisement

“O, bakit? Papalag ka na b…”

Hindi na natapos pa ni Sandro ang kaniyang sasabihin dahil bigla na lang siyang sinuntok ni Acel sa mukha!

Nagsinghapan ang kanilang mga kaklase!

“Hala, si Sandro!”

“Pabayaan niyo sila. Pabayaan niyo sila! Huwag niyong aawatin!”

“Kanina pa kasi inaasar ni Sandro si Acel, eh!”

Dinig na dinig ang mga komentong iyon ng kanilang mga kaeskuwela na nag-uumpukan sa magkabilang gilid nina Sandro at Acel.

“Bakit ka nanuntok, ha lampa?” mayabang pa ring tanong ni Sandro kahit pa tumalsik na siya!

Advertisement

Wala na namang sinabing kahit na ano si Acel ngunit mabilis nitong nilapitan si Sandro upang muling suntukin!

“Acel, tama na!” napangiwi si Sandro sa sakit nang tamaan siya ng suntok ni Acel sa mukha.

“Sino ngayon ang tinatawag mong lampa?” tanong ni Acel sa kaniyang kaklase na nabuwal kaagad sa kinatatayuan nito mula sa suntok niya.

Kinilabutan si Sandro nang salubungin siya ng masamang tingin ni Acel.

Hindi na nakapagsalita pa si Sandro. Hinintay na lamang niya na muling sumuntok si Acel ngunit hindi na iyon nangyari pa.

Nang muli niyang iniangat ang kaniyang mukha ay nakalahad na ang kamay ni Acel sa kaniya upang tulungan siyang makatayo.

Lalong napahiya si Sandro sa ginawa ni Acel. Paano’y inalok pa rin siya nito ng tulong kahit na siya naman ang unang naghamon ng away.

Hindi na nai-report pa sa guidance office ang nangyari kaya naman balik sa normal ang buhay nina Sandro at Acel.

Advertisement

Ganoon pa man ay malaking epekto ang iniwan ng galit na Acel kay Sandro dahil magmula nung araw na sila ay magpang-abot ay hindi na muling nangulit pa si Sandro sa kahit na sino. Para bang isang matinding leksyon ang iniwan sa kaniya ng pangyayaring iyon. Hanggang ngayon kasi ay kinikilabutan pa rin siya sa tuwing maaalala niya kung gaano kasakit ang tama ng suntok ni Acel o kung gaano katindi ang talas ng mga titig nito sa kaniya.

Ipinangako ni Sandro sa kaniyang sarili na kailan man ay hindi na niya susubukin kung gaano kahaba ang pasensiya ng mga taong mababait.