Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Manok na Pula! - Inday Trending

Manok na Pula!

“Kagawad! Kagawad! May pera ka ba riyan? Baka naman puwede niyo akong mapahiram ng tatlong libo. Nilalagnat lang ho ang bunso kong anak. Nasa 40 na ang init at tumitirik na ang mata. Isusugod lang namin, kagawad!” pakiusap ni Zarr.

“Naku, mahirap ‘yung ganiyan. Siya, ito ang pera at ibalik mo na lang kaagad dahil kailangan din namin,” sagot naman ni Kagawad Manny sabay abot ng pera sa lalaki.

Manok na Pula!

Nagpasalamat naman si Zarr at saka umalis kaagad.

Habang malapit na ang kagawad sa kaniyang tinitirahan ay sakto namang nakita niya ang asawa ni Zarr.

“Ysel, napahiram ko na si Zarr ng pera. Umuwi ka na sa inyo at dalhin mo na ang bunso niyo sa ospital. Mahirap ang nilalagnat ng ganitong tanghaling tapat,” pahayag ng lalaki.

“Ah, sige po, kagawad. Salamat po,” sagot naman ni Ysel tsaka siya tumakbo pabalik sa kanilang bahay. Naabutan niyang kakatapos lamang maligo ng kaniyang asawa at nagmamadali na ito.

“Pati ‘yung anak natin dinamay mo! Anong sinabi mo kay kagawad at pinahiram ka niya ng pera?” galit na tanong ni Ysel sa kaniyang mister.

“Tigilan mo nga muna ako, Ysel. Baka mawala ang suwerte ko dahil sa bunganga mo! Manok na pula ang ipanlalaban ngayon ni Master Wano. Siguradong panalo ‘yun! Kaya maibabalik ko kaagad ‘yung pera!” baling kaagad ni Zarr sa kaniyang asawa.

“Tang*nang sabong ‘yan! Kailan ka ba titigil diyan? Kapag wala na ako sa buhay mo? Kapag wala na kami ng mga anak mo? Pagod na pagod na ko sa pagtatrabaho, Zarr! Ano ba ‘yung tumulong ka man lang kahit sa hindi pangungutang man lang?” pahayag ng babae.

“Kita mo na. Sa kakaganiyan mo kaya ako minamalas! Diyan ka na nga!” sigaw ni Zarr sa babae at saka umalis. Tinaya niya ang perang pinahiram ng kagawad sa sabong.

Naiyak na lamang si Ysel sa sobrang sama ng loob.

Hindi lamang ito ang unang pagkakataon na nanghiram ng pera ang kaniyang mister para sa sugal kung ‘di maraming beses na. Lubog na sila sa utang dahil sa kaniyang asawa at ang mas masaklap pa nga’y walang trabaho si Zarr sa kabila ng kanilang estado sa buhay.

Lumipas ang ilang linggo. Nakayukong naglalakad si Zarr nang makita siya ng kagawad.

“O, balita ko’y talo ang manok ni Wano. Paano na ‘yan, Zarr? Nasaan ang pera ko?” galit na bati ni Kagawad Manny.

“Pasensiya na ho kayo kagawad sa pagsisinungaling ko. Malaki lang talaga ang tiwala ko sa manok na ‘yun kaso nadapuan ng sakit kaya nagkandaleche-leche na,” sagot ni Zarr.

“Pasensiya ka na rin, Zarr, ngunit kailangan ko ng perang ngayon dahil may sakit ang anak ko. Gawan mo sana ng paraan na maibalik sa akin ang pera dahil malaking halaga ang kailangan namin,” paliwanag ng kagawad.

Manok na Pula!

“Naku, ang hirap naman ho ng hiling niyo. Ang dami niyong pera pero talagang pagdidiskitahan niyo ang utang ko sa inyo. Tao nga naman!” saad pa ni Zarr. Siya pa ang galit sa kagawad.

“Maghintay ho kayo mamayang hapon at hahanap lamang ako ng pera na maipambabayad ko sa inyo!” dagdag pa nito.

Lumibot si Zarr sa kaniyang mga kaibigan, kakilala at kung sinu-sino pang kapitbahay ngunit bigo siyang makahanap ng mahihiraman ng pera.

“Babayaran naman ho ni misis ‘yan. Ang akin lang naman ay pahiramin niyo muna ako kasi si Kagawad Manny ay naniningil na,” pahayag ni Zarr sa kaniyang inuutangan.

“Kailan ka ba magbabago, Zarr?” tanong ni Manang Helen, isang kapitbahay ng lalaki. “Huwag niyo na hong tanungin kung kailan mawawala ang pagiging sugarol ko dahil kasama na ho ‘yun sa pagiging lalaki ko. Kung wala naman ho kayong maipapahiram na pera ay huwag na ho kayong magsalita ng kung anu-ano pa,” iritang sagot ni Zarr sa matanda.

“Alam mo ‘yung mga taong nilapitan mo may pera ‘yan. Pero hindi ka na nila papahiramin. Hindi dahil sa sugarol ka, hindi dahil sa baka hindi ka makapagbayad o sa takot na hindi mo maibalik ang pera kung ‘di dahil sa masangsang mong pag-uugali. Hindi ka na nga tumutulong sa misis mo puro ka pa utang? Anong klaseng bay*g ng pagkalalaki ang mayroon ka? Nakakahiya ka!” sigaw ng matanda sa lalaki.

“Sira na ang kredibilidad mo sa lahat ng mga taga-rito sa lugar natin dahil hindi ka marunong magbayad ng utang at hindi ka marunong magbanat ng buto!” dagdag pa nito.

Sasagot pa sana si Zarr ngunit umalis na lamang siya at umuwi ng bahay.

Naabutan ni Zarr ang kaniyang misis na gumagawa ng puto habang naglalaba ng damit ng kanilang kapitbahay. Hirap na hirap na ito at pagod na pagod na.

“Anong nangyari sa’kin? Bakit ako nalulong sa sugal?” isip-isip ng lalaki.

“Sorry,” pahayag ni Zarr sa kaniyang misis.

Hindi sumagot si Ysel. Nakita na lamang ng lalaki na lumuha ito.

Doon na tinamaan ng matindi si Zarr. Ngayon siya nagising sa katotohanan na iniasa niya ang lahat sa suwerte ng sugal at sabong hanggang sa nilamon na siya nito at nakalimutan na niya ang responsibilidad niya sa kaniyang pamilya. Na siya ang lalaki at hindi niya madadaan sa suwerte lamang ang kanilang buhay. Kailangan niyang magbanat ng buto.

Manok na Pula!

Simula noon ay naghanap kaagad si Zarr ng trabaho.

Pinakiusapan ni Zarr si kagawad na bigyan siya ng palugit sa kaniyang utang. Pumayag naman ito nang makitang pinagsusumikapan niyang makabayad.

Unti-unting nabayaran ng lalaki ang lahat ng kaniyang mga pinagkakautangan at hindi na muling nagsabong pa si Zarr.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.