Tinapos ng Dalaga ang Pagkakaibigan Nila ng Kaniyang Kababata, Naging Aral sa Kaniya ang Desisyong Ito

“Hoy, Viela, balita ko nambabae na naman ang nobyo mo, ha? Kailan ka ba magigising sa katotohanang nagbago na ang dating mabait mong kasintahan?” sambit ni Rose sa kaibigan niyang ngumangawa na naman, isang araw nang magyaya itong kumain sa kanilang tambayan.

“Pati ba naman ikaw, Rose, ganyan ang iniisip sa kaniya? Akala ko pa naman ikaw ang higit na makakaintindi sa kaniya dahil mas kilala mo siya,” hikbi ni Viela saka pinunasan ang kaniyang luhang kanina pa umaagos.

“Kaya nga sinasabi ko sa’yong magising ka na, dahil nga ang laki na ng pinagbago niyang lalaking palagi mong pinaglalaban sa amin. Makailang beses ka na niyang niloko, ha? Tapos ikaw pa itong habol nang habol! Hindi ka aso, Viela, tao ka, babae ka, magandang babae ka!” ika nito sa kaniya saka siya bahagyang niyakap, tila nainis naman siya sa mga sinabi ng kaibigan. Tila hinuhusgahan kasi nito ang kaniyang minamahal na lalaki.

“Nalilito lang ‘yon, Rose, mahal ako no’n, naiintindihan mo? Huwag mong husgahan ang nobyo ko katulad nang panghuhusga ng iba nating kaibigan!” bulyaw niya sa kaibigan saka agad na kumawala sa yakap nito dahilan upang magulat ito sa kaniyang inasta.

“Aba, huwag mo akong sigawan! Pinapangaralan lamang kita!” sagot ni Rose, bakas sa mukha niya ang magkahalong inis at pagkagulat.

“Hindi ko kailangan ng pangaral mo! Ni wala ka ngang naging nobyo, eh, paano ka makakasiguradong tama ang pangaral mo sa akin, ha? Pakielamera!” dagdag niya pa saka nagmadaling umalis sa kanilang tambayan dahilan upang mapailing na lamang ang kaniyang kaibigan.

Matalik na kaibigan ni Viela ang dalagang si Rose. Bata pa lamang sila nang mabuo ang kanilang pagkakaibigan. Palagi silang magkaeskwela sa paaralan, palaging magkalaro, at paminsan pa nga, magkaparehas ang kanilang mga damit.

Lalo namang tumibay ang kanilang pagkakaibigan nang makapasok sila sa isang unibersidad sa Maynila. Dumadagdag man ang kanilang nakakasamang kaibigan, ika nga nilang dalawa, sila pa rin ang matalik na magkaibigan.

Advertisement

Palagi nilang nasasandalan ang bawat isa kahit pa mapatungkol man ito sa kanilang sari-sariling pamilya o kahit tungkol man sa kanilang buhay kolehiyala.

Ngunit tila nagbago ang dalagang si Viela nang pumasok siya sa isang relasyon. Madalas na siyang nakabuntot sa nobyo’t nakalimutan na ang kaniyang kaibigan. Nilalapitan niya lamang ito sa tuwing nag-aaway sila ng naturang lalaki o kapag nambababae ito at labis siyang nasasaktan.

Marami na sa kanilang kaibigan ang naiinis sa kaniya dahil nga ika ng mga ito, nagpapakatanga siya sa isang lalaking nagbago na dahilan upang lumayo siya sa mga ito at kay Rose na lamang maglabas ng sama ng loob.

Ngunit tila naiinis na rin ang kaniyang matalik na kaibigan sa kaniyang nobyo dahilan upang pagsabihan na siya nito na labis naman niyang ikinagalit.

Noong araw na ‘yon, pagkaalis na pagkaalis niya sa kanilang tambayan, sinumpa niya sa sarili na hindi na muling lalapit sa kaniyang matalik na kaibigan o kahit kanina pa man. Ika niya, “Hindi niyo naman ako naiintindihan, eh! Puro kayo panghuhusga!” at simula noon, hindi na pinansin ang sinuman sa kaniyang mga kaibigan.

Ilang araw lang ang nakalipas, muli silang naging maayos ng kaniyang nobyo. Ganoon na lamang ang kaniyang saya nang humingi ito ng tawad.

“Sabi ko na nga ba, eh, nalilito ka lang, ayos lang ‘yon, naiintindihan ko naman!” sambit niya sa nobyo saka niya ito mariing na niyakap. Nakita naman niyang dumaan ang kaniyang matalik na kaibigan kasama ang iba pa nilang kaibigan. Inirapan niya lamang ito’t agad nang hinila ang binata sa kanilang kantin.

Naging masaya naman ang dalaga sa piling ng kaniyang nobyo, sa katunayan nga, nagdesisyon na siyang mamalagi sa bahay nito, malapit sa kanilang paaralan. Ika niya pa, “Kaya ko naman palang walang kaibigan, eh.”

Advertisement

Ngunit ilang buwan lang ang nakaraan, bigla na lamang niyang nadatnan ang kaniyang nobyo na may kasamang babae sa kanilang kwarto. Noong una’y labis na humihingi ng tawad ang binata ngunit nang hilingin niyang tigilan ang naturang dalagang kasiping nito, bigla na itong nagalit at nagawa pa siyang saktan nang sigaw-sigawan niya ang naturang dalaga.

Agad na nakipaghiwalay ang binata sa kaniya at pinalayas siya.

Nagmakaawa siya ditong huwag siyang iwan ngunit hindi siya nito pinakinggan at hinagis pa palabas ang kaniyang mga gamit. Iyak siya nang iyak noong pagkakataong iyon. Tila gumuho ang mundo niya sa isang iglap lamang.

Laking gulat niya nang may isang dalagang bigla na lamang pumulot ng kaniyang mga gamit.

“Halika na, balik ka na sa dorm natin, na-miss kita,” sambit ng isang pamilyar na boses dahilan upang mas lalo pa siyang maiyak.

“Ro-rose?” hikbi niya saka siya mahigpit na niyakap nito.

Ikinuwento niya lahat ng kaniyang pinagdaan sa kaibigan at ganoon siya humingi ng tawad dito. Ika niya, “Wala pa rin palang papantay sa pagmamahal mo sa akin, patawarin mo ako, ha? Pinili ko pa ang buang na lalaking ‘yon kaysa sa’yo,” saka niya ito mahigpit na niyakap muli.

Mas lalo pang tumibay ang kanilang pagkakaibigan pagkatapos noon, subukan man sila muli ng panahon, lagi nilang iniisip ang kanilang pinagsamahan na wala nang makakapantay.

Advertisement

Madalas tayong mabulag ng mga pangyayari sa ating buhay. Nawa’y huwag nating hayaang mawala ang mga taong tunay na nagmamahal sa atin para lamang sa mga taong bigla na lamang tayong iiwan.