Nakipanuluyan na ang Matandang Balo sa Pamilya ng Kaniyang Anak na Naninirahan sa Kalunsuran; Paano Kaya Nila Pakikisamahan ang Isa’t Isa?

Maagang bumangon si Lola Trining upang maghanda ng almusal para sa kaniyang mga apo, anak, at manugang. Sa umagang iyon, ipaghahanda niya sila ng pancakes. Inihanda na niya ang mga kailangan gaya ng harina, itlog, at keso.

Bagong dating lamang siya sa poder ng kaniyang anak na si Thelma dahil kamam*tay lamang ng tatay nito at asawa niyang si Lolo Anselmo. Sa pagpupumilit ni Thelma, napahinuhod na rin siyang makipisan na sa kanila upang may kasa-kasama siya.

Subalit nabungaran niya ang anak na si Thelma na naghahanda na rin ng almusal sa kusina.

“Ang aga mo namang nagising, anak. Ako na sana ang magluluto,” nangingiming bati ni Lola Trining sa anak. Si Thelma ang kaisa-isa nilang anak ni Lolo Anselmo.

“Naku ‘Nay, ako na ho… kayo naman. Ako na pong bahala,” nakangiting tugon ni Thelma sa kaniyang ina.

“Mas masarap ang gawa ko sa iyo. Iyan kasi may kemikal na. Ang gawa ko eh purong mga rekado. Paborito ng Tatay mo,” nasabi ni Lola Trining sa kaniyang anak.

Lumapit si Thelma sa kaniyang ina at inakbayan ito.

“Namimiss mo ang Tatay ‘no? Ikaw talaga Nanay. Nagdrama na naman,” sabi ni Thelma.

Advertisement

At nagising na nga ang tatlong apo ni Lola Trining. Ang panganay na anak ay si Andrea, 23 taong gulang, at supervisor sa isang kompanya. Ang sumunod naman dito ay si Andre, 18 taong gulang, at nag-aaral sa kolehiyo at varsity ng paaralan. Ang bunso naman ay si Atasia na 10 taong gulang at nasa elementarya.

Medyo naiilang pa si Lola Trining sa kaniyang mga apo dahil halos ngayon lamang niya ito nakasama nang mas matagal-tagal. Sanay sa hirap si Lola Trining at payak lamang ang naging pamumuhay nila ni Lolo Anselmo sa lalawigan.

Isa-isang lumapit ang mga apo ni Lola Trining sa kaniya at nagmano.

“Kumusta naman po ang tulog ninyo rito, ‘Nay?” tanong ng kaniyang manugang na si Armando, asawa ni Thelma. Mabait naman ito subalit naiilang at kimi pa rin si Lola Trining.

“Ayos naman, Armando. Medyo malamig kaya pinat*ay ko ang aircon. Hindi ako sanay. Sa probinsiya kasi nakabukas lamang ang mga bintana namin. Kaya binuksan ko lamang ang mga bintana ng kuwarto na ibinigay ninyo sa akin. Ay sus, pagkalaki-laki nga eh. Hindi ako sanay sa malaking kuwarto,” sagot ni Lola Trining. Nakatungo at tahimik na kumakain ang kaniyang mga apo.

“Ganito po talaga sa Maynila. Mainit po kasi kaya kailangan ng aircon,” magalang na sabi ni Armando.

Nabitiwan ni Lola Trining ang mabigat na tinidor sa sahig na ikinagulat naman ng kaniyang mga apo. Pulang-pula ang mukha ng matanda sa pagkapahiya.

“Paumanhin… hindi kasi ako sanay humawak ng kubyertos kapag kumakain. Mas gusto ko ang nagkakamay, gaya ng ginagawa namin ni Anselmo,” hiyang-hiyang sabi ni Lola Trining.

Advertisement

“Okay lang po ‘Nay, wala naman pong problema,” sabi ni Armando.

“It’s bad po ‘di ba? Did you wash your hands lola?” sabat ni Atasia. Muli na na namang namula ang mukha ni Lola Trining sa sinabi ng bunsong apo.

“Apo, naghugas naman ako ng kamay kanina bago umupo rito. Gusto mo maghugas ulit ako ng kamay? Sige, huhugas ulit si Lola ng kamay,” sabi ni Lola Trining sabay tayo at nagtungo sa kusina upang hugasan ulit ang kaniyang kamay.

Pinagsabihan ni Thelma ang kaniyang mga anak habang wala ang ina.

“Nag-aadjust pa lamang sa atin ang lola ninyo, so please, welcome her and assist her. Lawakan ninyo ang pang-unawa sa kaniya, okay? Hindi natin katulad ang practices nila sa province, kaya walang masama sa ginagawa niya,” paalala niya sa mga anak.

Ang mga sumunod na araw ay naging hamon at kalbaryo para kay Lola Trining. Bagama’t may mga kasambahay naman sila, hindi maatim ni Lola Trining na wala siyang ginagawang gawaing-bahay. Noong magkasama pa sila ni Lola Anselmo, sanay siyang halos walang antala sa paglalaba, pagbabayo ng bigas, paggawa ng kusot para sa kanilang lutuan, pagpapakain sa mga alagang tandang ng asawa, at marami pang iba.

Kaya naman, inaako na ni Lola Trining ang mga gawaing-bahay subalit ang problema, hindi siya marunong gumamit ng mga makabagong appliances na matatagpuan sa bahay ng anak.

Noong Lunes, nasira niya ang washing machine dahil kaunti lamang ang inilagay niyang tubig. Noong Martes naman, muntik nang magkasunog dahil hindi niya napihit nang maayos ang stove. Noong Miyerkules, nalagyan niya ng mantsa ang isang mamahaling damit ng apong si Andre. Noong Huwebes, nabasag naman niya ang bandehadong hinuhugasan.

Advertisement

Minsan, narinig ni Lola Trining ang usapan nina Thelma at Armando.

“Ano bang gagawin natin kay Nanay? Baka mamaya niyan lahat ng appliances natin masira niya?” sabi ni Armando.

“Makakapag-adjust din siya huwag kang mag-alala. Eh saan naman natin siya dadalhin?” sabi ni Thelma.

“Saan nga ba? Gusto ninyo, babalik na lang ako sa probinsiya. Doon sa bahay namin ni Anselmo. Tama si Armando, baka masira ko ang buong bahay kapag nandito pa ako,” sabat ni Lola Trining habang naiiyak.

Agad siyang dinaluhan nina Armando at Thelma. Niyakap siya ng mga ito.

“Sorry po, Nanay. Huwag po ninyong masamain ang sinabi ko. Naisip ko lang po kasi baka hindi lang talaga kayo sanay. Wala po akong intensyong masama. Mahal po namin kayo,” sabi ni Armando.

Lumapit din ang tatlong apo sa kanila, nang masaksihan nila ang madamdaming eksena. Yumakap din sila sa kanilang lola.

Simula noon, sinikap na nilang maiparamdam kay Lola Trining na hindi ito ibang tao sa kanila. Pinagtiyagaan nila itong turuan kung paano gamitin ang mga makabagong kasangkapan at appliances na hindi nito kinasanayan noon.

Advertisement

Naisip din ni Lola Trining na kailangan niyang maging bukas sa anumang pagbabago upang siya ay matuto. Matapos ang ilang buwan, hindi na niya nagagawa ang mga kapalpakan noong mga unang buwan ng paninirahan sa bahay ng kaniyang anak at manugang.