Pinalayas ng Kasera ang Mag-inang Nangungupahan Dahil ‘Di Makabayad ng Renta; ‘Di Niya Akalaing Darating ang Panahong Matutulungan Siya Nito

Naabutan ni Criselda na umiiyak ang nag-iisang anak na si George pagkauwi sa apartment na kanilang tinutuluyan. Si Criselda ay solo parent dahil hindi siya pinanagutan ng dating nobyo na nakabuntis sa kaniya. Nagtatrabaho si Criselda bilang factory worker sa isang pabrika ng mga handicraft.

“Anak! Anong nangyari? Bakit ka umiiyak?” nag-aalalang tanong ni Criselda sa anak.

“Nanay, si Misis Santos, nagpunta siya kanina rito. Hinahanap ka po. Sabihin ko raw po sa inyo na kapag hindi pa tayo nagbayad ng upa sa bahay, palalayasin daw po niya tayo. Matutulog daw po tayo sa kalsada.

Si Misis Santos ang kanilang masungit at mahigpit na kasera. Tatlong buwang upa na nagkakahalagang 9,000 piso ang hindi pa niya nababayaran dito. Humina kasi ang kita ng kanilang pabrika dahil sa nakalipas na pandemya, na nagdulot naman ng krisis sa ekonomiya. Hindi naman kasi essential needs o pangunahing pangangailangan ang kanilang mga produkto.

“Hayaan mo, anak. Kakausapin kong mabuti siya. Huwag ka nang umiyak. Aayusin ni Nanay ito. Hindi tayo mapapaalis dito,” pagsuweto ni Criselda sa anak.

Tinawagan ni Criselda ang kaniyang mga kaibigan at kakilala upang humiram ng pera subalit walang makapagpautang sa kaniya dahil kapos din. Lahat kasi ay nagsisimula pa lamang bumangon mula sa krisis.

Minabuti ni Criselda na sadyain si Misis santos sa mala-mansyong bahay nito sa kabilang barangay upang makiusap.

“Hay naku Criselda! Masyado nang matagal ang palugit na ibinigay ko sa inyo. Kailangan ko rin ng pera. Hindi ako nagpaupa para lamang pang-charity. Sa susunod na bayaran kailangang makabayad ka na. Kung hindi, maghanap-hanap ka na ng ibang malilipatan ninyo ng anak mo!” galit na sabi ni Misis Santos.

Advertisement

“Kahit pakonti-konti po, magbabayad po ako. Pangako,” nasabi na lamang ni Criselda.

Subalit hindi natupad ang pangako ni Criselda. Nagkasakit kasi si George kaya mas inuna niya itong pagkagastusan. Hindi nakabayad si Criselda. Sa pagkakataong iyon, pinutulan sila ni Misis Santos ng suplay ng kuryente at tubig.

Makalipas ang isang linggo, dumating si Misis Santos kasama ang ilang mga barangay tanod. Pinapaalis na sila.

“Kami na ho ang kusang aalis,” sabi ni Criselda. Bitbit niya ang mga bag nila ni George na naglalaman ng kanilang mga damit at mahahalagang gamit.

“Sige, umalis na kayo. Pero hindi ninyo makukuha ang mga gamit ninyo rito. Iyan na ang pambayad ninyo sa lahat, hangga’t hindi kayo nagbabayad sa akin ng cash. Sige na. Alis na!” pagtataboy ni Misis Santos.

Kaawa-awa ang mag-inang Criselda at George habang naglalakad. Hindi nila alam kung saan pupunta. Gustong lumubog ni Criselda sa lupa dahil sa mga matang nakatingin sa kanila.

Umiiyak din si George. Naiwan sa kanilang nilisang upahan ang mga naipundar na kasangkapan at appliances gaya ng telebisyon, refrigerator, mga bentilador, at microwave oven.

“Nanay, paano po ang mga gamit natin? Hindi na po ba sa atin iyon?” tanong ni George sa kaniyang nanay. Nababagbag ang kalooban ni Criselda na makitang umiiyak ang kaniyang pinakamamahal na anak.

Advertisement

“Babalikan natin ang mga iyon, anak. Huwag kang mag-alala. Makakabawi rin si Nanay. Makukuha rin natin ang mga gamit natin,” niyakap ni Criselda nang mahigpit si George. Tuluyan na rin siyang napaiyak.

“Patawarin mo ako, anak… hindi ko maibigay sa iyo ang magandang buhay. Pero hindi rito nagtatapos ang lahat, anak. Babangon tayo. Ipakikita natin sa kanila na kaya natin…”

Nakahanap ng maliit na bakanteng tindahan na mauupahan ang ina, na nakatirik sa gilid ng kalsada. 1,500 piso ang upa, libre na ang tubig maliban sa kuryente.

Ang tindahang iyon ay sinlaki lamang ng isang kuwarto. Nagtiyaga ang mag-ina sa paninirahan sa naturang tindahan. Kahit na masikip at maliit, namuhay sila nang masaya.

Makalipas ang dalawang buwan, habang papauwi si Criselda mula sa kaniyang trabaho, isang eksena ang kaniyang nasaksihan. Isang ginang ang pinagkakaguluhan sa palengke dahil pinanawan ng ulirat. Ayon sa mga miron, hinablot ng isang magnanakaw ang kaniyang bag.

Laking-gulat ni Criselda nang makilala niya ang ginang. Walang iba kundi si Misis Santos! Siya ang sumama rito nang isugod ito sa pinakamalapit na ospital.

Nang magkamalay si Misis Santos, nagulat siya nang makita sa kaniyang tabi si Criselda.

“A-anong ginagawa ko rito? Anong nangyari sa akin?” untag ni Misis Santos kay Criselda.

Advertisement

“Nawalan daw po kayo ng malay pagkatapos ninyong manakawan. Nagkataon naman pong napadaan ako sa palengke nang pauwi na ako. Kaya sinamahan ko po kayo rito. Wala naman po kayong ibang kasama,” paliwanag ni Criselda.

Napaiyak si Misis Santos nang maalala ang mga nangyari.

“Maraming salamat, Criselda. Patawarin mo ako. Sa kabila ng mga nagawa ko sa inyo ng anak mo, tinulungan mo pa rin ako. Hindi ka nagtanim ng galit sa akin. Nahihiya ako sa iyo. Mabuti ang puso mo,” paghingi ng tawad ni Misis Santos. Lumuluhang nagyakap sila ni Criselda.

Nakabalik sina Criselda at George sa paupahang ni Misis Santos at muli nilang nakuha ang kanilang mga gamit. Tuwang-tuwa si George dahil muli na naman siyang makakapanood ng mga paborito niyang palabas sa telebisyon.

Inilibre na ni Misis Santos ang mga naka-pending na utang ni Criselda, at nagkaroon sila ng panibagong kasunduan sa bayaran ng upa, upang hindi naman mahirapan si Criselda.