Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Ginang na Ito ang Kaniyang Pamilya Dahil sa Hirap ng Buhay, Laking Gulat Niya Nang Makita ang Anak sa Isang Magarang Sasakyan

Iniwan ng Ginang na Ito ang Kaniyang Pamilya Dahil sa Hirap ng Buhay, Laking Gulat Niya Nang Makita ang Anak sa Isang Magarang Sasakyan

“Lumayas ka na dito! Wala ka talagang kwenta! Ilang araw ka nang naghahanap ng trabaho, hanggang ngayon wala ka pa ring nakikita! Ganoon ka ba katanga, ha? Ano ipapakain mo sa amin ngayon niyang anak mo, ha!” bulyaw ni Anita sa kaniyang asawa habang nagluluto ng kanilang delatang ulam, isang gabi nang umuwi ang kaniyang asawang lugmok na lugmok na naman.

“Pasensya na, mahal, ginawa ko naman lahat ng makakaya ko, eh. Pero dahil nga wala akong natapos, tinitignan pa lang ang resume ko, pinapauwi na agad ako,” nayukong sagot ni Joel habang hinuhubad ang kaniyang sapatos.

“Nakakainis naman! Kasalanan mo lahat ito, eh! Kung hindi mo ako binuntis, edi sana isa na akong ganap na guro ngayon! Peste talaga kayo niyang batang ‘yan sa buhay ko, eh!” ika niya pa saka padabog na inilapag ang hawak niyang pangluto.

“Anita, huwag ka namang magsalita nang ganyan, naririnig ka ni Bonbon,” saway sa kaniya ng asawa, saka nilapitan ang kanilang anak na humihikbi na.

“Wala akong pakialam! Totoo naman, ha? Kung ako sana nakatapos, edi sana maalwan ang buhay ko ngayon! Hindi yung ganito, isang kahid, isang tuka, mukha pa akong losyang nang dahil sa kakulitan ng batang ‘yan!” sagot niya pa sa asawa saka padabog na pumasok sa kanilang kwarto, lumabas siyang may bitbit-bitbit na malaking bag mayamaya, “Kung ayaw mong lumayas dito, ako ang lalayas! Ayoko na sa ganitong buhay! Magsama kayo ng anak mo!” sigaw niya pa dahilan upang umiyak na ang bata.

“Mama!” habol nito ngunit hindi niya ito pinansan at dali-daling lumisan, naiwan namang mangiyakngiyak ang kaniyang asawang wala magawa kundi yakapin na lamang ang kanilang anak.

Nasa ikalawang taon ng kolehiyo nang magdalang tao ang dalagang si Anita dahilan upang itakwil siya ng kaniyang mga magulang at hindi na suportahan sa pag-aaral. Ito rin ang naging dahilan upang tumigil na rin sa pag-aaral ang kaniyang nobyong si Joel at mamasukan na sa isang pabrika upang makaipon na para sa kaniyang panganganak.

Walang araw na hindi niya pinagsisihan ang pagsama niya sa binata dahilan upang lagi niya itong kagalitan. Labis siyang nanghihinayang sa pangarap na abot kamay na niya. Ganoon rin siya labis na nangungulila sa kaniyang pamilya. Simula kasi nang sumama siya sa naturang binata, hindi na niya muling natamasa ang maalwang buhay sa piling ng kaniyang mga magulang.

Ilang buwan ang nakalipas, tuluyan na nga siyang nakapagsilang. Ngunit imbis na salubungin ito ng ngiti’t halik, ni ayaw niya itong makita dahil nga ika niya ito raw ang malas sa buhay niya at ang tanging dahilan upang magkabuhol-buhol ang kaniyang mga plano sa buhay.

Ngunit kahit pa ganoon, nagawa naman niyang alagaan ang bata hanggang sa umabot ito ng limang taong gulang at doon na nga muling bumalik ang kaniyang pagsisisi sa pamilyang nabuo nang dahil lamang sa wala silang tiyak na pagkukuhanan ng pera.

Noong araw na ‘yon, napagdesisyunan niyang bumalik sa kaniyang pamilya. Wala na siyang pakialam sa kaniyang iniwang anak o kahit pagtabuyan man siya ng kaniyang mga magulang, ang tanging nais niya lamang, maibalik niya ang maalwan niyang buhay at muling makapag-aral.

Ngunit labis siyang nagulat nang ibang tao ang lumabas sa kanilang bahay. Ika nito, “Naku, kami na ang may-ari nito. Ang pagkakaalam ko, lumuwas na ng Maynila ang may-ari nito dati,” dahilan upang lalo siyang manlumo.

“Nakakainis talaga! Edi sana, sa Maynila na rin ako nakatira ngayon!” sambit niya saka ginulo-gulo ang kaniyang buhok nang dahil sa labis na pagkainis.

Kahit pa wala siyang ibang mapuntahan, hindi niya inisip na umuwi sa kanilang bahay. Mas pinili niyang palipasin ang gabi sa kalsada at humanap nang mapapasukang trabaho kinabukasan.

Nagtrabaho siya sa isang karinderya upang may magamit na pera para sundan ang kaniyang pamilya sa Maynila.

“Isang linggo lang ako magtatrabaho dito, tiyak may sapat na akong pera papuntang Maynila noon. Magkandaligaw-ligaw man ako, may pera ako, sigurado akong makikita ko sila doon!” nakangiti niyang sambit habang naggagayat ng mga gulay.

Lumipas nga ang isang linggo’t tuluyan nang lumuwas si Anita. Ganadong-ganado siyang bumiyahe kahit hindi alam ang kaniyang destinasyon.

“Ganito pala talaga sa Maynila, ano? Sobrang traffic!” ika niya nang makarating na siya sa lugar at tila naipit siya sa traffic.

Habang nagmamasid-masid sa mga kalapit na sasakyan, napukaw ng isang batang kumakaway mula sa isang magarbong sasakyan ang kaniyang atensyon.

“Bo-bonbon? Anak ko?” gulat na gulat niyang sambit, “Mukhang binenta ng mokong na ‘yon ang anak namin! Malalagot sa akin ‘yan!” dagdag niya pa saka siya nagmadaling bumaba ng bus.

Nakita niyang tumigil ang kotseng iyon sa isang restawran dahilan upang pumasok siya dito. Doon niya nakita ang kaniyang asawa at ang kaniyang anak. Kitang-kita sa pananamit ng dalawa ang karangyaan sa buhay dahilan upang labis siyang magtaka.

Kahit pa hiyang-hiya, nilapitan niya ang dalawa. Agad siyang niyakap ng kaniyang anak, tinignan lang siya ng kaniyang asawa’t pinaupo siya.

Doon niya nalamang nakapulot pala ng malaking halaga ang kaniyang asawa kinabukasan noong umalis siya. Sinauli nito ang napulot na pera’t ginantimpalaan ng may-ari.

Labis ang pagsisisi ng ginang, agad siyang humingi ng tawad sa asawa at anak. Kinagulat naman niya ang sagot ng asawa.

“Hindi mo naman kailangang humihingi ng tawad. Ako naman talaga ang may kasalanan simulan noong una kaya ito, babawi ako sa’yo, makakapag-aral ka na ulit. Basta ipangako mo, huwag mo na kaming iiwan ni Bonbon, ha? Mahal na mahal ka namin,” sambit nito dahilan upang bumuhos na ang kaniyang luha. Mahigpit niyang niyakap ang dalawa at napagtantong noong una palang, may yaman na siyang hindi mabibili ng kahit na anong halaga, ito ang pagmamahal ng kaniyang maliit na pamilya.

Hamakin man tayo ng problema, huwag nawa nating hayaang mawala ang ating mga mahal sa buhay dahil sila ang tangi nating yaman.

Advertisement