Napakaarte’t Salbahe ng Isang Dalagang Isinilang na May Gintong Kutsara Sa Bibig, Nagbago ang Ugali Niya Nang Makilala Niya ang Isang Pulubi

“Manang! Ano ba naman itong luto mo? Napakaalat! Gusto mo na ba talaga ako magkasakit sa bato, ha?” bulyaw ni Lucy sa matanda niyang kasambahay saka initsa sa sahig ang kutsarang hawak niya.

“Naku, madam, pasensya na po kayo, hindi ko po sinasadya,” ika ni Aling Emilia saka tinikman ang kaniyang luto, “Tama lang naman po, eh, ang sarap nga po, eh,” pangungumbinsi pa ng matanda sa kaniya saka muling inihain sa kaniya ang pagkain.

“Anong masarap d’yan? Parang pagkain ng aso at baboy! Ikaw, manang, ha, ilang araw nang ganyan ang luto mo! Gusto mo bang mawalan ng trabaho, ha?” galit niyang sagot saka tuluyang tumayo sa kaniyang kinauupuan, nataranta naman ang matanda sa kaniyang sinabi.

“Ayoko po, hayaan niyo po lulutuan ko agad kayo ng bago, saglit lang po,” aligagang sambit nito saka nagmadaling kinuha ang pagkaing niluto.

“Ayoko na! Ayoko na ng luto mo! Kainin mo lahat ‘yan at sa labas na lang ako manananghalian! Doon, sigurado pa akong masarap ang pagkain!” sigaw niya sa matanda saka niya padabog na sinara ang pintuan ng kaniyang bahay.

Laki sa yaman ang dalagang si Lucy. Sa katunayan nga, ika ng dati nilang mga kasambahay, isinilang daw siyang may gintong kutsarang sa bibig.

Solong anak kasi ang dalaga at nang pumanaw ang kaniyang mga magulang dahil sa pagbagsak ng eroplanong sinasakyan ng mga ito, lahat ng ari-arian ng kanilang pamilya ay ibinigay lahat sa kaniya.

Ito marahil ang naging dahilan upang mag-inarte nang husto sa kaniyang buhay ang dalaga. Ni ayaw niyang ipagalaw ang kaniyang gamit dahil marurumihan daw ito, ayaw niya ring may ibang pampalasa sa pagkain bukod sa asin at lalong ayaw niyang hindi siya agad makakakain kapag naramdaman niyang gutom na siya.

Advertisement

Dahil sa ugali niyang ito, marami sa kanilang mga kasambahay ang sumuko. Ika niya sa mga ito nang sabay-sabay na nagpaalam sa kaniya, “Edi umalis kayo, pakiramdam niyo ba kawalan kayo sa buhay ko?” na labis na ikinasama ng loob ng mga ito.

Tanging ang matandang ginang na si Aling Emilia ang nagtagal sa tabi niya, bukod kasi sa ito na ang nagpalaki sa kaniya, wala rin itong matutuluyan dahilan upang labis niyang pagtiyagaan ang dalaga.

Noong araw ‘yon, matulin niyang pinaandar ang sasakyan dahil nga gutom na siya.

“Hindi pwedeng malipasan ako ng gutom, magkakasakit ako! Nakakainis talagang Emilia ‘yan!” sambit niya sa sarili, ililiko niya sana ang sasakyan nang biglang may sumalubong sa kaniyang rumaragasang truck ng basura at sinalpok siya.

Nagising na lamang siyang nasa isang sulok ng kalsada na napapalibutan ng mga basura. Diring-diri ang dalaga dahilan upang sumuka siya nang sumuka. Pipilay-pilay siyang umalis doon at hinanap ang kaniyang sasakyan. Saka niya naalala ang huling nangyari sa kaniya.

“Huwag niyong sabihing nasagasaan niyo ako tapos tinapon niyo lang ako sa basurahan?” sigaw niya sa kalsada, dahilan upang mapagkamalan siyang baliw ng mga taong nakarinig sa kaniya. Nakita niya pa ang kaniyang repleksyon sa salamin na tindahan, sira-sira na ang magarbo niyang damit at puno pa ng mantya.

Mangiyakngiyak niyang tinignan ang sarili, “Ako pa talaga ito? Hindi pwede! Kakain lang naman ako sa paborito kong restawran!”

Doon niya napagdesisyunang makihiram ng selpon o kahit telepono upang matawagan ang kaniyang matandang kasambahay. Ngunit dahil sa kaniyang itsura, walang may nais na magpahiram sa kaniya.

Advertisement

Iyak na siya nang iyak sa tabi ng kalsada, labis na kasi ang gutom na kaniyang nararamdaman, “Mukhang papanaw na ako dahil sa gutom, maawa na kayo!” sigaw niya habang naglulupasay sa kalsada.

“Bulaan ka! Ako nga, halos isang linggo nang hindi kumakain! Hindi pa naman ako napanaw hanggang ngayon! Mahinang nilalang ka!” bulyaw sa kaniya ng isang pulubing nakahiga sa kalsada.

“Wala kang pakialam! Ikaw kasi, sanay ka na, ako hindi ako sanay nang ganito! Ang yaman yaman ko kaya!” sagot niya dito saka umirap. Agad siyang tumayo at umalis sa tabi ng nasabing pulubi.

“Naku, kailangan mo nang masanay dahil hindi habang buhay, mayaman ka. Kahit gaano man kasigurado ang marangya mong buhay kung masama ang ugali mo, babagsak ka pa rin!” sambit pa nito habang sinusundan siya dahilan upang bahagya siyang napaisip sa pagtrato niya sa mga tao sa paligid niya at bigla na lamang bumagsak ang kaniyang luha, “Halika na nga, nakakaawa ka, eh, samahan kita sa pulisya, doon ka humingi ng tulong,” dagdag pa nito na nakapagbigay sa kaniya ng pag-asa. Agad niyang pinunasan ang kaniyang luha’t sumunod sa pulubing naglalakad.

Doon nga siya nakahanap ng tulong. Nakilala siya ng isang pulis doon na dati nilang hardinero. Agad siyang pinatawag nito sa telepono at wala pang trenta minuto, sinundo na siya ng matanda niyang kasambahay kasama ang kaniyang drayber.

“Te-teka, manong!” sambit niya saka nagmadaling bumaba ng sasakyan. Pinuntahan niya ang pulubing tumulong sa kaniya, at inanyayahan niya itong mamalagi sa kaniyang bahay. Dahil nga pulubi’t wala nang ibang mapupuntahan, agad itong sumama sa kaniya.

Nabago ng pangaral ng pulubi ang ugali ng dalaga at simula noon, naging mabuti na siya sa kaniyang mga kasama sa bahay. Pinilit niya ring sanayin ang sarili sa hirap ng buhay dahil ika niya, “Sa isang iglap, pwedeng mawala ang lahat kaya kailangan kong masanay na wala ang lahat ng karangyaan sa aking buhay.”

Madalas talagang nababago ng pera ang ugali ng tao, nawa’y lagi nating isaisip, hindi sa pera umiikot ang mundo, kundi sa butihing puso.