Mahilig Magtabi ng mga Lumang Gamit ang Isang Ginang; ‘Di Kalaunan ay Nanghinayang Siya nang Masira Lamang ang Karamihan sa mga Ito

“Aurora saan mo dadalhin ‘yang baul?” tanong ni Soledad sa nakababata niyang kapatid.

“Itatapon ko na Ate,” tugon ni Aurora.

“Bakit naman? Hindi ba’t bigay ‘yan ni Itang sayo? Sayang naman. ‘Wag mo itapon. Kung ayaw mo na, akin na lang,” ang sabi ni Soledad.

“Sigurado ka ba, Ate? Hindi na ito kagandahan at medyo nasisira na,” ang sabi ni Aurora.

“Oo, ayos lang. Mapakikinabangan pa naman kahit paano. ‘Yung aparador at tokador nga ni Inang nakatabi pa sa akin hanggang ngayon,” ang sabi ni Soledad.

Nang dahil dun ay muling pinabalik sa kanilang mga kasambahay ang lumang baul sa loob ng bahay at inilipat ito sa bodega ni Soledad. Bukod rito ay mayroon pang ibang mga lumang gamit sa mga dapat na itatapon na ni Aurora ang hindi pinatapon ni Soledad gaya ng mga kahoy na silya, lamesa at mga damit.

Para kay Soledad, ang lahat ng ito ay maari pang pakinabangan kahit may mga sira na. Nais niya itong ipamana sa nag-iisa niyang anak na si Selena at sa mga magiging anak nito.

Habang para kay Aurora ay hindi praktikal na magtabi pa ng mga bagay na may sira na, lalo na kung mas mahal pa ang pagpapagawa nito. Ngunit dahil alam niya masentimental na tao ang kapatid at mahilig talaga itong magtabi ng mga kagamitan kahit noon pa man ay hinayaan niya na lamang ito.

Advertisement

Lumipas ang isang buwan at hindi man lamang nagalaw ni Soledad ang mga kagamitan na hindi niya ipinatapon. Ito ay nakatambak lamang sa bodega sapagkat hindi niya ito mabigyan ng panahon na asikasuhin gaya ng iba pang mga kagamitan doon.

Isang araw ay nakatanggap ng tawag si Soledad mula sa kaniyang anak.

“Nanay, miss na miss ko na po kayo kaya naman nagpaalam ako sa trabaho ko rito sa Canada na uuwi at magbabakasyon ako sa Pilipinas para sa nalalapit niyong kaarawan,” masayang ibinalita ni Selena.

Labis itong ikinatuwa ni Soledad kaya naman matapos silang mag-usap ay agad niyang ipinaayos at ipinahanda ang dating kwarto ng kaniyang anak sa kanilang mga kasamabahay.

Ilang oras ang nakalipas sa pag-aayos at paglilinis ng kwarto ni Selena ay lumapit ang isa sa mga kasambahay kay Soledad upang ipaalam na mayroong problema sa kwarto.

“Ate, pagbukas po namin ng aparador ni Selena ay mayroon na pong mga anay sa mga gamit niya. May butas na rin po ito sa dingding. Nang sinilip po namin ang katabing kwarto na ginawa nating bodega ay doon po namin nakita na sa lumang aparador at tokador nagmula ang anay. Nakita rin po namin na marami nang nadamay at nasirang mga gamit sa bodega,” ang sabi ng isang kasambahay.

Hindi makapaniwala si Soledad sa kaniyang narinig kaya naman pinuntahan niya agad ang kwarto ni Selena at ang kanilang bodega. Bigla siyang nanghina nang makita na grabe ang sirang naidulot ng mga anay sa mga inipon niyang muwebles, lalo na sa minana niyang aparador at tokadar mula sa kaniyang Inang.

Nang makita siya ni Aurora ay agad siyang nilapitan nito upang tulungang maibsan ang kalungkutan at panghihinayang nito.

Advertisement

“Ate, alam kong masakit sa kalooban mo ang nangyari ngunit wala na tayong magagawa para ibalik pa ang mga ‘yun sa dati,” ang sabi ni Aurora.

“Alam ko. Pero hindi ko talaga maiwasang malungkot sapagkat galing kina Inang at Itang ang mga muwebles. ‘Yung mga ‘yun na nga lang ang naiwan nilang alaala sa atin tapos ganito pa ang nangyari,” malungkot na pagkakasabi ni Soledad.

“Ate, hindi totoo ‘yan. Hindi ba’t iniwan din nila sa atin itong bahay? Ang bahay na ito ang naglalaman ng marami nating alaala kasama sina Inang at Itang. Mabuti nga at nalaman natin agad na mayroon ng anay sa atin bago pa tuluyang nasira ang bahay. Ang magagawa natin sa ngayon ay tanggalin ang mga nasirang muwebles, ipap*tay ang mga anay at ipaayos ang bahay na iniwan nila Inang at Itang,” pahayag ni Aurora.

Nang dahil sa mga sinabi ni Aurora ay naliwanagan si Soledad.

Matapos nilang mag-usap ay kumontak kaagad sila ng mga propesyonal na pupuksa sa mga anay. Itinapon na rin nila ang mga muwebles na nasira ng anay habang itinabi at inalagaan na ni Soledad ng maigi ang kakaunting muwebles gaya ng silya na nakaligtas mula sa mga anay.

Nang dahil sa matagal na proseso ang pagpuksa at pag-ubos sa mga anay ay inabutan na ito ni Selena sa kaniyang pag-uwi sa Pilipinas. At dahil hindi pa ayos ang kaniyang kwarto ay doon siya sa kwarto ng kaniyang ina nanatili. Ito ay naging magandang oportunidad para sa mag-ina na masulit at mas magkasma sa maiksing bakasyon ni Selena sa bansa.