Isang Hiling ang Inilatag ni Misis sa Babaerong Mister; Pagbigyan Naman Kaya Siya Nito?

“Hanggang kailan mo ba ipaglalaban ang pagsasama niyo? Hanggang kailan ka ba magtitiis sa pagiging babaero ng asawa mo?” tanong ni Mika, matalik na kaibigan ni Trina.

“Noong pinakasalan ko siya para sa negosyo namin ay pinakasalan ko na rin ang pagiging babaero niya. Kaya hindi ako magpapaapekto kahit ilang babae pa ang isabay niya sa akin. Ako pa rin ang legal na asawa, nasa akin ang huling alas,” matigas na sagot ni Trina sa babae.

“Matagal nang nalugi ang negosyo ninyo at pumanaw na rin ang mga magulang mo. Kaya kung ako sa’yo, iwan mo na siya. Wala nang pipigil o magagalit pa sa’yo!” saad naman ni Mika.

“Nakakatawa, ano? Parang nasa teleserye ang buhay ko, akala mo naman napakayaman namin e isang factory lang naman ang mayroon kami noon na tuluyang naglaho. Tapos ngayon, wala akong asawang matino, walang sariling pera, walang pamilya, walang anak kaya kung makikipaghiwalay ako sa kaniya. Anong mangyayari sa akin?” sagot naman ni Trina habang pinipigilan niya ang sarili na maiyak sa kaibigan.

“Ang matitira sa’yo ay dignidad,” baling ng kaibigan.

“Makakain ko ba ‘yun? Maipang-uupa ko ba sa renta ng bahay? Maipambibili ko ba ng mga damit at kung ano pa man? Ayos lang ako, Mika. Ang mahalaga, mag-asawa pa rin kami,” sagot naman kaagad ng babae sabay takip ng kaniyang mukha at doon siya palihim na umiyak.

Hindi na nagsalita pa si Mika dahil alam niyang napakahirap na ng sitwasyon ng kaniyang kaibigan sa pagkakaroon nito ng babaerong mister. Ilang beses man niyang pinagsabihan ito ay alam niyang hindi hihiwalay si Trina sa asawa nitong si Jasper.

“Ano, bakit ganiyan ang itsura mo? Kakauwi ko pa lang,” salubong ng lalaki ng makita niya si Trina na nakaabang sa kanilang pintuan.

Advertisement

“Hanggang kailan ka ba mambababae?” diretsong tanong ni Trina.

“E ikaw? Hanggang kailan ka mabubulok sa pagsasama na ito? Sabi ko naman kasi sa’yo, maghiwalay na tayo! Ayaw ko ng buhay may asawa, nakakasawa na!” sagot ni Jasper sa kaniya.

Hindi naging magkasintahan noon ang dalawa, ipinakasal lamang sila ng kanilang mga magulang para sa negosyo. Lubog sa utang ang pamilya ni Trina sa pamilya nila Jasper at naging pambayad utang ang pagiging asawa niya sa lalaki. Naging tagapamahala siya ng pabrika noon bago ito nalugi at nasunog. Nang mawala ang negosyo nila ay parang nawalan din ng saysay ang pagsasama nila. Naging kaliwa’t kanan ang pambababae ng mister niya na siya namang pikit matang tinatanggap na lamang ni Trina.

“Anakan mo ako,” biglang saad ni Trina sa asawa. Laking gulat naman ni Jasper sa kaniyang narinig.

“Nababaliw ka na talaga,” sagot ng mister niya.

“Gusto ko ng anak, kapag may anak na tayo ay magbabago na ang lahat sa atin. Maaayos pa natin ito,” matapang na saad nito.

“Ano bang pinagsasabi mo? Hindi mo ba nakikita? Napakababaero ko, paano kita mabibigyan ng anak? Paano ko kayo mabibigyan ng atensyon, sige nga?” batid ng lalaki sa kaniya.

“Gusto kong magkaroon ng saysay ang buhay ko at alam kong anak lamang ang magiging sagot sa hinahanap kong kasiyahan. Hindi ko man siguro nakakayanang ipaglaban ang sarili ko pero alam kong magiging matapang ako kapag may anak na ako. Kaya gusto kong magka-anak,” baling ni Trina sa asawa. Para sa kaniya, ito na ang huling alas niya para sa kanilang pagsasama. Baka anak ang kasagutan sa kanilang nabubulok na pagsasama.

Advertisement

“Bahala ka sa buhay mo! Lakas ng trip mo ngayon, makaalis na nga lang!” sagot ni Jasper sa kaniya saka siya lumabas muli.

Sakto namang habang naglalakad siya ay kagaad na tumawag ang kaniyang tatay.

“Jasper, kamusta kayo ni Trina? Huwag mo naman masyadong pahirapan ang asawa mo at magsawa ka na rin sana sa mga babae!” bungad nitong pahayag sa telepono.

“Talaga naman, e, kakaaway lang namin ngayon. Nababaliw na yata ang asawa ko,” natatawang sabi ng lalaki sa kanyang ama.

“Alam mo, Jasper, tayong mga lalaki, tatanda tayo at magiging mahina. Mawawalan ng dating at mawawalan ng pera, mawawala na rin ang hilig natin sa kama kaya naman sa huli pamilya pa rin ang uuwian natin. Mag-anak na kayo ni Trina, dahil kung walang anak ay parang kulang ang pagiging lalaki at alagaan mo naman ang asawa mo. Napakabuti niya sa’yo, sana nakikita mo iyon,” sabi ng kaniyang ama bago natapos ang kanilang pag-uusap.

Hindi maintindihan ni Jasper ang kaniyang naramdaman sa mga oras na iyon. Ito kasi ang unang pagkakataon na pinayuhan siya ng kaniyang ama at dahil doon ay mas nakita niya ang kabutihan ng kaniyang asawa. Parang isang pitik lamang ang nangyari at kumirot ang puso niya saka napagtantong itatrato na niya ng maayos ang misis.

Ngunit wala pa mang isang oras ang nakakalipas ay wala na si Trina sa kanilang bahay. Umalis na ang babae at nag-iwan na lamang ng sulat na nakikipaghiwalay na ito sa lalaki. Hinabol ni Jasper si Trina at nakipag-ayos ito na tumagal ng halos ilang buwan.

“Ayaw mo ba talaga akong bigyan pa ng isa pang pagkakataon?” pagmamakaawa ni Jasper sa babae.

Advertisement

“Noong sinabi ko sa’yo na gusto kong bigyan mo ako ng anak ay iyon na ang huling pagkakataong binigay ko sa sarili ko at sa relasyon natin. Tatlong taon, Jasper, tatlong taon akong naging bulag at pipi sa mga pambababae mo para lamang ingatan ko ang konsepto ng kasal natin. Pero tama nga ang lahat ng nasa paligid ko, oras na para mahalin ko naman ang sarili ko. Kaya ko na, Jasper. Kaya ko ng humarap sa mundo at sabihing hiwalay ako sa asawa ko at hindi iyon makakapagpababa sa pagkatao ko,” matigas na saad ni Trina sa kaniya.

Iyon na siguro ang pinakamasakit na nangyari kay Jasper, ang tuluyang mauntog ang misis niya sa katotohanan. Ngayon niya napatunayan na nasa huli ang pagsisisi at hindi na niya mabawi pa ang babae. Tuluyan na nga silang naghiwalay at hindi na nagkabalikan pa.

Habang si Trina naman ay unti-uniting bumabangon mag-isa kasama ng kaniyang mga kaibigan. Gusto niyang magsilbing inspirasyon sa mga kababaihan na hindi kailanman magiging sapat na dahilan ang pagsandal sa inyong asawa dahil sa takot na hindi niyo makakayanan na tumayo sa sarili ninyong mga paa. Natatakot kayong may masabi ang iba tungkol sa pagsuko mo sa inyong pagsasama.

Ang pera ay maaaring kitain kahit saan, ngunit ang pagpapahalaga sa sarili ay tanging ikaw lamang ang makakapagbigay nito. At ang pinakahuli’y ang pagkakaroon ng anak ay hindi dapat na ginagawang solusyon sa isang problema, sa halip ay ginagawa ito ng dalawang taong masayang nagsasama at nagmamahal ng totoo sa isa’t isa. Pag-ibig at pamilya ang dapat nating ipamana sa anghel na ibibigay sa atin ng Maykapal.