Kinuntsaba Niya ang Kapatid sa Pandaraya upang Manalo; Pahiya Siya nang Hindi Umubra ang Kanyang Estilo sa Ikalawang Pagkakataon

Mayabang na ngumisi si Kisha nang marinig ang matinis na tilian at pagbati ng mga kaklase.

“Congrats, Kisha! Ang galing galing mo naman! Nakita namin yung istorya na sinulat mo, grabe, parang professional ang sumulat! Manang-mana ka talaga sa ate at mommy mo!” papuri ni Ella, ang kanilang class president. 

Humagikhik naman si Kisha. Tama kasi ito, pawang magagaling na manunulat ang kanyang ate at mommy.

“Oh ‘di ba, sabi ko naman sa inyo, hindi lang ako maganda, talented din ako!” taas kilay na sagot ni Kisha habang maarteng pinaikot ang kaniyang hintuturo sa dulo ng kaniyang buhok. 

Mayabang niyang ibinandera ang tropeyo na napanalunan.

Muling napangisi si Kisha nang bumulong sa kanya ang isa sa mga kaibigan. “Akala siguro ni Amy siya na naman ang mananalo sa kompetisyon. Sorry na lang siya.”

Mayabang na nagtawanan ang magkaibigan bago pinukol ng nang-aasar na ngiti ang kaklaseng tahimik na nakayuko sa kaniyang upuan.

Pag-uwi ni Kisha sa bahay, kagaya ng inaasahan, ay sinalubong siya ng kaniyang mommy, daddy, at ng kaniyang ate ng mahigpit na yakap. 

Advertisement

“Congratulations, anak! We are so proud of you!” tuwang-tuwang wika ng kanyang ina. 

Isang makahulugang tingin naman ang kaniyang ipinukol sa kaniyang ate.

Masaya silang nagdiwang ng kaniyang pagkapanalo.

Matapos ang kanilang selebrasyon ay matutulog na si Kisha nang may kumatok sa kanyang pinto.

“Kish, si Ate Dess mo ‘to, pwede ba ako pumasok?”

“Sure, ate!”

Pagpasok ng ate niya sa kwarto ay mahigpit niya itong niyakap.

“Thank you sa pagtulong mo sa akin, ate. Nakita mo ba sila mommy at daddy? Proud na proud sila sa akin!” maligayang wika niya sa kapatid.

Advertisement

“Oo nga, sis. Secret lang natin ‘yun ha? Magagalit sila mommy ‘pag nalaman nilang ako ang gumawa ng entry mo sa competition. Kaya ngayon, i-improve mo na ang writing skills mo para sa susunod, talent mo na talaga ang magpapanalo sa’yo,” mahabang pangaral ng kanyang ate.  

“Oo naman, ate! Pero thank you talaga. Ngayon mas mataas na ang tingin nila sa akin dahil alam na nila na may talent din ako,” nakangiting wika niya sa kapatid.

‘Yun ang pinakatatago tagong lihim ni Kisha. Nanalo siya sa kompetisyon ngunit hindi siya ang tunay na nagwagi dahil nandaya siya.

Ngunit siguro ay wala talagang lihim ang hindi naibubunyag. Dahil makalipas ang ilang araw ay ipinatawag si Kisha ng kanilang guro.

“Ma’am, bakit po?” kinakabahang tanong ni Kisha sa guro niyang mataman na nakatitig sa istoryang nagpanalo sa kanya sa kompetisyon.

Maluwang na ngiti ang isinukli sa kanya ng guro.

“Napakaganda ng istorya na isinulat mo! Isasali kita sa writing competition sa susunod na buwan. Napakalaki ng tiyansa natin na manalo!” excited na wika ng kanyang guro.

Namutla si Kisha sa narinig.

Advertisement

“P-po? Naku, wala po akong oras sumali, dahil madami po akong gagawing projects,” pagdadahilan ni Kisha.

“‘Wag kang mag-aalala, nakausap ko na ang ibang teachers at willing naman silang magbigay ng palugit kung sakaling sasali ka. Nakausap ko na din ang mga magulang mo at excited sila!”

Tuluyan nang hindi nakatanggi si Kisha sa guro.

“Kailan ko po ipapasa ang isinulat ko?” usisa ni Kisha.

“Sa mismong sa araw ng kompetisyon kayo susulat. Dito masusukat ang pagiging creative niyo bilang isang manunulat!”

Halos mahimatay si Kisha sa sinabi ng guro. Paano niya mapapanindigan ang kasinungalingan?

“Ma’am, hindi po ba pwedeng si Amy na lang ang isali natin? Siya naman po talaga ang isinasali natin sa mga ganito, hindi po ba?” pilit na kumbinsi niya sa guro.

“Kasali na din si Amy, Kisha. Bale dalawa kayong sasali, para mas malaki ang tiyansa ng school natin na manalo,” paliwanag ng guro.

Advertisement

Problemado si Kisha nang makauwi nang araw na iyon.

“Kish, may nangyari ba? Parang malungkot ka?” nag-aalalang tanong ng kanyang Ate Dess.

Inilahad niya sa kapatid ang mga pangyayari.

“Naku, Kish. Mahirap ‘yan. Tanggihan mo na lang, hindi ka pa ready sumabak sa kompetisyon,’ naiiling na wika ng kanyang ate.

“Kaso ate, sinabi na ni Ma’am Mara sa parents natin at mukhang excited sila. Ayoko naman na ma-disappoint sila sa akin,” nagpapaawang wika ni Kisha sa kapatid.

“Pero mas madi-disappoint sila kapag nalaman nila ang totoo. Kaya itigil mo na ‘yan, Kisha.”

“Ate, last na talaga ‘to. Tulungan mo ulit ako. After nito, hinding-hindi na ako uulit,” pagmamakaawa niya sa kapatid. Alam niya kasing hindi siya nito matitiis. 

“Paano ‘yan? Delikado ‘to, kasi pwede kang mahuli na nandaraya.” Hindi pa rin kumbinsido ang ate niya.

Advertisement

“Hindi ‘yan, ate. Magiging maingat ako.”

Isang magandang istorya na naman ang isinulat ni Dess para sa kapatid na si Kisha. Dahil isang magaling na manunulat, talaga namang hangan- hanga si Kisha sa talento ng kaniyang ate.

“Ate, ang ganda naman ng istoryang ito!” maluwang ang ngiting wika ni Kisha sa kapatid matapos magbasa.

“Naku, inuto mo pa ako!” pabirong inirapan ni Dess ang kapatid.

“Hindi, ate, seryoso ako! Malaki ang tiyansa natin na manalo.”

Isinilid niya sa isang envelope ang isinulat ng ate niya. ‘Yun ang gagamitin niya sa araw ng kompetisyon.

Dumating ang araw ng kompetisyon. Kabado si Kisha habang papunta sa venue. Sa sobrang kaba ay hindi niya na namalayan na nahulog mula sa kaniyang bag ang envelope na kinalalagyan ng istorya na isinulat ng kaniyang kapatid. 

Mabuti na lamang at pinalakas ng ama ang kaniyang loob. 

Advertisement

“Kayang-kaya mo ‘yan, anak, we believe in you!”

Ilang minuto na lamang at magsisimula na ang kompetisyon. Ibinuhos ni Kisha ang laman ng kaniyang bag sa lamesa subalit bigo siyang mahanap ang envelope. 

Hindi malaman ni Kisha ang gagawin. Lalo pa’t narinig niya ang hudyat na maari na silang magsimula sa pagsulat.

“Bahala na,” tulirong wika ni Kisha bago nagsimulang magsulat.

Kagaya ng inaasahan, hindi nagwagi si Kisha. Wala raw kasing kakaiba sa sinulat niya. Nagulat pa ang kaniyang guro dahil tila ibang tao raw ang sumulat ng istorya na ginawa niya. 

Mabuti na lamang at si Amy ang nanalo kaya naman ang school pa rin nila ang pinarangalan.

Hiyang-hiya si Kisha sa guro at sa mga kaeskwela na dismayado sa nangyari. 

Ngunit pinaka-nahihiya siya sa kaniyang mga magulang. Pag-uwi niya kasi ay nakita niya ang seryosong ekspresyon ng kaniyang magulang kasama ang ate niyang nakayuko. 

Advertisement

Sa lamesa ay nakita niya ang envelope na nalaglag mula sa kaniyang bag.

“Dismayado kami ng daddy mo sa inyong magkapatid. Hindi ko alam kung bakit kailangan niyong magsinungaling sa amin,” matigas na wika ng kanilang ina. Bakas sa mukha nito ang matinding pagkadismaya.

“Wala naman sa amin kahit hindi ka magaling sa anumang bagay, Kisha. Pero ibang usapan na ‘yung mandaya ka dahil hindi ka naman pinalaking ganiyan ng mommy mo. At ikaw naman Dess, talagang kinunsinti mo pa ang kapatid mo.” Dagdag sermon ng kanilang ama. 

Hiyang-hiya naman ang magkapatid na humingi ng tawad sa kanilang mga magulang. Matapos ang dibdibang pangangaral, napatawad naman sila ng magulang sa pangakong hindi na nila uulitin pa ang ginawang kalokohan.

Natutunan naman ni Kisha na kailanman ay hindi tunay na nanalo ang sinumang nandaya.