Inday TrendingInday Trending
Sa Tingin ng Ginang ay Inaakit ng Kasambahay ang Kaniyang Asawa; Nagulat Siya sa Nakita nang Magpakabit Siya ng CCTV

Sa Tingin ng Ginang ay Inaakit ng Kasambahay ang Kaniyang Asawa; Nagulat Siya sa Nakita nang Magpakabit Siya ng CCTV

“Bakit parang dalawang araw ko nang hindi nakikita si Yaya Brenda? Umuwi ba siya sa probinsiya?” tanong ni Raul sa kaniyang asawang si Fe.

“Nakalimutan kong sabihin sa’yo, mahal. Oo, umuwi muna ng probinsiya para raw makapagpahinga pero magpapadala raw siya ng kapalit dito. Pamangkin ata niya,” tugon ng misis sa kaniyang mister.

“Kailan daw darating ang kapalit, Fe? Baka mamaya ay hindi marunong sa bahay ang ipadalang kapalit ni Yaya Brenda. Ayaw kong sumakit ang ulo ko dahil sa hindi maganda ang pag-aasikaso rito sa bahay,” wika muli ng ginoo.

“H’wag kang mag-alala at may tiwala akon kay Yaya Brenda. Saka hayaan na muna nating magpahinga si yaya. Nagkaka-edad na rin. Saka baka namimiss niya ang mga apo niya. Siguro bukas ay narito na ang kapalit niya,” tugon naman ni Fe.

“Sana ay kasing sarap ni Yaya Brenda magluto ang kapalit niya. Kung hindi ay agad kong papabalikin si yaya,” sambit ni Raul.

Halos tatlumpung taon na kasi ang kasambahay na si Brenda sa kanilang pamilya. Dahil sa tagal niyang naninilbihan sa mga ito ay kabisado na niya ang mga kailangang gawin sa bahay at buhay ng mag-asawa. Lalo na at wala na sa kanilang poder ang kanilang mga anak na may sari-sarili na ring mga pamilya.

Ngunit dahil matanda na ay nais ni Brenda na panandaliang umuwi sa kanilang probinsiya upang makapagpahinga at makapiling ang kaniyang mga anak at apo. Dahil dito ay ipinadala niyang kapalit niya ang pamangkin si Tessa. Siya muna ang maninilbihan sa mag-asawa hanggang sa bumuti na ang pakiramdam ng matanda.

Kinaumagahan ay dumating na sa kanilang bahay ang dalaga. Laking gulat ni Fe na bata pa ang ipinadalang kapalit ng kanilang Yaya Brenda.

“Ilang taon ka na ba, iha?” tanong ng ginang sa dalaga.

“Bente-uno na po ako, ma’am,” matipid nitong sagot.

“Sigurado ka bang kaya mo ang mga gawain dito sa bahay? Marunong ka ba magluto, maglaba at kung anu-ano pa?” tanong ni Fe.

“H’wag po kayong mag-alala, ibinilin na po ni Tiya Brenda ang mga kailangan kong gawin. Makakaasa po kayong hindi po kayo magkakaproblema sa akin. Siguro po ay may mga bagay lang pong hindi ako kabisado dito sa bahay, doon po ako hihingi ng kaunting pang-unawa sa inyo. Pero sa mga gawaing bahay ay kayang-kaya ko po,” mariing tugon ni Tessa.

Nakahinga na ng maluwag si Fe. Ayaw kasi niyang magkaroon sila ng problema ng kaniyang asawa lalo pa at abala itong tao. Ayaw din nito ng palaging nagkakamali at marumi sa bahay.

Kinagabihan, pag-uwi ni Raul galing opisina ay laking gulat niya nang madatnan ang dalagang si Tessa.

Una pa lamang masilayan ni Raul ang dalaga ay nabighani na siya kaagad dito. Lalo na kung ikukumpara mo ang dalaga sa kaniyang asawang si Fe na may edad na rin. Makinis ang balat nito at makurba ang katawan. Kung titingnan nga ay hindi mo ito mapagkakamalang isang kasambahay. Napakainosente ng maamong mukha nito.

“Nais mo bang mag-aral? O ‘di naman kaya ay bagong gamit,” tanong ni Raul sa kasambahay.

“Naku, sir. Wala po akong ibang gusto kung hindi makapagtapos ng pag-aaral. Kaya nga po ako narito ay upang makaipon kahit paano,” tugon ni Tessa.

“May mas madali akong paraan na sasabihin sa iyo para maabot mo ang pangarap mo,” wika ni Raul sa inosenteng dalaga.

Maya-maya ay bigla na lamang dumating si Fe. Agad na iniba ni Raul ang usapan.

“Basta dalhan mo na ako ng kape. Sinabi ko na sa iyo kung paano ang gusto ko,” sambit ng ginoo.

Ngunit kinukutuban na si Fe. Lalo na sa paglipas ng mga araw ay nakikita niya ang madalas na pag-aasikaso ni Tessa sa kaniyang asawa. Dahil dito ay pinaghinalaan niya ang dalaga na inaakit si Raul. Nang tanungin naman niya ang mister ay todo tanggi ito.

“Anong masamang hangin ang pumasok sa utak mo, Fe, para pag-isipan ako ng hindi maganda?” saad ng ginoo.

“Mabuti na ang malinaw, Raul! Ayokong niloloko ako!” galit na sambit ni Fe.

“Minsan ay nilalapitan ako ni Tessa pero wala lang iyon. At kung nagpapahiwatig naman siya ay hindi ko naman ito iniintindi,” giit pa ni Raul.

“Siguraduhin mo, Raul. Ayokong masira ang pamilya natin dahil lang sa ibang babae,” saad muli ng ginang.

Ngunit kahit ano pa ang sabihin sa kaniya ng asawa ay hindi kumbinsido si Fe. Kaya upang mapatunayan na hindi inaakit ni Tessa ang asawa ay nagpakabit siya ng CCTV lingid sa kaalaman ng lahat.

Pinanood ni Fe ang lahat ng kilos ni Tessa. Nakita niyang nagtimpla ng kape ang dalaga at dinala niya ito kay Raul na nasa opisina nito sa kanilang bahay. Nakapagtataka ang sabik ni ngiti ng dalaga. Habang pinapanood ito ni Fe ay halos hindi na niya mapigilan ang kaniyang sarili sa galit.

Ngunit lalong nanginig ang kaniyang laman nang makita si Raul na sinunggaban ang dalaga at tila hahalikan ito. Pupunta na sana sa silid ang ginang upang kumprontahin ang dalawa dahil sa panloloko ng mga ito sa kaniya nang biglang nakita niyang itinulak ni Tessa ang kaniyang asawa at agad tumakbo palabas ng silid.

Agad niyang sinalubong ang dalaga at nakita niya itong umiiyak at akmang pupunta ng silid upang magbalut-balot na ng kaniyang mga damit.

“Anong dahilan mo, Tessa?” tanong ni Fe sa dalaga.

“Nagpunta po ako rito para magtrabaho, ma’am, para po sana makaipon ng kaunti para maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral. Si Sir Raul po sinabihan po niya ako ng may madaling paraan para makapag-aral ako ngunit bigla kayong dumating at hindi na niya tinapos ang kaniyang sasabihin. Gusto ko po sana siya muling makausap para malaman ko ang kasagutan ngunit bigla na lamang po niya akong niyakap at tangkang hahalikan mabuti na lamang po ay nakaiwas ako kagaad,” walang patid sa pag-iyak ang dalaga.

“Hindi po ito ang pinunta ko dito, ma’am!” umiiyak pa nitong wika.

Nang kumprontahin ni Fe ang asawa tungkol sa sinabi ng dalaga ay agad itong tumanggi at sinabing siya ang inaakit nito. Laking gulat ni Raul nang ipakita ni Fe ang bidyo na kuha ng CCTV — isang ebidensiya na hindi niya maitatanggi.

Lubusan ang galit na naramdaman ni Fe dahil sa pagtataksil ng asawa. Lubos din ang paghingi niya ng kapatawaran sa dalaga dahil sa pag-iisip niya ng masama laban dito. Mabuti na lamang at may CCTV na nakakuha ng tunay na pangyayari.

Dahil sa pangyayari ay nagkaroon na ng lamat ang pagsasama ng mag-asawa. Pinipilit na ibalik ni Raul ang tiwala sa kaniya ni Fe. Samantala, umuwi na sa probinsiya si Tessa at doon na lamang naghanapbuhay upang may maipangtustos sa kaniyang pag-aaral.

Advertisement