
Nagpanggap na Yaya ang Isang Ina sa Anak na Kaniyang Inabandona; Ito ang Nangyari nang Magkaalaman ng Katotohanan
Lumuwas ng Maynila si Mildred para maghanapbuhay upang makatulong sa kaniyang ina sa pagtaguyod sa kanilang pamilya. Tanging siya na lang kasi ang maaasahan ng mga ito sapagkat nakakulong ang kaniyang ama.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nabuntis ang dalaga at hindi ito pinanagutan ng lalaki. Labis ang kaniyang kalungkutan. Itinago niya ang kalagayan sa kaniyang mga magulang hanggang sa siya ay nanganak.
“Anong balak mo sa batang iyan, Mildred?” tanong ng kapwa kasambahay na si Gemma.
“Hindi ko rin alam. Pero hindi ko na lamang siya basta p’wede iuwi sa amin. Ikakagulat ito ng nanay ko at baka atakihin pa iyon sa puso,” saad ng dalaga.
Labis na nag-isip si Mildred sa kaniyang gagawin sa anak. Hanggang sa naisip niya ang nakwento dati sa kaniya ng isang kapwa kasambahay na nakasabay nilang magsimba noon. Nananalangin daw ang kaniyang mga amo na sana ay magkaanak sila sapagkat may edad na rin ang babae nang ikasal ito sa kaniyang asawa.
Agad niyang tinuton ang nasabing bahay. At doon sa tapat ng malaking bahay na iyon ay inilagay niya ang kaniyang anak. Nagtago siya sa hindi kalayuan at sinigurado na matatagpuan muna ang bata ng mag-asawa.
Masakit man para sa inang ito ay wala siyang magagawa. Hindi niya kayang bigyan ng maayos at disenteng buhay ang kaniyang anak.
Nang matagpuan na ang bata ng nasabing mag-asawa ay lumuluhang lumisan na si Mildred. Alam niyang mas may magandang kinabukasan ito sa mag-asawa kaysa sa kaniyang piling.
Lumipas ang nga taon at walang oras na hindi inisip ni Mildred ang ipinamigay na anak. Nagsisisi siya sapagkat alam niyang mali ang kaniyang ginawa ngunit hindi na niya mababawi pa ang anak sa mga kumupkop dito.
Dahil sa pangungulila ay nagpasya siyang mamasukan bilang isang yaya sa sarili niyang anak.
“Kaisa-isang anak namin si Sophia. Sana ay pangalagaan mo siya at mahalin. H’wag mong hayaang masaktan siya,” saad ng among babae na si Gng. Socorro.
“Makakaasa po kayo. Ituturing ko po siyang parang sarili kong anak. Wala po kayong magiging problema sa akin,” sambit ni Mildred sa amo.
Halos maluha si Mildred nang sa wakas ay nasilayan na niya ang kaniyang anak. Hindi man niya magawang mayakap ito sa pagkakataong iyon ay alam niyang simula na ito upang maiparamdam sa anak ang kaniyang pagmamahal.
Inalagaan ni Mildred ang batang si Sophia nang buong puso na tila ba kalalabas lamang nito sa kaniyang sinapupunan. Binawi niya ang lahat ng mga sandaling hindi niya nakasama ang anak. Napansin ni Gng. Socorro ang pagtingin na ito ni Mildred sa kanilang anak kaya hindi na niya maiwasan na aminin ang totoo dito.
“Nakakatuwa kayong pagmasdan, parang bang alam na alam mo kung paano siya aalagaan. Samantalang ako ay hindi alam paano magpakain sa kaniya. Matagal kong hiniling na magkaroon ng anak ngunit hindi pala talaga madali na maging isang ina,” wika ng amo.
“M-mabuting bata naman po kasi si Sophia kaya hindi po siya mahirap alagaan at mahalin,” tugon ni Mildred.
“Ngunit paano mo nagagawa na parang natural lamang sa iyo? Alam mo kasi ang katotohanan, hindi namin tunay na anak ng asawa ko si Sophia. Natagpuan lamang namin siya sa labas ng aming bahay. Alam naming siya na ang matagal na naming hinihingi sa Panginoon. Araw-araw akong nangangamba na baka isang araw ay kunin siya sa amin ng tunay niyang magulang at ‘di na makita pa nang tuluyan,” pahayag ni Socorro.
Natigilan si Mildred sa sinabi ng amo. Sa pagkakataong ito sana niya na aaminin ang tunay niyang pagkatao ngunit dahil sa ipinahiwatig ni Gng. Socorro ay hindi niya kayang isiwalat ang katotohanan. Talagang napamahal na pala ang bata sa kanila.
Sa isang banda ay lumuwag din ang pakiramdam ni Mildred dahil alam niyang ligtas na ang kinabukasan ng kaniyang anak sa mag-asawang ito. Isang seguridad na hinding-hindi kayang ibigay ng tunay na ina.
Ang hindi nila namalayan ay habang sila’y nag-uusap ay nakalabas na pala ng gate ang batang si Sophia. Paglingon nila ay may paparating na mabilis na sasakyan. Napasigaw na lamang si Socorro sa kapahamakang maaaring mangyari ngunit mabilis na tumakbo si Mildred at iniligtas ang bata.
Iniiwas niya ang bata sa rumaragsang sasakyang nawalan ng preno dahilan upang siya ang masagasaan nito.
Laking gulat ni Socorro nang makita ang mga pangyayari. Paanong ang isang yaya lamang na kagaya ni Mildred ay handang ipusta ang buhay para sa kaniyang anak.
“Mildred! Mildred!” sigaw ni Socorro papalapit sa duguang katawan ng yaya.
“Mildred, dadalhin ka namin sa ospital. Tibayan mo lang ang loob mo,” natatarantang sambit ng amo.
“Ma’am, h’wag na po. Ramdam ko pong hindi na magtatagal ang buhay ko. Nais ko lamang po sanang ibilin sa inyo si S-Sophia. A-ako po ang tunay niyang ina. P-pasensiya na po k-kung itinago ko po sa inyo,” nahihirapan nang sambit ni Mildred.
“Isa lang po ang tanging kahilingan ko. Sana ay hindi niyo siya pabayaan. Kahit hindi niya po malaman na ako ang tunay niyang ina, ipaalam po ninyo sa kaniya na walang sandali na hindi ko hinangad ang maganda niyang kinabukasan. Mahal na mahal ko siya,” doon na binawian ng buhay ang kasambahay.
Naging malinaw na ang lahat kay Socorro. Kaya pala ganoon na lamang ang pagtingin ni Mildred kay Sophia ay sapagkat ito pala ang tunay na ina ng bata.
Laking pasasalamat ng ginang na sa kaniya ipinagkatiwala ni Mildred ang kaniyang anak. Nangako silang mag-asawa na ibibigay ang pinakamagandang buhay na kaya nilang ibigay. Hindi man nakilala ni Sophia nang personal si Mildred ay hindi ipinagdamot ni Socorro ang tunay na katauhan ng kaniyang tunay na ina.