
Lubusan ang Inis ng Isang Binata sa Lolong Nagpupulot ng Kalakal; Hindi Niya Akalaing Ito pala ang Nais ng Matanda
Gabing-gabi na at pagod na pagod na si Bernard ngunit hindi pa rin siya nakakauwi ng kanilang bahay dahil hanggang sa mga oras na iyon ay wala pa rin siyang masakyan. Mula kasi sa Bulacan ay bumibiyahe pa paluwas ng Maynila ang binata upang magtrabaho.
Siya na lang kasi ang inaasahan ng kaniyang dalawang nakababatang kapatid at kaniyang lolo. Maaga kasing naulila ang magkakapatid nang sunud na sumakabilang buhay ang kanilang mga magulang dahil sa malubhang karamdaman.
May dumating na sasakyan ngunit puno na. Dahil sa pag-aasam ni Bernard na makauwi na ay agad niya itong hinabol. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nasira ang swelas ng sapatos ng binata at hindi na siya nakahabol pa sa sasakyan.
“Pambihira naman! Kadikit ko na ata talaga ang kamalasan!” saad nito sa kaniyang sarili habang pinupulot niya ang swelas ng kaniyang sapatos.
“Wala pa naman akong ekstrang pambili. Ngayon ka pa talaga nasira!” wika pa niya.
Isang oras pa ang lumipas at nakasakay rin pauwi si Bernard. Ngunit pagdating niya sa kanilang bahay ay imbis na magpahinga ay problema ang bumungad sa kaniya.
“Kuya, kanina pa namin hindi makita si Lolo Emong,” bungad ng kapatid na si Glen.
“Bakit hindi niyo binantayan? Alam niyo namang mahina na ang memorya ng lolo natin. Diyos ko, saan natin siya hahanapin ngayon?” nanghihinang sambit ng binata.
“Pasensiya ka na, kuya. Pag-uwi kasi namin galing eskwela ay narito lang siya sa tapat. Nagluto si Celine ng hapunan at ako nama’y abala sa proyekto sa paaralan. Hindi na namin napansin na umalis siya,” pahayag ng binata.
Habang namomroblema sila kung saan magsisimulang maghanap ay biglang dumating ang kanilang lolo na may dala-dalang sako.
“Saan kayo galing, lo? Gabing-gabi na. Pinag-aalala niyo naman kami, e!” sigaw ni Bernard sa matanda.
“Galing ako sa labas. Ito may mga uwi akong mga bote. Naisipan ko kasi na mangalakal,” tugon ni Lolo Emong.
“Mangalakal? Anong trip niyo, lo? Hindi niyo kailangan na gawin ‘yan! Kaya nga ako nagtatrabaho, e! Ano na lamang ang sasabihin ng ibang tao kapag nakita kayo na namumulot ng basura?” galit pang sambit ng apo.
“Pabayaan mo sila. Wala akong pakialam sa sasabihin nila,” tugon ng matanda.
“Kuya, tama na ‘yan. H’wag mo nang pagalitan si lolo. Magpasalamat na lamang tayo at nakauwi siya,” wika ni Glen.
“Oo nga, kuya. Tingin ko ay pagod na pagod ka, kumain ka na muna,” paanyaya ni Celine.
Pagkatapos maghapunan ay agad idinikit ni Bernard ang swelas ng kaniyang sapatos upang may magamit siya muli kinabusakan.
Muli niyang ibinilin sa mga kapatid ang kanilang lolo na tignan ito. Ngunit pag-uwi na naman ng binata galing sa trabaho ay hindi na naman nila matagpuan ang matanda. Umikot sila sa kanilang baranggay nang may nakapagturo na naroon daw sa kabilang eskinita at nagbubungkal ng mga basura.
“Tumatanda na ata talaga ang lolo, kuya. Baka nag-uulyanin na siya,” saad ni Glen sa kapatid.
“Ano kaya ang kailangan nating gawin sa kaniya? Hindi naman ako pwedeng lumiban sa trabaho at kakapusin tayo sa panggastos,” tugon ni Bernard.
Nang makita nila ang kanilang Lolo Emong ay dala na naman nito ang kaniyang sako na punung-puno ng kalakal.
Agad nila itong iniuwi ng bahay.
“Lo, h’wag naman matigas ang ulo niyo. Ilang beses ko bang sasabihin na hindi niyo kailangang gawin ‘yan? Parang-awa niyo na. Ang dami ko nang iniisip, h’wag na kayong dumagdag pa! Huling beses na ito, lo!” galit na sambit ni Bernard sa matanda.
“P-pero may kailangan kasi–” sasagot sana ang matanda ngunit muling nagsalita si Bernard.
“Tama na, lo! H’wag na kayong mangangalkal ng basura. Parang awa niyo naman na! Hindi ko na kaya pa ang isang problema. Manatili na lang kayo sa bahay!” sambit muli ng binata.
Ngunit matigas ang ulo ni Lolo Emong. Kahit na pinagsabihan siya ng kaniyang apo ay patuloy pa rin ito sa pag-alis at pangangalakal.
Isang araw ay napuno na si Bernard at kinumpronta na ang matanda.
“Lo, pinag-uusapan na tayo ng mga kapitbahay dahil sa ginagawa niyo. Ang akala nila ay kinakawawa ko kayo at hinahayaan na mamasura,” sita niya sa matanda.
“Sinabi nang wala akong pakialam sa sasabihin nila. Gusto ang ginagawa ko at walang masama sa pangangalakal,” tugon ni Lolo Emong.
“Tama na, lo! Napupuno na ako sa katigasan ng ulo niyo! Ginagawa ko naman ang lahat para maibigay ang pangangailangan niyo rito sa bahay. Ano pa ba ang kulang?!” naiinis na pahayag ng binata.
“Oo nga. Ibinibigay mo ang lahat ng pangangailangan namin ngunit may isa kang nalikimutan. Nakakalimutan mo na bigyan din ang sarili mo,” tugon ng matanda.
“Kaya heto, apo, binilhan kita ng bagong sapatos. Nakita ko kasi kung ilang beses mo nang ginagawa ang sapatos mong iyan. Nais ko namang maramdaman mo na sa kabila ng pagod mo ay inaalala ka rin namin. Wala akong pera kasi, apo, para mabilhan ka kaagad ng sapatos kaya nagawa kong mangalakal. Hindi ko ito ikinakahiya sapagkat para ito sa apo kong ginagawa rin ang lahat upang maibigay ang pangangailangan namin,” sambit pa ng lolo.
Nabigla si Bernard sa dahilan ng kaniyang Lolo Emong. Hindi niya akalain na ito pala ang dahilan ng matanda sa patuloy niyang pagsuway sa apo. Hindi na niya napigilan pang maluha lalo nang makita ang sapatos na regalo sa kaniya ng kaniyang lolo.
“Hindi niyo po kailangang gawin ito, lo. Pero maraming maraming salamat po. Pasensiya na po kayo sa mga masasakit na nasabi ko. Patawarin po ninyo ako,” patuloy sa pagluha ang binata.
Niyakap na lamang ni Lolo Emong ang kaniyang apo.
“Alam ko nag-aalala ka lang sa akin. Maraming salamat sa pagtingin at pagmamahal mo, apo. Pasensiya na sa kakulitan ng lolo na ito,” tugon ng matanda.
Sa wakas ay mapapalitan na ng binata ang kaniyang sirang sapatos. Agad na sinukat ni Bernard ang regalo sa kaniya ng kaniyang Lolo Emong. Hindi man ito mamahalin ay sa kaniyang pagsuot ng pares ng sapatos na ito ay ramdam niya ang pagmamahal na kalakip ng munting regalo.