
Nais nang Pakasalan ng Binatang ito ang Bagong Nobya, Ipinakilala niya ito sa Kaniyang Kapatid at Labis Siyang Nabigla sa Nalaman
“Grabe, mahal, iba talaga ‘tong nararamdaman ko para sa’yo. Sa sobrang pagmamahal na nararamdaman ko ngayon, para bang gusto na agad kitang pakasalanan!” sambit ni Miko sa bagong kasintahan, isang araw habang sila’y nagkakape sa isang coffee shop.
“Naku, wala pa nga tayong isang buwan, eh, ikaw talaga! Ni hindi mo pa nga alam kung paano ako magalit, eh. Hindi mo pa rin ako nakikitang maging malungkot,” tugon ng kaniyang nobyang si Mary.
“Kahit na, pakiramdam ko, ilang taon na kitang kasama! Hindi na ako makapaghintay na idugtong ang apelido ko sa pangalan mo. Pakinggan mo, ha? Mary Jose- Lito, bagay na bagay, hindi ba?” masigla niyang wika habang iniisip ang magiging kasal nila.
“Oo naman, wala nang mas babagay pa sa pangalan ko kung hindi ang apelido mo!” dagdag nito dahilan upang siya’y matuwa.
“Pakasal na tayo? Sigurado naman akong magugustuhan ka ng kapatid ko, puro pagmamahal ang binibigay mo sa akin, eh!” bigla niyang tanong sa kasintahan dahilan upang masamid ito.
“Ipakilala mo muna ako sa kapatid mo, para malaman natin kung gusto niya ba talaga ako, baka giyerahin ako no’n kapag umiyak ka, eh! Saka tayo pumunta sa bahay namin,” sambit nito sabay kindat sa kaniya.
“Sigurado nga ako na magugustuhan ka ng kapatid ko, ano, pakasalan na tayo ngayon?” biro niya saka mahigpit na hinawakan ang kamay nito dahilan upang sila’y magtawanan.
“Loko ka talaga, Miko!” wika nito habang siya’y hinahampas-hampas, hindi nila alintana ang dami ng taong nakakapansin sa ingay na nagagawa nila sa loob ng naturang coffee shop dahil ang mahalaga sa kanila ngayong pagkakataon ay ang sarili nilang kaligayahan.
Maraming babae na ang dumating sa buhay ng binatang si Miko at halos lahat ng mga ito, kung hindi siya hinihiwalayan dahil sa maraming dahilan, bigla na lang hindi nagpaparamdan sa kaniya. Laking pasasalamat niya na lang na may bunso siyang kapatid na palaging nasasandalan tuwing nasasaktan.
Ito kasi ang siyang palaging nagtatanggol sa kaniya sa mga babaeng nanghuhuthot lang sa kaniya dahilan upang labis niya itong mahalin. Babae man ito at may sarili ng kasintahan, hindi ito naging hadlang upang malayo ang loob nila sa isa’t-isa.
May pagkakataon pa ngang humagulgol siya sa balikat nito nang iwan siya ng nobya niya noon dahil lang sa mga tigyawat na mayroon siya noong mga pagkakataong iyon at sa sobrang galit nito inabangan nito ang naturang dalagang nag-aaral din sa kolehiyong pinapasukan nito at binuhusan ito ng tubig mula sa imburnal. Ika nito, “Ang lakas ng loob mong saktan at iwan ang kuya ko dahil lang sa tigyawat niya, eh, ikaw nga, kahit amoy imburnal ang bunganga mo, nagkaroon siya ng lakas ng loob na ipakilala ka sa’kin!” dahilan upang kahit papaano, umalwan ang nararamdaman niya noon.
Isa ito sa mga dahilan upang ibigay niya lahat ng gusto nito bilang kapalit sa ginagawa nito para sa kaniya. ‘Ika niya, “Sinasakripisyo niya ang dignidad at pag-aaral niya para sa akin, dapat bilang kuya, magsakripisyo rin ako kahit papaano.”
At ngayong muli siyang nakatagpo ng dalagang pakiramdam niya’y mahal talaga siya, agad siyang nagpasiyang ipakilala ito sa kapatid niya.
Noong araw na ‘yon, matapos nilang magkape ng kaniyang kasintahan, agad silang dumiretso sa kanilang bahay. Nadatnan nilang abala sa pagdidilig ng halaman ang kaniyang kapatid dahilan upang gulatin niya ito.
Ngunit imbis na ito ang magulat, siya pa ang nagulat sa sinabi nito.
“O, Ate Mary, bakit po kayo nandito? Wala na po rito ang kapatid niyo, kakauwi lang po,” bungad nito dahilan upang siya’y magtaka.
“Kapatid? Ibig mong sabihin ‘yong nobyo mo at itong si Mary ay magkapatid?” paglilinaw niya, napabuntong hininga na lang siya nang tumango-tango ang kaniyang kapatid.
Tila umikot ang mundo niya noong mga oras na ‘yon, agad siyang hinila ng kaniyang nobya palayo. Hindi niya alam kung anong sasabihin, kung anong dapat gawin. Mahal niya ang dalagang ito, pero mas mahal niya ang kaniyang kapatid at hindi niya kayang makitang magsakripisyo na naman ito para sa sarili niyang kaligayahan.
Sa kabutihang palad naman, ang nobya na niya ang nagpasiyang sila’y maghiwalay muna. ‘Ika nito, “Ayoko ring masaktan ang kapatid ko, Miko, ilang taon na ‘yan sila, tayo, kakakilala lang. Pasensiya ka na, kahit mahal kita, hindi tayo pwede,” mangiyakngiyak na sambit nito saka siya niyakap at tuluyang naglakad palayo.
Masakit man para sa kaniyang hindi niya maaaring pakasalan ang dalagang iyon, maluwag naman ang puso’t konsensya niyang mapapasaya niya ang bunsong kapatid.