Inday TrendingInday Trending
Pinahiya ng Binata ang Katrabahong Madalas Mamburaot sa Kaniya, Hindi siya Makapaniwala nang Malaman ang Tunay na Katauhan nito

Pinahiya ng Binata ang Katrabahong Madalas Mamburaot sa Kaniya, Hindi siya Makapaniwala nang Malaman ang Tunay na Katauhan nito

“Jobi, baka naman may kaunti kang pagkain d’yan, nasakit na kasi ang tiyan ko, eh, hindi pa kasi ako nakain simula kagabi. Akin na lang ‘yang tirang tapsilog mo, pwede?” bulong ni Gino sa katrabahong nasa kabilang lamesa, isang umaga nang kumulo ang kaniyang tiyan.

“Hay naku, Gino! Araw-araw ka na lang nanghihingi ng pagkain sa akin! Pulubi ka ba, ha? Sumusweldo ka naman, bakit ayaw mong ibili ng pagkain ang sarili mo?” malakas na wika ni Jobi dahilan upang mapatahimik ang naturang katrabaho.

“Ay, pasensiya ka na,” tanging sambit nito saka muling bumalik sa pag-aaring lamesa.

“Ayan, d’yan ka magaling sa pagpapaawa, para ang mga katrabaho nating nanlalaki ang mga tainga ngayon, maawa sa iyo!” bulyaw niya pa dahilan upang magsitinginan sa kanilang dalawa ang iba nilang mga katrabaho.

“Hindi naman sa gano’n, Jobi, sinabi ko ‘yon para tumigil ka na sa pagbubunganga. Nakakahiya kasi,” mahinang tugon nito habang nakatingin sa sahig.

“May hiya ka pa pala? Eh, ang kapal kapal nga ng mukha mo na manghingi sa akin araw-araw!” sigaw niya rito dahilan upang pawatin na siya ng iba nilang katrabaho, “Ewan! Ang aga-aga, sinira mo na agad ang araw ko!” dagdag niya pa saka muling sumalampak sa kaniyang upuan at nagsimula nang magtrabaho.

Mag-isa na lang sa buhay ang binatang si Jobi. Tatlong taon na lang sana, ikakasal na siya sa pinakamamahal niyang dalagang niligawan niya ng apat na taon, ngunit tila mapaglaro ang kaniyang tadhana dahil bigla na lang niyang nalaman, ito pala’y nagdadalang tao na at ang ama pa ng batang dinadala nito’y isa sa mga matatalik niyang kaibigan. Simula noon, malaki na ang pinagbago ng kaniyang ugali.

Ang noo’y mahinahon at masiyahing binata, isa na ngayong magagalitin at bungagerong lalaki na galit sa lahat ng tao.

Noong una’y nakokontrol niya pa ang sarili niya kapag siya’y nasa trabaho, ngunit tuwing sasagi sa isip niya ang ginawa ng babaeng ‘yon at ng kaniyang matalik na kaibigan, para bang nais niyang kumitil ng buhay. May pagkakataon pa ngang susuntukin niya ang kaniyang lamesa dahilan upang magulat na lang ang kaniyang mga katrabaho at unti-unti siyang layuan.

Ngunit may isang binatang pilit pa ring nakikipag-usap sa kaniya katulad dati. Kahit na hindi niya ito kinikibo habang sila’y sabay na kumakain, hindi pa rin siya iniiwan nito at palagi pa siyang kinukwentuhan ng mga masasayang bagay.

Pero dahil nga tila malaki ang kaniyang pinagbago, ganoon niya na lang ito napagsalitaan no’ng araw na ‘yon. Sa sobrang inis niya, nais na niyang sarguhin ang mukha nito. Wala nang tumatakbo sa kaniyang isip kung hindi ang makasuntok ng tao para lang mailabas ang galit at sama ng loob na umaapaw sa kaniyang puso na ginatungan pa ng pagiging makulit ng naturang katrabaho.

Ngunit mayamaya, habang kinakalma niya ang sarili, bigla na lang siya nakatanggap ng mensahe sa isa sa mga may matataas na posisyon sa kanilang kumpanya, pinapapunta siya nito sa opisina ng pinakamataas dahilan upang ang inis niya’y pansamantalang mapalitan ng kaba.

Pagdating niya ro’n, bumungad sa kaniya ang kanilang presidente. Puti na ang buhok nito’t may katandaan na, madalang na madalang itong nagpapakita sa mga empleyado dahilan upang labis siyang makaramdam ng pangangamba.

“Hindi ba sinabi ni Gino sa’yo na apo ko siya?” sambit nito na labis niyang ikinagulat, “Ang batang ‘yon talaga! Pinayagan na ngang magtrabaho rito, nanghuhuthot pa sa mga katrabaho,” patawa-tawang sambit nito dahilan upang siya’y mapatungo na lang. Nagsimula na siyang mag-isip ng mga bagay-bagay dahilan upang siya’y mapabuntong hininga.

“Kung ako lang ang masusunod, papatalsikin na kita sa trabaho, pero wala, eh, nagmakaawa ang apo ko na panatihin ka. May problema ka lang daw kaya ka ganiyan. Kaya, huwag mong sayangin ang pangalawang pagkakataon kong ito, dahil sa susunod, hindi ko na hahayaang ipakalat mo ang ugali mong ‘yan sa buong kumpanya ko, naiintindihan mo? Maaari ka nang umalis,” seryosong sambit nito dahilan upang magmadali siyang lumabas ng naturang silid.

Hindi niya alam kung anong mukha ang ihaharap niya sa katrabaho kanina’y pinahiya niya. ‘Ika niya habang bahagyang sinusuntok-suntok ang ulo, “Jobi, naman, eh! Huwag mo namang hayaang pati trabaho mo, mawala na sa’yo!”

Nang makarating sa kanilang opisina, bumungad sa kaniya ang naturang binata, kinakain na nito ang tira niyang tapsilog at bungisngis na bungisngis sa kaniya dahilan upang madali siyang makahingi ng tawad dito.

Simula noon, muli na niyang kinontrol ang sarili. Pinilit niya ang sariling hindi dalhin sa kanilang trabaho ang sakit na mayroon sa kaniyang puso.

Advertisement