Dinaya ng Dalagang Ito ang Botohang Naganap sa Kanilang Kompanya, Laking Pagsisisi Niya nang Masisante Siya Dahil Dito

“Hoy, Angie, malapit na ang botohan, baka gusto mo namang maging mabait kahit kaunti sa mga katrabaho natin, kahit ngayon lang. Baka mamaya matalo ka ng isang baguhan,” bulong ni Telay sa katrabahong nahalal bilang isa sa mga maaaring maging manager ng kompanya.

“Naku, Telay, hindi ko kailangan ng paalala mo. Paano naman mananalo ang baguhan na ‘yon? Bukod sa mahina ang utak, mahiyain pa!” bulyaw niya sa katrabaho habang abala sa pag-aayos ng mga dokumento sa kaniyang kompyuter.

“Mabait naman siya at marunong makisama. Sa loob ng isang buwang pagtatrabaho noon, mantakin mo, ikaw na agad ang kalaban. Kabahan ka na tiyak maraming boboto sa kaniya,” sambit pa nito na labis niyang ikinais.

“Ayos lang, kayang-kaya ko naman ‘yon dayain. Salamat sa pananakot, Telay, hindi ‘yan tatalab sa akin,” mataray niyang tugon saka agad na pinaalis ang tsismosang katrabaho.

“Akala niyo naman natatakot ako, eh, siguradong mananalo naman ako kahit hindi ko makapalagayan ng loob ang lahat sa inyo! Nakalimutan niyo na atang saulado ko ang lahat ng password ng mga kompyuter dito, madali lang dayain ang mga boto niyo, mga mangmang!” wika niya saka bahagyang ngumisi.

Magdadalawang dekada na sa trabaho ang hanggang ngayo’y dalaga pa rin na si Angie. Lumaki man siya sa probinsya, hindi ito naging hadlang upang matapang niyang kaharapin ang buhay sa Maynila.

Marami man siyang pinagdaan, maraming nakaaway at nakasamaan ng loob, hindi niya ito inintindi’t tanging pangarap niya lang ang kaniyang inugaga.

Kaya ganoon na lamang ang tuwa niya nang sa wakas, isa na siya sa mga maaaring maging manager ng kanilang lumalagong kompanya. Ngunit dahil nga sa ugali niyang palaban, hanggang ngayon, marami pa ring inis sa kaniyang mga katrabaho niya. ‘Ika nga ng isa sa mga nakasagutan niyang katrabaho doon, “Kahit kailan, hindi tataas ang ranggo mo! Sa ugali’t pakikisama mo sa amin, hindi kami papayag na ikaw ang mamuno sa amin! Baka nga, dahil sa’yo, bumagsak pa itong kompanya!” na labis na nagbigay sa kaniya ng poot. Sagot niya pa, “Nagkamali kayo ng binangga.” 

Advertisement

Dumating na nga ang itinakdang araw ng botohan. Pagkapasok na pagkapasok niya pa lang, naririnig na niya ang mga katrabaho niyang nag-uusap tungkol sa kani-kanilang mga binito. Halos lahat ng kaniyang narinig, hindi siya ang binoto.

“Ayos lang ‘yan, magsaya lang kayo,” sambit niya saka ngumisi’t nagsimula nang magtrabaho.

Sinadya niyang magpahuli umuwi upang madaya ang mga boto. Bukas kasi, itatalaga na ang nanalo kaya ika niya, hindi niya kailangang mag-aksaya ng oras.

Pagsapit ng ala una ng madaling araw, nang mapagtanto niyang wala na ang lahat, agad siyang nagtungo sa mga kompyuter na nakalaan para sa naturang botohan. Binuksan niya ito isa-isa at dinagdag sa kaniyang pangalan ang mga botong binawas niya sa katunggali. Nang masigurado na ang kaniyang panalo, nagpasiya na siyang umuwi.

Kinabukasan, masigla siyang pumasok sa trabaho. Pagkadating na pagkadating niya, agad siyang pinatawag ng kanilang boss sa opisina nito dahilan upang lalo siyang matuwa. Ika niya, “Ito na ang pinapangarap ko!” saka siya pakandirit-kandirit na nagtungo sa opisina nito.

Ngunit tila napalitan ng hiya ang kagalakang nararamdaman niya. Pagkapasok niya kasi sa opisina nito, kitang-kita niya sa malaking telebisyon ang kaniyang ginawa kagabi. Nawala sa isip niyang may mga nakatagong CCTV camera nga pala sa silid na iyon. Napapikit na lamang siya’t napayuko.

“Noon pa man sinabi ko na sa’yo na hindi ko kailangan ng magaling, ang kailangan ko, marunong makisama’t tapat sa trabaho. Matagal na kitang pinagbibigyan sa ugali mong ito, Angie, hindi ko na kayang tiisin ngayon,” mahinahong sambit ng kaniyang boss saka siya binigyan ng isang sulat. Binasa niya ito at doon niya nalamang tanggal na siya sa trabaho.

Agad na pumatak ang kaniyang luha nang mapagtantong totoo ito. Nagmakaawa siya sa kaniyang boss ngunit hindi na siya nito pinagbigyan. Wala siyang maiharap na mukha sa mga katrabaho pagkalabas niya sa silid na iyon dahilan upang agad niyang ayusin ang kaniyang mga gamit at agad na lumisan sa gusaling iyon.

Advertisement

Sising-sisi siya sa ginawa niyang pandaraya. ‘Ika niya, “Sana pala hinayaan ko nang maging manager ang baguhang iyon. Sana ngayon, may maganda pa akong trabahong bubuhay sa pamilya ko sa probinsya,” saka niya pinunasan ang umaagos niyang luha. 

Wala talagang mabuting maidudulot sa ating buhay ang pandaraya. Maaaring bigyan ka nito nang pandaliang saya, ngunit tiyak, babawian ka nito nang panghabambuhay na pagdurusa.