Inayawan ng Dalaga ang Maasim na Manliligaw, Ang Binatang Ito ang Nakapagpabago sa Masama Niyang Pag-uugali

“Athena, tingnan mo si Chubby Joel o, nakatingin na naman sa’yo! Gustong-gusto ka talaga niyan, bakit ba ayaw mo siya pansinin? Wala ka namang nobyo,” sambit ni Toni sa kaibigan, isang araw habang sila’y nanananghalian sa kantin ng kanilang paaralan. 

“Ah, gusto niyo bang pansinin ko ‘yan? Saglit,” sambit niya saka tinigil ang pagkain, “Joel, halika nga!” tawag niya rito, agad naman itong lumapit sa kaniya. Ngiting-ngiti itong tumigil sa kaniyang harapan.

“O, sa’yo na lang itong tira ko, baka nagugutom ka na, eh, mahirap na baka mangayayat ka. Saka ito, o, pabango, nangangasim ka na naman, eh,” ika niya dahilan upang maghagalpakan nang tawa ang kaniyang mga kaibigan.

Agad namang napaiyak ang binata dahil sa pagkahiyang naramdaman, tumakbo ito palayo na lalo naman nilang ikinasaya dahil tumatalbog-talbog ang mga taba nito sa katawan. 

“Pinansin ko na, ha? Tumigil na kayo kakareto sa akin sa tababoy na ‘yon! Ang asim-asim!” patawa-tawa niyang sabi dahilan upang mapaiyak na silang lahat sa katatawa.

Kilala sa pinapasukang unibersidad ang dalagang si Athena. Dahil nga isa sa mga magagaling na mananayaw, maraming kalalakihan ang nagkakandarapa sa kaniya dahilan upang labis siyang maging mapili. 

Sa katunayan nga, isa sa mga apo ng kanilang prinsipal ang nagtangkang manligaw sa kaniya ngunit katulad ng ibang mga kalalakihan, binasted niya ito na labis na ikinahinayang ng kaniyang mga kaibigan. Ang tanging rason niya, “Ayoko doon, mabaho ang hininga!”

Kumalat ang balitang ito sa kanilang buong unibersidad dahilan upang ayawan na siya ng mga lalaki. Tanging ang malusog na si Joel na lang ang pumapantasya sa kaniya kahit na ganoon ang kaniyang ugali ngunit katulad nga ng ibang lalaki, pinahiya niya rin ito.

Advertisement

Hanggang sa sumapit na ang kanilang pagtatapos, wala ni isang lalaki ang pumasa sa kaniya dahilan upang inggitin siya ng kaniyang mga kaibigan, lahat kasi ng mga ito’y may mga nobyo at nakatanggap ng naggagandahang bulaklak at mga regalo noong araw na iyon.

Ngunit sabi niya, “Ayos lang saking walang regalo o bulaklak na natanggap, huwag lang si Joel ang magiging nobyo ko! Ang asim!” Dahilan upang magtanawan ang kaniyang mga kaibigan.

Habang natatawanan sila, nakita niyang may tinapon na bulaklak sa basurahan ang naturang binata, sinundan niya ito ng tingin at tila ito’y umiiyak. Hindi niya ito inintindi’t masayang nakipagtawanan sa kaniyang mga kaibigan.

Lumipas ang mahabang panahon, nagkaroon na ng sari-sariling pamilya ang kaniyang mga kaibigan, habang siya, mapili at mapangpuna sa mga lalaking sumusubok manligaw sa kaniya.

Nagkayayaan silang magkita-kita isang araw sa paborito nilang kapehan. Masaya nilang inalala ang magagandang mga nangyari sa kanilang buhay kolehiyala hanggang sa mapadpad ang kanilang usapan sa mga lalaking nabaliw sa kaniya.

“Mapaglaro talaga ang tadhana, ano? Kung sino pa ang gustuhin sa atin, siya pa ang walang pamilya o kahit nobyo man lang ngayon,” tukso ng isa niyang kaibigan saka humigop ng kape.

“Sobra ka naman kasing mapili, eh,” sambit pa ng isa, marami pang mga panunuksong sinasabi ang mga ito ngunit parang nabingi siya’t tumigil ang mundong ginagalawan niya nang makita ang isang lalaking papasok sa naturang kapehan.

“Aba, Athena, kumusta ka na? Nakikilala mo ba ako? Hindi na ako maasim ngayon!” bungad nito sa kaniya dahilan upang lalo siyang mapatulala. 

Advertisement

“Jo-joel? Ikaw ba si Chubby Joel? Ang macho mo na, ha? Lumabas ang kakisigan mo!” sambit ng isa niyang kaibigan, ngumiti lang ito dahilan upang maghiyawan ang kaniyang mga kaibigan.

“May pamilya ka na ba? Itong si Athena, single pa rin hanggang ngayon!” sabat pa ng isa.

“Wala pa, eh,” sagot nito dahilan upang bahagya siyang matuwa, “Pero may nobya na ako, malapit na akong ikasal, tinanggap niya ako kahit maasim ako noon, siya nga ang nagturo sa aking maging malinis sa katawan at limitahan ang pagkain,” dagdag pa nito na ikinatahimik naman ng lahat.

Napatigil siya, saka siya nakaramdam ng matinding pangongonsensya, “Pa-pasensiya ka na sa akin, Joel,” sambit niya, ngumiti lang ito at agad nang umalis nang makuha na ang kapeng binili. 

Doon niya labis na napagtantong tila sumobra na talaga ang kaniyang pagiging mapili sa lalaki. Hindi niya alam, nakakasakit na pala siya ng damdamin ng iba.

Simula nang malaman niya ang istorya ng lalaking labis niyang minaliit noon, nangako siya sa sariling babaguhin na ang pag-uugali. ‘Ika niya, “Baka dahil sa pagiging labis kong mapili, tumanda akong dalaga, ayoko mangyari ‘yon.” 

Wala pa mang lalaking sumusubok muling manligaw sa kaniya, desidido na siyang pakitunguhan nang maayos ang susunod na lalaking lalapit sa kaniya.