Napadpad sa Lugar ng mga Katutubo ang Dalaga at ang Dati Niyang Nobyo; Madugtungan kaya ang Naudlot Nilang Nakaraan?

Pauwi na si Irish galing sa bakasyon habang nakasakay sa barko ngunit hindi niya namalayan na nakasakay rin pala roon ang ex-boyfriend niyang si Lemuel. Hindi maayos ang kanilang paghihiwalay noon kaya hindi kumportable at asiwa ang dalaga sa presensiya ng binata.

Nang araw na iyon ay isang ‘di inaasahang aksidente ang nangyari dahil biglang nasunog ang sinasakyan nilang barko at unti-unti na itong lumulubog. ‘Di naiwasang mag-alala ang dating kasintahan sa kalagayan nila. Naramdaman naman ni Irish na sinsero ang pag-aalala ni Lemuel.

“Malapit nang lumubog ang barko, kailangan na nating tumalon sa dagat,” wika ng binata.

“N-natatakot ako. Baka hindi ako makatagal sa dagat,” sagot ng dalaga.

“Hindi kita pababayaan kung ipagkakatiwala mo ang buhay mo sa akin. Believe me. Kapag sinabi kong talon, jump quickly to the water.”

“S-sige.”

At humudyat ang binata.

“Talon, Irish!” malakas na utos ni Lemuel.

Advertisement

Tumalon sa dagat ang dalaga. Nakita nitong naiwan pa sa papalubog na barko ang binata.

“Tumalon ka na rin sa tubig, Lemuel!” malakas niyang sigaw.

“Langoy lang, Irish, susunod ako sa iyo.”

Napuna naman ng dalaga na lumalangoy na ito sa kaniyang kinaroroonan ngunit napansin naman nitong tila kinakapos na siya nang hininga.

“Are you okay?” nag-aalalang tanong ni Lemuel.

“H-hindi ko na yata kaya,” nanghihinang wika niya.

Naalarma ang binata. “No, Irish, we’ll both survived. Just hang on.”

Yumakap ito sa kaniya. Kahit papaano ay nabawasan ang panginginig ng kaniyang katawan. Pagkatapos ay muli nilang ipinagpatuloy ang paglangoy. Namimintig na ang kaniyang mga paa. Hindi na niya iyon sinabi kay Lemuel. Ayaw na niya itong mag-alala pa. Hanggang sa maramdaman niyang kinakain na siya ng dagat, palubog siya nang palubog sa tubig at nawalan na siya ng malay.

Advertisement

Makalipas ang ilang oras, bagaman namimigat ang ulo ay pilit na iminulat ni Lemuel ang mga mata. Sa kaniyang paggising ay isang babaeng kulot ang buhok na may kagandahang taglay kahit kulay tsokolate ang balat ang unang tumambad sa kaniya.

“Mabuti at gising ka na,” nakangiting wika nito.

“N-nasaan ako?” tanong niya rito sabay gala ng paningin.

“Narito ka sa pamayanan namin. Isa akong katutubo. Ako nga pala si Liway,” sagot ng babae.

“Ako si Lemuel. Paanong napunta ako rito?”

“Nakita ka ng grupo ni ama sa laot.”

“Diyos ko!” Unti-unti niyang naalala ang mga nangyari.

Napabalikwas siya ng bangon.

Advertisement

“Iyong kasama kong babae, nasaan na siya?”

“Huwag kang mag-alala, ligtas na rin siya. Kaya lang ay wala pa siyang malay.”

“Kailangan kong mapuntahan siya.”

Sinamahan siya ng babae sa katabing kubo. Isa pang babaeng katutubo ang nadatnan niya roon at binabantayan ang babaeng payapang natutulog. Biglang nakaramdam ng awa si Lemuel nang mapagsino ang babaeng nakahiga sa banig – Si Irish.

“Kumusta na siya, Banyang?” tanong ni Liway sa babaeng katutubo.

“Hindi pa rin siya nagkakamalay. Pero tiyak kong ligtas na siya,” sagot ng babaeng higit ang kaitiman kaysa kay Liway.

Hindi alam ni Lemuel kung ano ang nagdikta sa kaniya na masuyong hawakan ang malambot na kamay ni Irish.

“Ginoo, kaano-ano ang ang babaeng ito? Siya ba ang iyong asawa?”

Advertisement

Nagulat siya sa tanong na iyon ni Liway. Nagpasiya muna si Lemuel na magsinungaling.

“A, eh… o-oo, siya ang aking asawa,” tugon niya.

“Paanong nanganib ang buhay ninyo sa laot?”

“Lumubog ang sinasakyan naming barko kaya naisipan naming tumalon sa dagat.”

“Naku, mabuti na lang at nakaligtas kayo,” sabi ni Liway.

“Naging ganap ang kaligtasan namin nang dahil sa inyo. Lubos kaming nagpapasalamat,” wika ng binata.

“Ikinagagalak naming matulungan ang mga dayuhang tulad ninyo,” nakangiting sabi ni Liway. “Ngunit kailangan mo nang bumalik sa kabilang kubo para magpahinga. Bukas mo na lamang siya ulit puntahan dito,” pahabol nito.

“S-sige.”

Advertisement

Kinaumagahan ay hindi napigilang tawagin ni Irish ang pangalan ng kaniyang ex-boyfriend.

“Lemuel!”

Bumulahaw kay Banyang ang malakas na pagsigaw ng dalaga. Alarma itong lumapit sa kaniya.

“Salamat kay Bathala at may malay na siya,” dinig niyang wika ng babaeng namulatan sa kaniyang tabi.

“Nasaan ako? Sino ka?” magkasunod niyang tanong.

“Ako si Banyang. Narito ka sa pamayanan ng mga katutubo na malapit sa laot. Iniligtas kayo ng grupo ng aming pinuno.”

Ipinikit niya ang mga mata at biglang bumalik ang mga alaala.

“N-nasaan si Lemuel?”

Advertisement

“Iyon bang asawa mo?”

“A-asawa?” litong gagad niya.

“Oo. Iyong ubod ng guwapong lalaki na dumalaw sa iyo kagabi,” tugon ng babae.

Nalilito man ay natagpuan niya ang sariling tumatango.

“O-oo, s-siya na nga. Nasaan siya?”

“Nasa kabilang kubo siya at nagpapahinga. Ligtas na rin siya.”

Bigla na lamang nakaramdam ng kirot sa kaniyang ulo si Irish.

“Aray, medyo nahihilo pa ako.”

Advertisement

“Naku, magpahinga ka na muna. Huwag ka na munang magkikilos. Hayaan mo’t pag pumunta uli siya rito ay ipapaalam ko sa iyo,” wika ng babaeng katutubo.

Sa kinaroroonan naman ni Lemuel ay maingat na bumangon ang binata. Sumilip siya sa labas ng kubo. Maya-maya ay dahan-dahan siyang naglakad papunta sa pinto. Nang biglang dumating si Liway.

“O, saan ka pupunta?” tanong nito.

“Pupuntahan ko si Iri… ang asawa ko.”

Pinayagan naman siya ng babae na pumunta sa kabilang kubo.

“Magandang umaga,” bungad niya.

“Ikaw pala, ginoo,” sagot ni Banyang nang makita siya. “Bibisitahin mo ba ang asawa mo? Puntahan mo na siya sa kabilang silid,” saad pa nito.

Bumungad sa kaniya ang dalaga na inosenteng natutulog.

Advertisement

“Napakaganda talaga niya. Parang anghel habang natutulog,” humahangang sambit ni Lemuel sa isip. Nakahinga siya nang maluwag nang mapagmasdan ang mukha nito.

Nang biglang nagising ang dalaga at bumungad agad ang mukha ng binata.

“L-Lemuel?”

“Oo. Ako nga ito. Okay ka na ba, Irish?”

“Oo. I-ikaw, ayos ka lang ba?” tanong rin niya sa binata.

“Yes. I’m okay.”

Hindi maipaliwanag ni Irish sa sarili ngunit bigla siyang nakaramdam ng kakaibang kasiyahan nang malamang maayos rin ang kalagayan ng dating nobyo. Para hindi ito makahalata ay iniba niya ang usapan.

“P-paano’ yan? Tiyak kong hinahanap na tayo ngayon. Siguradong nabalitaan na nila ang tungkol sa lumubog na barko,” sambit niya.

Advertisement

“Marahil ay ganoon na nga ang nangyari. Hayaan mo, makakabalik rin tayo sa atin. Hihingi tayo ng tulong sa mga katutubo,” tugon ng binata.

Kinahapunan ay may naalala si Irish kaya agad itong nagtanong kay Banyang.

“Banyang, Bakit ba pinaghiwalay kami ng kubo ni Le… ng asawa ko?”

Lumapit sa kaniya ang babaeng katutubo.

“Atin-atin lang ito, ha. Huwag na sanang makarating pa sa iba,” bulong nito.

“B-bakit? Ano ba ‘yon?”

“Si Liway ang nakiusap sa aming pinuno na paghiwalayin kayo ng kubong matutuluyan.”

“Sinong Liway?”

Advertisement

“Si Liway ang nag-iisang anak ng aming pinunong si Apo Rakim,” sagot ng babae.

Hindi maipaliwanag ni Irish ang kabang bumundol sa kaniyang dibdib.

“Mag-asawa naman kami ni Lemuel. Bakit kailangan pa kaming paghiwalayin ng kubo?” Bahagya na siyang kumportable na tawaging asawa ang ex-boyfriend.

“Kasi, interesado sa asawa mo si Liway,” mahina nitong sabi.

“Ano?!” Napalakas ang kaniyang boses.

“Ssh, huwag kang maingay. Hula ko lang naman iyon. Paano ba naman, hindi man lang niya iniwan ang asawa mo noong wala pa itong malay. Naratnan ko pa ngang hinahaplus-haplos niya ang mukha ni Lemuel nang dalhan ko siya ng halamang gamot.”

Agad na nakaramdam ng selos si Irish ngunit pinigilan pa rin ang sarili.

“B-baka naman nagkakamali ka lang ng hula,” wika niya.

Advertisement

“Sana nga,” maikling tugon nito.

Nang sumapit ang gabi ay dinalaw sila ni Apo Rakim at inimbitahan na maghapunan. Nakilala na rin ni Irish si Liway, ipinakilala siya rito ni Lemuel. May hiniling naman ang binata sa pinuno ng mga katutubo.

“Apo Rakim, maaari po ba kaming magsama nang magkasama nitong misis ko?” hinging pahintulot ng binata sa matandang lalaki.

Muntik nang mabilaukan si Irish sa hiling ni Lemuel. Pinangatawanan na talaga nito ang pagiging mag-asawa kuno nila.

“Aba’y maaari. Iyon ay kung mapagtitiyagaan ninyo ang munting silid sa kubo mo. Pinaghiwalay lang namin kayo upang maasikaso namin kayong maige,” tugon ng pinuno.

“Naku, gusto lang na masolo ng anak niyo si Lemuel!” sabi naman ni Irish sa isip.

Nang makaalis ang pinuno ay agad na kinompronta ng dalaga ang binata.

“Ano bang kalokohan ang sinabi mo? Bakit mo sinabing misis mo ako at talagang nag-request ka pa na magkasama tayo sa iisang kubo,” anas ng dalaga.

Advertisement

“Naisip ko lang na mas magandang isipin nila na mag-asawa tayo. Pinangatawanan ko na ang pagsisinungaling lalo nang mahalata ko na interesado sa akin si Liway.”

“Aba, feel mo naman aakitin ka ng babaeng iyon?” sarkastikong tanong niya.

“Huwag kang mag-alala, pagdating sa Maynila ay balik na naman sa normal ang lahat. Ex mo na ako ulit at ex na rin ulit kita, pero habang narito tayo ay pangatawanan muna natin na mag-asawa tayo para hindi makahalata si Liway,” sagot ng binata.

‘Di maipaliwanag ni Irish ngunit lihim siyang natuwa sa pagpapakilala ni Lemuel sa kaniya bilang asawa nito. Nangangahulugan lang na hindi ito interesado kay Liway.

“For the meantime, matulog na tayo,” wika ni Lemuel. “Tiyak kong inaantok ka na ring gaya ko.”

“Ngayon pa lang ay binabalaan na kita. Don’t take advantage of me,” babala ng dalaga.

“I promise. Maliban na lang kung ikaw ang magbibigay ng motibo,” nakangiting sabi nito.

Ilang oras na ang lumipas subalit gising pa rin ang diwa ni Irish. Maya-maya ay nagulat siya nang marinig ang paos na tinig ni Lemuel.

Advertisement

“Irish… Don’t pretend na tulog ka na. Alam kong gising kang tulad ko,” anito.

Agad siyang napakislot nang maramdaman ang pagdampi ng mga labi nito sa kaniyang leeg.

“God! I can’t resist the temptation, Irish. Please, humarap ka sa akin.”

Napapikit ang dalaga at parang may kung anong nag-utos sa kaniyang humarap sa binata.

“I need you, Irish.”

“P-pero, Lemuel…”

Nang dumaop ang mga labi nito sa kaniya at maramdaman ang init ng halik nito ay tuluyan na siyang bumigay. Nang tuluyan siyang angkinin ni Lemuel ay nadama niya ang pagiging ganap niyang babae. Kahit noong magkasintahan pa sila ay hindi pa sila nagkaroon ng pagkakataon na makapagniig, ngunit ngayong wala na silang relasyon ay nagawa nila iyon. Bumalik sa alaala ni Irish na siya naman talaga ang may kasalanan kung bakit naghiwalay sila ng binata. Masyado siyang makasarili at isip bata at walang pakialam noon sa damdamin ni Lemuel kaya nauwi sa hiwalayan ang relasyon nila ngunit iba na ang sitwasyon sa pagkakataong ito dahil tila muling bumalik ang tibok ng puso nilang dalawa sa isa’t isa.

Kinaumagahan nang magmulat siya ng mga mata ay nadismaya siya sapagkat wala roon si Lemuel. Nang lumabas siya sa kubo ay nakita niyang nagtatawanan sina Lemuel at Liway na magkasama.

Advertisement

“S-saan kayo galing?” tanong niya sa mga ito.

“Nagpasama lang ako kay Liway sa tabig dagat para mamingwit ng isda. Sorry, hindi na kita ginising. Alam kong napagod ka nang husto kagabi,” tugon ng binata.

Kahit pinamulahan siya ng pisngi ay hindi niya pinansin iyon at muli siyang pumasok sa loob ng kubo para magpalit ng damit at nang lumabas siyang uli ay ‘di sinasadyang narinig niya ang pag-uusap nina Lemuel at Liway.

“Totoo ba ang sinabi mo?” dinig niyang tanong ng babae.

“Totoo. Hindi ko asawa si Irish.”

“Bakit kayo nagsinungaling sa amin? Ano na lamang ang sasabihin ng mga kasama ko at ni ama kapag nalaman nila ito?”

“Huwag kang mag-alala. Sasabihin din natin sa kanila ang totoo. Ang mahalaga ay kung anong sasabihin mo sa iyong ama kung bakit sasama ka sa Maynila?” tanong ng binata.

“Baka kasi hindi niya ako payagan, eh. Ano kaya kung tumakas na lang tayo? Gustung-gusto ko nang makarating sa Maynila. Itakas mo na ako rito, Lemuel,” pakiusap ng babae.

Advertisement

Sa narinig ni Irish ay hindi niya napigilang maiyak sa sakit na nararamdaman. Walang duda na mahal ni Lemuel ang babaeng katutubo. Niloko siya nito.

Nang umalis si Liway ay hindi na napigilan ni Irish ang emosyong gustong kumawala.

“Teka, bakit ka umiiyak?” gulat na tanong ng binata.

“Sinungaling ka! Nasabi mo na pala ang totoo kay Liway nang hindi sinasabi sa akin,” anas niya.

“N-narinig mo ang pinag-usapan namin?”

“Oo. Pati ang plano mong dalhin si Liway sa Maynila. Mahal mo pala siya, pero nagawa mo pa ring makipagniig sa akin. Ang akala ko’y… Anong klase kang lalaki?”

“Wala kang dapat ipag-alala dahil ikaw naman talaga ang mahal ko. Sinabi ko ang totoo kay Liway dahil ayoko nang magsinungaling pa tayo sa kanila. Tungkol naman sa kaniya, gusto ko siyang isama sa Maynila dahil gusto niyang hanapin ang tunay niyang mga magulang. Hindi siya totoong anak ni Apo Rakim,” hayag ng binata.

“Ganoon ba? Ang akala ko’y…”

Advertisement

“Ang akala mo ay siya ang mahal ko? No, Irish dahil mula nang magkita tayong muli at mapadpad sa lugar na ito ay napagtanto kong mahal pa rin kita ng sobra-sobra, kaya nga nang may nangyari sa atin kagabi ay nasigurado ko na sa aking sarili na ikaw ang babaeng nais kong pakasalan. Mahal na mahal pa rin kita, Irish, bigyan mo uli ako ng pagkakataon na muling pumasok sa puso mo.”

“Mahal pa rin kita, Lemuel. Hindi ko pala kayang mawala ka sa buhay ko. Oo, tinatanggap kitang muli sa puso ko at hinding-hindi na kita pakakawalan pa.”

Napatunayan ng dalawa na mahal pa rin nila ang isa’t isa. Ipinagtapat nila sa mga katutubo ang totoo at humingi ng tawad. Pinatawad naman sila ng mga ito at ni Apo Rakim. Nahanap at nakilala naman ni Liway ang tootong mga magulang ngunit malaki pa rin ang pasasalamat nito sa nakagisnang ama na si Apo. Rakim. ‘Di nagtagal ay ikinasal sina Irish at Lemuel at biniyayaan ng tatlong malulusog na mga anak.