Gustong Magkaanak ng Bestfriend ng Babae Kahit May Taning na ang Buhay Nito; Isa Pala Itong Sakripisyo Para sa Kanila

Gusto kong magkaanak, Hazel,” sabi ni Sharmaine sa matalik na kaibigan.

“A-ano?!” gulat na tanong ng kausap.

“Bago man lang ako mawala sa mundo, nais kong mag-iwan ng isang alaala sa iyo at kay mama. Isang alaalang buhay. ‘Yun bang papalit sa akin bilang ako. Magpapatuloy sa mga ‘di ko natapos na mga pangarap,” dagdag pa nito.

Halos matulala si Hazel sa sinabi ng kaibigan.

“H-hindi ka ba nagbibiro?” tanong niyang may paghahangad na mabatid ang tunay na dahilan sa balak nito.

“Hindi ako nagbibiro. Gusto ko talagang magkaanak.”

Ilang linggo lang ay nalaman ni Sharmaine na mayroon siyang kans*r sa bituka at malala na ito. Tinaningan na rin siya ng doktor. Maaari na lamang daw siyang tumagal ng isa o dalawang taon. Ilang magagaling na doktor na rin ang nilapitan niya ngunit pare-pareho lang ang sinasabi ng mga ito, na may taning na ang buhay niya. Kaya napag-isipan niya na humingi ng napakalaking pabor sa matalik niyang kaibigan na si Hazel na nahanap siya nito ng lalaking magiging ama ng kaniyang magiging anak.

“Humanap ka ng isang lalaking magbibigay sa akin ng anak. Kung paano at kung sino ay ikaw na ang bahala,” sabi pa ng dalaga.

Advertisement

“P-pero sinong lalaki ang ‘di magsasamantala sa iyo at sa sitwasyon?” tanong ng kaibigan.

Paano niya sasabihin kay Sharmaine na wala siyang ibang tiwala sa ibang lalaki maliban sa isa…

“Basta, ikaw na ang bahala sa lahat. Kung maaari ay sa lalong madaling panahon. Nakahanda akong ipagkaloob ang aking katawan sa lalaking mapipili mo, p-pero isa lang ang pakiusap ko. Gusto ko sanang nandoon ka sa labas kung saan namin gagawin iyon. Huwag mo akong iiwan, Hazel. Dapat ay madilim ang kwarto. Ni anino ng mukha ko ay ‘di niya dapat makita at ganoon din ang sa kaniya. Wala ring mamamagitang anumang pag-uusap,” hayag ng kaibigan.

“Kailangan bang gawin mo ito, Sharmaine?”

“Kailangan, Hazel. Kung hindi ko ito gagawin, mawawalan ng kabuluhan ang mga araw na naiiwan pa sa aking buhay.

“Ang mama mo, ano na lamang ang sasabihin niya…”

“Huwag mong alalahanin si mama. Saka ko na siya poproblemahin kapag naayos na natin ang lahat.”

Buo na talaga ang balak ng kaibigan ni Hazel. Wala na siyang ibang malalapitan kundi ang isang taong sobrang malapit din sa kaniya.

Advertisement

“Allen, mahal ko, k-kailangan ko ang tulong mo. T-tungkol sana kay Sharmaine…”

“Sure! Ano ba ‘yon, mahal? Alam mo namang kapag kaibigan mo ay kaibigan ko na rin,” sagot ng kasintahan.

Inilapit ni Hazel ang labi niya sa tainga ng binata at may ibinulong.

“A-ano?!”

Nanlaki ang mga mata ni Allen nang marinig ang sinabi ng katipan.

“Pakiusap, Allen. Try to understand. Ayokong mabigo ang kaibigan ko sa kaniyang kahilingan. At ikaw lang ang nasa isip kong makakatulong sa amin…”

“Nandoo na ako, Hazel, p-pero bakit ako?… I mean, hindi ka ba natatakot sa mangyayari?”

Tinakpan ng dalaga ang bibig ng nobyo.

Advertisement

“Don’t worry, mahal. Nanghihiram lang siya Sharmaine, hindi para sa sarili niyang kaligayahan, kung hindi para sa kaniyang maiiwan,” sagot niya.

Ilang beses na nag-isip si Allen sa gustong mangyari ng kasintahan hanggang sa nakapagdesisyon na ito.

“S-sige. Pumapayag na ako. Pero gagawin ko lang ito para sa iyo, Hazel. Mahal kita, alam mo ‘yan at napatunayan kong wagas ang pagtitiwala mo sa akin. Sabihin mo lang kung ano ang gagawin ko,” tugon ng lalaki.

Tapos na ang kaniyang paghahanap at nagampanan na ang tungkulin niya sa kaibigan ngunit hindi malaman ni Hazel kung dapat ba siyang matuwa o dapat na mangamba sa ginawa.

Biyernes ng gabi. Eksaktong alas otso nang dumating sina Hazel at Sharmaine sa isang hotel. Matapos nilang kunin sa susi sa staff ay dumiretso na sila kwarto kung saan gaganapin ang isang sakripisyo. Dahan-dahang humakbang si Shamaine sa pinto ng kwarto. Hindi siya lumingon sa kaibigan. Ayaw niyang sa kahuli-hulihang sandali ay makaramdam siya ng pagbabago ng isip.

Bigla ang ginawa niyang pagbubukas sa pinto at agad na pumasok sa kwarto. Para namang binayo ang dibdib ni Hazel at unti-unting humikbi. Tigmak ng luha ang mga matang pumasok ang dalaga sa kalapit na kwarto sa inupahan nilang hotel. Pilit na dumidiin sa kaniyang isip na ang kasiping ni Sharmaine sa mga sandaling iyon ayang pinakamamahal niyang nobyong si Allen.

Sa kabilang kwarto naman ay napakadilim ng paligid. Nakahubad na si Sharmaine habang kinakapa kung nasaan ang higaan at nang mahawakan ang unan ay agad siyang humiga sa malambot na kama. Naramdaman din niya na may katabi siya ngunit wala siyang makita. Wala namang sinayang na sandali ang lalaking katabi niya at isinakatuparan na nito ang plano. Maya-maya, ang tahimik na kwarto ay napalitan ng mga mumunting ungol at kalaskas ng kumot. Nakaramdam si Sharmaine ng panginginig at ang hapdi ay ‘di niya namalayan. Wala siyang naiisip kung hindi ang matapos na ang lahat. Nang makaraos ang dalawa ay nagmamadaling nagbihis ang dalaga at agad na lumabas sa kwarto. Kinatok niya si Hazel sa kalapit na kwarto na tanda na tapos na ang sakipisyo at mabilis na nilisan ang hotel.

Ngunit ang ginawa ng magkaibigan ay hindi nila maitatago nang matagal. Nang mapansin ng ina ni Sharmaine na si Donya Crensencia na lumalaki ang tiyan nito ay naghinala na ito at kinompronta ang anak.

Advertisement

“Hindi ako makakapayag, anak!” galit na galit na sabi ng ina. “Ano na lang ang sasabihin ng mga kaibigan ko at mga kasosyo sa negosyo? Imoral ako. May anak na buntis ngunit walang asawa…” tuluy-tuloy ang mga salita nito.

Walang nagawa si Sharmaine kundi ipagtapat sa ina ang totoo.

“Ako po ang may desisyon nito, mama. Gusto kong magkaanak, pero hindi ko po alam kung sino ang ama ng dinadala ko.”

“Hindi ko matatanggap na dahil sa sakit mo kaya mo nagawa ang mga bagay na ito. At sino namang dem*nyo ang nagtulak sa iyo para bigyan ako ng matinding kahihiyan?”

“Wala po, mama. Ako po ang may gusto nito, ako ang nagplano ng lahat. Gusto kong magkaanak bago ako mawala sa mundo. Ayaw niyo ba na may maiiwan ako sa inyong buhay na alaala?” sambit ng dalaga.

“Ano’ng alaala? Alaala ng kahihiyan? Nahihibang ka na!” pangungutyang tugon ng ina.

Kinaumagahan ay dumalaw si Hazel sa mansyon nina Sharmaine. Kahit malayo ang agwat ng estado nila sa buhay ay hindi iyon naging hadlang para sa kanilang pagkakaibigan. Isa pa ay tanggap na tanggap siya ni Donya Cresencia na maging kaibigan ng anak nito dahil maganda raw siyang ehemplo rito. Ngunit sa halip na si Sharmaine ay ang ina nito ang humarap sa kaniya.

“Alam mo bang nagdadalantao si Sharmaine, hija? At sa ‘di ko mawaring dahilan ay ‘di raw niya alam kung sino ang ama ng nasa sinapupunan niya. Nakapagdesisyon na akong ipakasal siya sa lalaking iyon sa lalong madaling panahon bago pa malaman ng iba ang kalagayan niya,” wika ni Donya Cresencia.

Advertisement

Natahimik si Hazel. Bigla siyang kinabahan sa sinabi ng ina ng kaibigan ngunit inihanda na niya ang sarili.

“N-naiintindihan ko po, tita. M-mayroon po ba akong maitutulong?” nauutal niyang tanong.

“Kausapin mo ang kaibigan mo, hija. Sabihin mo ang balak ko at handa kang tumulong sa paghahanap sa lalaking iyon…”

Parang nabingi si Hazel nang sabihin nito ang mga salitang ‘ang lalaking iyon.’ Pinagpawisan siyang bigla at halata abg biglang pamumula ng kaniyang pisngi.

Sumagi na rin sa isip ng dalaga ang balak ng ina ni Sharmaine kaya hindi na siya masyadong nagulat ngunit tila gustong sumabog ng puso niya sa gusto nitong mangyari. Parang hindi niya kakayanin kung mawawala sa buhay niya si Allen.

Nang magkausap ang magkaibigan ay sinabi niya rito ang balak ng mama nito.

“Ano ang pasya mo, Sharmaine?” tanong niya.

“Wala akong magagawa, Hazel kundi ang sundin ang gusto ni mama. Kahit sino pa ang lalaking iyon ay tatanggapin ko na. Ang mahalaga ay matupad ang gusto ni mama. Kahit man lang doon ay mapagbigyan ko siya bago ako mawala. T-teka, gusto kong malaman kung sino ba ang lalaking ‘yon?” direktang tanong ni Sharmaine.

Advertisement

Huminga muna nang malalim si Hazel bago sumagot.

“S-si A-Allen,” nauutal niyang sabi.

Nanlaki ang mga mata ng kaibigan.

“Hazel! How could you…” may halong tampo at hiya ang nadama ng dalaga.

“Sorry, Sharmaine. Wala akong makitang isang lalaki na hindi magsasamantala sa sitwasyon kundi si Allen. Huwag kang mag-alala, nakapagdesisyon na ako… kung ano ang nadama kong sakit nang gabing iyon, kaya ko pa ring tiisin ang sakit ng pagpaparaya,” sagot ni Hazel.

“Paano naman ang damdamin ni Allen? Bakit ang nobyo mo pa?” tanong nitong may kahalo pa ring tampo.

Walang naisagot si Hazel kundi ang mga luhang dumaloy sa mga mata.

Nang magkita naman ang magkasintahan ay ikinuwento niya rito ang napag-usapan nila ni Sharmaine. Kung paanong dapat nilang harapin ang kinasadlakang responsibilidad. At kung paanong dapat silang magparaya alang-alang sa isang sakripisyo.

Advertisement

“Hazel, huwag mong sabihing…”

“Kailangan, Allen. Kung hindi ito magaganap ay hindi tayo matatahimik habambuhay,” nagsusumamo ang dalaga sa kasintahan.

“Ano na ang mangyayari sa ating pag-ibig, mahal ko?”

“Hindi ko alam, mahal ko. Hindi ko na alam,” unti-unting bumigay si Hazel at humagulgol na sa pag-iyak.

Nalaman naman ni Donya Cresencia ang ginawang sakripisyo ni Hazel at ng kasintahan nito para sa anak.

“Hindi ako makapaniwala na magagawa ni Hazel ang bagay na iyon? Isinakripisyo niya ang sariling kaligayahan para sa iyo, anak? Kahanga-hangang kaibigan!” wika ng ginang na wala ng galit sa puso. Napalitan ng paghanga sa kaibigan ng anak ang sama ng loob sa sariling anak. “Pero, wala na akong magagawa riya, magsakripisyo ang dapat na magsakripisyo. Buo na ang plano ko, hindi ako papayag na maging bastardo ang apo ko!” saad pa nito.

“P-pero, mama, maaari po bang sa ibang lalaki na lamang ako magpakasal? Huwag na lang po kay Allen, pakiusap, mama!” pagsusumamo ng anak.

“Hindi! Ang gusto ko ay ang ama ng apo ko!”

Advertisement

Maya-maya ay tinawag ng katulog ang donya.

“Excuse me po, ma’am, mayroon pong gustong makipag-usap sa inyo,” magalang nitong sabi.

“At sino naman daw siya?”

Nang labasin ang bisita ay nagulat ang ginang sa tumambad sa kaniya. Isa itong lalaking malaki ang pangangatawan, may balbas at mahaba ang buhok.

“Sino ka at ano ang kailangan mo sa akin?” tanong ng ginang sa mataas na tono.

“Ako si Rex, Donya Cresencia Angeles at ako ang ama ng ipinagbubuntis ng inyong anak na si Sharmaine Angeles,” matapang na tugon ng lalaki.

May inilabas ang lalaki na isang isang piraso ng mamahaling hikaw. Nagulat ang donya dahil kilalang-kilala niya ang hikaw na iyon. Regalo niya iyon sa anak noong nag-debut ito.

Pinapasok niya ang lalaki at pinaupo. Nagpakilala rin ito kay Sharmaine na kasama ng tatlo sa sala. Nagulat pa ito nang makita ang babaeng nakaniig.

Advertisement

“Wow, ang ganda mo pala, Sharmaine. Sayang at hindi ko nakita ang mukha mo nang gabing iyon,” nakangising sabi nito.

“Tumigil ka! Ngayon ay ipaliwanag mo sa amin kung bakit ikaw ang ama ng dinadala ng anak ko,” sabad ng ginang.

“Totoo ang sinasabi ko sa inyo. Nangyari ang lahat sa isang hotel. Binayaran ako ng lalaking iyon para anakan ang inyong anak,” sabi ng lalaki.

Halos mapatayo sa kinauupuan ang mag-ina sa ipinagtapat ni Rex.

“Paano nangyari ‘yon? Imposible ang sinasabi mo!” sagot ni Sharmaine na hindi makapaniwala.

“Sa madaling salita, ikaw ang nakaulayaw ng aking anak nang gabing iyon at ikaw rin ang ama ng dinadala niya?” muling tanong ng donya.

“Tama! At katibayan ang naiwan mong hikaw,” sambit pa ng lalaki.

“Ang nawawalang kapares ng aking hikaw!” bulalas ng dalaga.

Advertisement

“Hindi maaari! Si Allen, paano si Allen?” nagdudumiin na ang mga tanong ni Donya Cresencia.

“A-Allen? Tama! Allen ang pangalan ng lalaking kumuha sa akin. Binayaran pa niya ako sa serbisyo ko,” hayag pa ni Rex.

Nagulat na lang si Donya Cresencia nang magtatalon sa tuwa si Sharmaine.

“Wala pala akong dapat na ipaghinanakit kay Hazel, mama. Tama ang desisyon niya. Hindi siya nagkamali kay Allen, mama!” pasigaw na sambit ng dalaga habang patakbo itong umakyat sa hagdan.

“T-teka, paano ako? Ako ang ama ng bata at may karapatan…” pinigilan ni Donya Cresencia ang sasabihin ni Rex. Unti-unti niyang napagtanto ang ginawang sakripisyo ni Hazel. Ang ginawang pagpapahalaga ng nobyo nitong si Allen at ang pangarap ng anak niyang si Sharmaine. Hindi siya makapaniwala sa katapatan ng mga ito sa pagganap sa tungkulin ng pagsasakripisyo alang-alang sa kahilingan ng pinakamamahal na anak.

Agad na binayaran ng ginang ang lalaki para hindi na ito maghabol pa. Tinanggap naman ni Rex ang malaking halagang ibinayad niya kapalit ng tuluyan nitong paglayo.

Samantala, gulat na gulat naman si Hazel sa ipinagtapat sa kaniya ni Allen.

“Ang ibig mong sabihin ay hindi ikaw ang…”

Advertisement

“Patawarin mo ako, mahal ko. Sa labis na pagmamahal ko sa iyo ay nagawa kong magsinungaling. Naduwag akong ipagtapat sa iyo ang katotohanang matagal ko nang iniingatan. Baog ako, Hazel kaya hindi ko mabibigyan ng anak ang kaibigan mo. Kinuha ko ang serbisyo ni Rex na dati kong kasamang waiter sa pinagtatrabahuhan kong bar at tinanggap naman niya ang alok kong siya ang makikipagniig kay Sharmaine at binayaran ko siya para gawin iyon,” pagtatapat nito.

Nagsisigaw sa tuwa si Hazel.

“Salamat, mahal ko. Mas lalo akong umibig sa iyo,” sabi ng dalaga.

“Hindi ka nagagalit?”

“Bakit ako magagalit? Napatunayan ko lang kung gaano mo ako kamahal at kung gaano ako kasuwerte sa iyo, mahal ko.”

“Salamat, mahal!” paglalambing ng binata habang yakap nang mahigpit ang kasintahan.

Agad nilang pinuntahan si Sharmaine sa mansyon para sabihin ang katotohanan. Masaya sila nitong sinalubong.

“I’m sorry, Hazel. Mali na nagtampo ako sa iyo,” tuwang-tuwang sabi nito.

Advertisement

“Sorry rin, Sharmaine. May ipagtatapat kami ni Allen sa iyo. Hindi pala siya ang…” hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil tinakpan na ng kaibigan ang bibig niya.

“Alam ko na ang lahat. Kaya maligayang-maligaya ako dahil hindi ko pala nasira ang pagmamahalan ninyo ni Allen. Handa na akong magpakasal sa lalaking tunay na ama ng aking anak,” wika ni Sharmaine.

“Walang kasalang magaganap!” malakas na sigaw ni Donya Cresencia.

“Po?!” sabay na sabi ng magkaibigan nang makita ang pagsulpot ng ginang.

“Wala nang magaganap na kasalan. Sa nakita kong kadakilaan ng iyong mga kaibigan at nang malaman ko ang tnay na nangyari ay hindi pala imoralidad ang ginawa mo, anak kundi isang pagpapakasakit at pagsasakripisyo. Patawarin mo ako, anak, patawarin ninyo ako,” maluha-luhang wika ng donya.

“Mama, salamat po!” napayakap nang mahigpit si Sharmaine sa ina.

Hindi na natuloy ang kasal ni Sharmaine dahil ang ikinasal ay sina Hazel at Allen. Si Donya Cresencia ang gumatos sa kasal ng magkasintahan na labis namang ipinagpasalamat ng dalawa. ‘Di nagtagal ay isinilang na ni Sharmaine ang kaniyang anak. Nakasama pa niya ito ng ilang buwan ngunit pagkatapos niyon ay pumanaw na rin ito at tuluyang nagapi ng karamdaman. Dahil sa hindi na magkakaanak ang mag-asawa ay inihabilin na ni Donya Cresencia kina Hazel at Allen ang pag-aalaga at pagpapalaki sa kaniyang apo na pinangalanan nilang Hazallene. Naniniwala ang donya na sa pamamagitan ng sanggol na iyon ay muling mabubuhay ang mga alaala ng kaniyang anak na si Sharmaine.