Inday TrendingInday Trending
Binalak Mandaya ng Lalaki sa Halalan, Tuluyan Kaya Siyang Manalo Dahil Dito?

Binalak Mandaya ng Lalaki sa Halalan, Tuluyan Kaya Siyang Manalo Dahil Dito?

“Pa-papa, papa! Magmadali ka! Kailangan mong magpunta sa paaralan kung saan isinasagawa ngayon ang bilangan ng boto!” natatarantang sigaw ni Remo sa kaniyang ama na natagpuan niyang nagpupunas ng kaniyang lamesa sa kanilang barangay.

“Bakit pa ako magpupunta roon? Alam ko namang ako ang mananalo. Hindi ko na kailangan abalahin pa ang sarili ko, pupwede namang bukas ko sila pasalamatan lahat,” kumpiyansadong sagot ni Julius habang masinsing nililinis ang mga gamit niya roon.

“Wala kang pasasalamatan, papa, dahil nangangalahati na ang nabibilang na mga boto, isang daan ang lamang ng kalaban sa’yo!” sigaw ng kaniyang anak dahilan upang mapatigil siya sa ginagawa.

“Ano? Paano nangyari ‘yon? Binaliktad ako ng mga kamag-anak natin?” tanong niya.

“Mukhang ganoon na nga, papa!” tugon nito dahilan para siya’y mapailing at agad na hanapin ang kahong kaniyang hinanda para sa ganitong klaseng problema.

“O, sige, kuhanin mo ‘yang kahon na ‘yan,” utos niya sa anak nang makita niya ang kahong hinahanap.

“Ano pong laman nito? Katulad na katulad doon sa kahon na pinaglalagyan ng boto,” pag-uusisa nito habang sinilisip ang naturang kahon.

“Wala na akong oras para magpaliwanag sa’yo, ikaw na lang ang pinagkakatiwalaan ko, sundin mo lahat ng sasabihin ko sa’yo, ha? Para sa pamilya natin ‘to,” seryoso niyang bilin sa anak saka kinuha ang susi ng kaniyang motorsiklo.

“Si-sige po, papa,” uutal-utal na sagot nito dahil sa takot saka niya mabilis na pinaharurot patungong paaralan ang kaniyang motorsiklo.

Dahil nga pawang mga kamag-anak at kaibigan ang mga mamamayan sa barangay na pinamumunuan ng kapitan na si Julius, kumpiyansado siyang muling mananalo ngayong halalan. Hindi na siya nag-aksaya ng malaking halaga ng pera katulad ng ginawa niya noong unang beses niyang maupo bilang isang kapitan dahil pakiramdam niya, nakuha na niya ang loob ng kaniyang mga kabarangay dahil sa mga proyektong kaniyang ipinasakatuparan.

Kaya naman, noong mismong araw ng halalan, pinahinga niya lang ang kaniyang sarili sa kanilang barangay at pinagkatiwalaan lahat ng kaniyang kamag-anak, kaibigan at ilan pang kabarangay sa magiging resulta ng botohan.

Ngunit, kahit pa ganoon, hindi siya nagpabaya. Habang nasa barangay noong araw na ‘yon, gumawa siya ng mga papel na katulad sa ginagamit na sagutan sa presinto at sa mga papel na iyon, nilagay niya ang kaniyang pangalan at mga kagawad na tapat sa kaniya. Pati kahong ginagamit dito, ginaya niya, upang kapag may biglaang problema, agad niyang masisiguradong mananalo ang kaniyang partido.

“Mukhang sinasayang ko lang ang lakas ko, eh, hindi ko naman yata kakailanganin ito dahil ako naman talaga ang mananalo. Hahalik na naman ako sa limpak-limpak na pera!” wika niya pa habang sinusulat ang kaniyang pangalan.

Kaya naman, ganoon na lang ang gulat at inis niya nang malamang tila binaliktad siya ng halos lahat ng kaniyang kabarangay at doon na niya nga ginawa ang balak niya.

“Ako na mismo ang gagawa nito, mukhang wala na akong ibang pwedeng pagkatiwalaan!” wika niya habang nagmamaneho ng motorsiklo.

Pagkarating nila sa naturang paaralan, agad niyang inutusan ang kaniyang anak na ibaba ang kuntador ng kuryente sa buong paaralan. Sinunod nga nito ang utos niya dahilan upang magkaroon siya ng pagkakataon na ipagpalit ang kahong pinagkukuhanan ng bibilanging boto roon.

Ngunit bago pa siya tuluyang makalabas ng naturang silid habang nagkakagulo ang mga tao roon, biglang bumukas ang ilaw at siya’y nakita ng mga tao na may bitbit-bitbit na kahon.

“Ah, eh, kumusta kayo? Kumusta ang bilangan?” uutal-utal niyang sambit upang mabasag ang katahimikan.

“Ano po ‘yang hawak niyo, kapitan?” tanong ng isang opisyal doon dahilan upang itago niya ito sa kaniyang likuran.

“Wala ito, ano ka ba?” patawa-tawa niyang sambit.

“Naramdaman kong may nagpalit ng kahong nasa harapan ko. Ikaw po ‘yon, ano? Alam niyo po, kung matalo kayo sa halalang ito na pawang kamag-anak at kaibigan ang kabarangay niyo, hindi niyo na kailangang mandaya. Ibig sabihin lang kasi noon, hindi ka naging maiging kapitan para sa kanila at kahit anong pandadayang gawin mo, mabibisto’t mabibisto ka,” wika nito dahilan upang siya’y mapatigil doon.

Nagulat siya ng may kumuha ng kahong hawak niya sa likod at mas lalo siyang nawindang nang makita niyang anak niya ito.

“Pasensiya na, papa, pero hindi ko na po kayang marinig at makita ang mga pandaraya mo,” bulong nito sa kaniya saka isinauli ang naturang kahon.

Sa sobrang kahihiyan, agad siyang tumakbo palabas ng naturang silid at simula noon, bukal sa puso niyang tinanggap paunti-unti ang pagkatalo at matapat na naglingkod bilang isang mamamayan.

Advertisement