
Tamad na Tamad ang Dalagang Ito Dahilan Upang Siya’y Kainisan ng Kaniyang Magulang, Isang Basurera ang Bumago sa Kaniya
“Mama, abot mo nga sa akin ‘yong tubigan ko,” utos ni Windy sa kaniyang ina habang silang buong pamilya ay sabay-sabay na kumakain ng tanghalian.
“Diyos ko naman, Windy! Abot kamay mo lang ang tubigan mo, iuutos mo pa sa akin!” inis na bulyaw ng kaniyang ina saka padabog na inilapag sa tabi ng plato niya ang kaniyang tubigan.
“Mas malapit kaya sa’yo, mama!” pagpupumilit niya dahilan upang lalo itong magalit.
“Malapit din naman sa’yo, ha? Nakakainis ka na talagang bata ka! Sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos, palagi kang nakautos sa akin, pati sa mga kapatid mo, kahit kaya mo naman at abot kamay mo naman ang mga bagay na pinapakuha mo! Gusto mo bang ipaputol ko na ang kamay mo, ha? Hindi mo naman ginagamit, eh! Ibenta na lang natin ‘yan, makakabili pa tayo ng sasakyan!” sermon nito dahilan upang mapailing na lang ang kaniyang ama habang masamang nakatitig sa kaniya.
“Si mama naman, galit na galit kapag palagi akong nagkukwento habang kumakain pero siya, todo sermon sa harap ng pagkain,” sumbong niya sa kaniyang ama ngunit hindi siya inintindi nito.
“Nakakainis ka na kasi! Sobra na ang katamaran mo!” sambit pa ng kaniyang ina saka bahagyang hinila ang kaniyang buhok na hindi man lang niya masuklayan.
“Masipag kaya ako magselpon,” sarkastiko niya pang sagot saka hinagis patalikod ang kaniyang buhok dahilan para umalis sa hapag-kainan ang kaniyang mga magulang dahil sa sobrang inis.
Panganay sa tatlong magkakapatid ang dalagang si Windy. Kung sa ibang pamilya, ang panganay ang siyang tumutulong sa ina sa mga gawing bahay at pag-aalaga ng mga nakababatang kapatid, ‘yong iba pa nga’y nagsasakripisyo, pero lahat ng ito, wala sa bokabolaryo niya.
Pagkagising niya sa umaga, agad siyang maliligo nang hindi inaayos ang kaniyang pinaghigaan. Pagkatapos noon, kakain siya saka agad nang aalis upang pumasok sa eskwela o kung hindi naman, para gumala kasama ang kaniyang tropa na labis na ikinagagalit ng kaniyang ina.
Ni minsan, hindi niya nagawang humawak ng walis tambo, labahan o kahit mga hugasing plato. Bukod pa roon, todo utos pa siya sa kaniyang mga kapatid pati na sa kaniyang ina.
Sa katunayan, kahit kaya niya namang kuhanin gamit ang sariling kamay, iuutos niya pa ito sa kaniyang mga kapatid. May pagkakataon pa ngang nasa harapan niya lang ang remote ng kanilang telebisyon ngunit tinawag niya pa ang kaniyang bunsong kapatid para ibigay ito sa kaniya at sa tuwing aangal ang mga ito, kung anu-anong sinasabi niya sa mga ito na ikinagagalit ng kaniyang ina’t ama.
Sa tuwing uutusan pa siya, inam siya kung makadabog. Kahit na siya’y pangaralan, walang pagbabagong nangyayari sa kaniyang pag-uugali.
Noong araw ‘yon, sa galit ng kaniyang ina, inutusan siya nitong maglabas ng mga basura sa tapat ng kanilang bahay nang marinig nitong may batang babaeng nangunguha ng basura sa kanilang kapitbahay. Wika niya habang hila-hila palabas ang mga plastik ng basura, “Nakakainis naman ‘tong basurerang ‘to, sigaw nang sigaw, nautusan pa tuloy ako!”
Pagkabukas niya ng kanilang gate, agad niyang iniabot sa basurera ang isang malaking plastik ng basura. Ngunit ilang segundo na niya itong inaabot dito, nakangiti lang ito sa kaniya.
“Ayaw mo bang kuhanin? Itatapon ko ‘to sa mukha mo, akala mo natutuwa ako sa mga ngiti mo!” bulyaw niya rito.
“Ah, eh, pasensiya na po. Kukuhanin ko po ‘yan, pakilapag na lang po baka marumihan ko po kayo, eh,” tugon nito dahilan upang mapairap siya at ilapag ang hawak niyang plastik saka niya initiya ang baryang bayad dito.
Isasara na niya sana ang kanilang gate nang bigla itong lumuhod at inilabas ang putol na braso mula sa malaking damit na suot nito saka niyakap ang plastik at maliit na karitong bitbit nito na labis niyang ikinagulat.
“Te-teka, wala kang kamay?” pang-uusisa niya rito.
“Opo, naaksidente ako, eh,” tugon nito.
“Bakit ka pa namamasura kung ganiyan na ang mga kamay mo? Wala ka bang mga magulang?” tanong niya pa.
“Kailangan ko pong kumita, eh. Hindi naman po porque may kapansanan ako, hindi na ako magsusumikap sa buhay. Mga may magulang din po ako, pero ayokong maging pabigat at sakit sa ulo sa kanila,” sagot nito na labis na tumagos sa puso niya.
Doon niya napagtantong halos lahat ng prebelehiyo’y nasa kaniya na, ngunit dahil sa katamaran niya, nagagwa niya pang galitin ang kaniyang mga magulang.
Simula noon, labis siyang nagsipag upang makabawi sa mga magulang at sa tuwing kukuha ng basura sa kanila ang batang iyon, palagi niya itong inaabutan ng pagkain at sinasabing, “Salamat sa pagiging isang inspirasyon, binago mo ako.”