
Lulong sa Paggamit ng Selpon ang Maybahay na Ito, Isang Trahedya ang Nagbigay Aral sa Kaniya
“Mahal, mahal ko! Nandito na ako!” sigaw ni Arnel sa kaniyang asawa habang papasok ng kanilang munting tahanan.
“O, mabuti naman, bantayan mo na si bunso,” seryosong sagot ni Klesa habang tutok na tutok sa kaniyang selpon.
“Hanep naman ang bungad mo, mahal. Hindi mo man lang ba ako lalambingin? O kung hindi nama’y pagpapahingahin? Galing akong trabaho, o, pagod na pagod ako, sobrang sakit ng paa ko sa maghapong pagtayo. Tapos, pagbabantayin mo ako agad pag-uwi ko,” ungot nito dahilan upang mapatigil siya’t ito’y titigan nang masama.
“Nagrereklamo ka? Edi sana hindi ka na nag-anak. Ikaw ang gusto na magkaanak tayo, tapos ngayon, isusumbat mo sa akin ang mga ginawa mo buong araw?” inis niyang sambit dito kaya naman agad siya nitong nilambing.
“Ito naman, biro lang ‘yon siyempre. Pupwede mo ba akong ipagtimpla ng kape? Sige na, please?” wika nito saka siya niyakap at hinalik-halikan sa pisngi habang siya, patuloy pa rin sa paggamit ng selpon at pagtingin sa kaniyang social media account.
“Saglit, mag-iinit ako ng tubig,” wika niya saka tumayo sa kinauupuan. Habang naglalakad, patuloy pa rin ang kaniyang pagseselpon.
“O, sumunod sa’yo si bunso, ha?” paalala ng kaniyang asawa nang makitang sumunod sa kaniya ang kanilang anak patungong kusina.
“Ito naman! Buntot palagi!” sigaw niya rito nang makita niya itong nakayapos na sa kaniyang binti.
Wiling-wili sa paggamit ng social media ang may bahay na si Klesa. Lahat ng ginagawa niya sa loob ng isang araw, kinukuhanan niya ng litrato at nilalagay sa social media at kapag may nagkomento na sa kaniyang post, hindi na siya maawat sa pakikipagchikahan sa mga ito hanggang sa umuwing galing trabaho ang kaniyang asawa.
Sa katunayan, ang tanging ginagawa niya sa araw-araw ay alagaan ang dalawang taong gulang niyang anak. Kapag ito’y napaliguan na niya o kung nama’y napakain na niya ng prutas o kanin, kukuhanan lang niya ito ng litrato at maghapon nang uupo sa iisang sulok. Doon na niya gugugulin ang buong maghapon. Tatayo lamang siya o titigil sa pagbababad sa selpon kapag umiyak na ang kaniyang anak, kapag siya’y naiihi, nagugutom o kapag dumating ang kaniyang mga kumare.
Kahit na sandamakmak ang kalat sa kanilang bahay, kapag siya’y napahawak na ng selpon, wala na siyang pakialam sa mga ito dahilan upang pag-uwi ng kaniyang asawa, ito pa ang kikilos sa kanilang bahay na labis niya namang ikinatutuwa.
Noong pagkakataong iyon, hinayaan niya lang na yumapos sa binti niya ang kanilang anak at habang hinihintay niyang kumulo ang pinapainit niyang tubig, walang sawa siyang nagpipindot sa kaniyang selpon habang humahalakhak sa tsismisan nila ng kaniyang mga kaibigan.
Sa sobrang pagkawili niya sa pagseselpon, hindi niya namalayang inabot na pala ng kaniyang anak ang kalderong ginamit niya sa pagpapainit ng tubig dahil marumi ang kanilang takore.
Nalaman niya lang ito nang umiyak na ang kaniyang anak at tumunog sa pagkabagsak ang naturang kaldero.
“Diyos ko!” sigaw niya saka niya agad na nabitawan ang hawak niyang selpon.
Napatakbo sa kusina ang kaniyang asawa at ganoon na lang ito nagulat sa sinapit ng kanilang anak.
“Anong nangyari, Klesa?” sigaw nito sa kaniya saka agad na binuhat ang umiiyak nilang anak na lapnos ang halos buong katawan.
Agad itong lumabas ng kanilang bahay at narinig niyang ito’y nagpadala sa ospital. Tumigil ang mundo niya nang mapagtantong nasaktan ang kaniyang anak dahil sa pagkalulong niya sa selpon at social media.
Nang makontrol na niya ang kaniyang emosyon, agad siyang sumunod sa ospital at nakita niya roong umiiyak ang kaniyang asawa habang hawak ang kamay ng kanilang anak na patuloy sa pag-iyak.
“Hinahayaan kitang magselpon dahil alam kong ‘yan na lang ang magpapasaya sa’yo. Hindi na nga kita inoobliga na gumawa ng gawaing bahay. Pero sana, huwag mo namang ilagay sa alanganin ang anak natin dahil lang sa walang kwentang bagay na ‘yan,” sambit nito sa gitna ng mga paghikbi dahilan upang ganoon na lamang siya magsisi.
Niyakap niya ito habang sabay nilang pinagmamasdan ang kawawa nilang anak.
Simula noon, inikot niya ang kaniyang mundo sa pagiging isang ina. Inalagaan niyang maigi ang kaniyang anak at ginawa ang responsibilidad niya bilang isang asawa at ina. Pinutol niya na rin ang pagkalulong sa selpon at social media at mas pinagtuunan ng pansin ang mas mahalagang bagay sa mundo, ang kaniyang maliit na pamilya.