“Mahal ko, tingnan mo, o, parang ang sarap talaga kumain ng samgyupsal! Ilalagay mo sa lettuce yung ihaw na karne tapos sasamahan mo ng kimchi na maanghang-anghang! Kain tayo nito, mahal!” tuwang-tuwa sambit ni Lei sa kaniyang nobyo nang may makitang bidyo ng babaeng kumakain ng samgyupsal, isang gabi habang sila’y nakain ng pares sa paborito nilang parke.
“Gusto mo ba?” tanong nito sa kaniya habang pinapanuod ang naturang bidyo.
“Oo naman, ano! Gustong-gusto ko! Dati ko pa sinasabi sa’yo ‘to, eh, palagi mong sinasabi sa susunod na sahod na lang pero hanggang ngayon, hindi pa tayo nakakakain dito,” nguso niya dahilan upang mapakamot ng ulo ang binata.
“Nawala na sa isip ko, mahal, pasensiya na,” wika nito saka pinisil ang kaniyang kamay, “Kailan mo ba gusto?” tanong pa nito dahilan upang manlaki ang mata niya sa kasabikan.
“Ililibre mo ba ako?” masigla niyang tanong.
“Oo naman, matagal mo na palang gusto ‘yan, eh, hindi ko man lang maibigay,” nakangiti nitong sambit.
“Yehey! Bukas na bukas, mahal, pwede?” sabi niya habang kumakandirit pa.
“O, sige, walang problema!” masayang sagot nito saka tumawa nang tumawa dahil sa ginagawa niya.
Hilig ng dalagang si Lei ang humiling ng kung anu-ano sa kaniyang kasintahan. Mapagamit man ito na hindi naman niya talaga kailangan o kahit pagkaing nakita niya lang sa internet, basta’t napukaw ang atensyon niya, agad niya itong ipaglalambing sa kaniyang kasintahan kahit na mayroon naman siyang sariling pera.
At dahil nga nais ng kaniyang nobyo na siya’y mapasaya, agad nitong pinagkakaloob anumang gustuhin niya na labis naman niyang ikinatutuwa dahil nararamdaman niya kung gaano siya nito kamahal.
May pagkakataon pa ngang galing siyang trabaho at siya’y nakakita ng magandang sapatos na nakalatag sa kalsada, inungot niya iyon sa kaniyang nobyo nang sila’y magkita at ganoon na lang ang tuwa niya dahil pagkalipas ng dalawang araw, napasakaniya ang sapatos na iyon.
Kaya naman, nang makakita siya ng bidyo ng babaeng kumakain ng samgyupsal, agad niya itong hiniling sa kaniyang kasintahan. Kahit pa unang beses pa lang niya itong nakita at hilingin sa nobyo, sinabi niyang matagal na niya itong dinadaing upang agad siya nitong ilibre. Tila nagtagumpay nga siya sa naisip na paraan dahil agad niya itong napapapayag.
Kinabukasan, bandang tanghalian, sinundo na nga siya nito upang sila’y makakain na sa isang restawran na nagtitinda ng samgyupal. Tinodo niya ang pag-aayos ng sarili, wika niya, “Kailangang maganda ako! Magpapabidyo rin ako na kumakain ako noon tapos ipo-post ko rin sa social media!”
Pagkarating nila roon, halos lumuwa ang mata niya sa presyo ng samgyupsal na binebenta roon na umaabot ng pitong daang piso kada isang tao.
“Ayos lang, mahal, huwag mong intindihin ang presyo, kumain ka lang,” nakangiting sambit ng nobyo niya dahilan upang labis siyang kiligin at habang kumakain nga siya, masaya siyang kinukuhanan ng bidyo nito.
Ngunit isang oras ang nakalipas, nakatanggap ng tawag ang kaniyang nobyo mula sa kapatid nito dahilan upang sila’y magpunta sa bahay nito.
“Hindi ka man lang nag-iwan ng pera pangbili ng bigas!” sermon ng ina nito na bumungad sa kanila pagdating nila roon.
“Wa-wala na po akong pera, mama,” uutal-utal na sagot nito dahil nahihiya na ito sa kaniya.
“Anong walang pera? Nakapag-date nga kayo niyang nobya mong maluho, eh!” sigaw nito dahilan upang ganoon na lang siya labis na makonsensya.
Napatungo na lang siya at kusang nag-abot ng pera sa nanay nitong galit na galit na.
Pagkatapos noon, agad na sila nitong pinaalis sa bahay na iyon. Todo hingi ng tawad ang nobyo niya sa kaniya dahil sa nangyari.
“Ayos lang, mahal, kasalanan ko naman talaga. Nawala sa isip ko na ikaw nga pala ang tumataguyod sa pamilya mo tapos sa’yo pa ako nahingi ng panluho ko,” nakatungo niyang sambit.
“Mahal kita,” tanging sambit nito saka siya niyakap dahilan upang ganoon na lang siya maiyak sa magkahalong emosyong nararamdaman.
Simula noon, ginawa niya ang lahat upang makontrol ang kaniyang mga luho. Iniwasan niya ring dumaing nang dumaing dito upang huwag na siyang paggastusan nito at sa tuwing may nagugustuhan talaga siya, sariling pera na ang kaniyang ginagasta.
“Sana pala noon ko pa ito napagtanto. May nakukuha nga akong benepisyo, nahihirapan naman ang nobyo ko,” sambit niya habang pinagmamasdan ang mga gamit na bigay nito.