Inday TrendingInday Trending
Matigas ang Loob ng Lalaking Ito sa Kaniyang mga Magulang, Isang Matandang Pulubi ang Nakapagpalambot Nito

Matigas ang Loob ng Lalaking Ito sa Kaniyang mga Magulang, Isang Matandang Pulubi ang Nakapagpalambot Nito

“Enero, anak, baka pupwedeng makahingi ulit ng isang libong piso. Iyong binigay mo kasing limang libong piso kanina, naubos lang sa pagpapalaboratoryo namin ng tatay mo,” nahihiyang daing ni Aling April sa kaniyang anak, isang hapon nang maabutan niya itong nagkakape sa kanilang terrace.

“O, anong gagawin niyo sa isang libo?” masungit na tanong ni Enero saka humigop ng mainit na kapeng hawak.

“Ipapangbili ko sana ng gamot ng tatay mo. Normal naman ang resulta ng laboratoryo ko, kaya lang ‘yong sa tatay mo, medyo mataas ang kolesterol at dugo niya kaya niresetahan siya ng gamot,” paliwanag nito sa kaniya na ikinainis niya.

“Pati pambili ng gamot niyo, ako pa rin? Ako na nga sumagot ng pagpapatingin niyo, eh, ako na rin nagpapakain sa inyo at nagpapatira sa bahay ko, ako lang ba ang anak niyo?” pabalang niyang tugon dito saka padabog na ibinaba sa katapat na lamesa ang hawak na tasa.

“Pasensiya ka na, anak, ikaw lang naman ang nakakaintindi sa amin ng papa mo,” nakatungong samabit nito sa kaniya.

“Wala na akong pera, mama! Pakainin mo na lang ng prutas ‘yan si papa at iiwas sa mga mamantika! Marami naman akong biniling prutas, nandyan sa kusina!” sigaw niya rito saka agad na nilayasan ang ina.

Simula nang magkaroon ng sariling pera ang binatang si Enero, naging matigas na ang kaniyang loob sa kaniyang mga magulang. Bahagya siyang nagdamot at palagi pang nakasinghal sa tuwing dadaing ang mga ito sa kaniya.

Sa katunayan, bago niya bigyan ang mga ito ng pera o kahit pagkain, katakot-takot na masasakit na salita muna ang kaniyang binibitawan. Wala namang magawa ang kaniyang mga magulang kung hindi tanggapin at tiisin ang mga ito dahil siya na lang ang nag-aalaga at nagpapakain sa mga ito dahil ang iba niyang mga kapatid ay nagpakalayo-layo na upang makaiwas sa kanilang mga magulang na pawang mga walang trabaho bunsod ng katandaan.

At dahil nga may katandaan na ang mga ito, panibagong gastusin para sa kaniya ang pagpapatingin ng mga ito sa doktor na labis niyang ikinaiinis. Sa tuwing dadaing ang kaniyang ina na masakit ang tuhod nito, palagi niyang singhal, “Ang kapal naman ng tuhod na ‘yan, wala na ngang ginagawa sa buhay, sumasakit pa!” dahilan upang madalas, imbis na dumaing, tinitiis na lang ng kaniyang mga magulang ang sakit na nararamdaman.

Dahil sa pagkainis, siya’y naggala-gala noong araw na ‘yon matapos kausapin ng ina. Naglakad-lakad siya sa kanilang lugar habang iniisip kung ano ang pwedeng gawin sa mga magulang na nagiging pabigat na sa kaniya.

Mayamaya pa, nakaramdam siya ng pagkulo ng tiyan dahilan upang maisipan niyang bumili ng makakain sa isang convenience store.

Pagkarating niya roon, pinagbuksan siya ng pintuan ng isang matandang babae. Nginitian pa siya nito saka sinabi sa kaniya, “Kahit tubig lang, hijo, uhaw na uhaw na ang asawa ko,” saka tinuro ang isang matandang lalaking nakahiga sa gilid at tila may iniindang sakit dahilan upang mapataas ang kaniyang kilay. Wika niya, “Ano, pati ibang tao, kailangan kong pagkagastusan?”

Ngunit habang siya’y namimili ng kaniyang makakain sa loob ng naturang convenience store, hindi maalis sa isip niya ang mapupungay na mata ng naturang matanda na para bang nagmamakaawa sa kaniya dahilan upang kahit hindi bukal sa loob niya, bilhan niya ito ng tubig at makakain.

Pagkalabas niya roon, agad niyang inabot sa matanda ang supot na pinamili niya at laking gulat niya nang maiyak ito sa tuwa at siya’y hawakan sa kamay.

“Ang swerte ng mga magulang mo sa iyo. Iyong mga anak kasi namin, magaganda naman ang buhay pero hindi man lang kami maalala. Buti pa ang ibang tao, nagagawa kaming tulungan. Sana kapag mas umangat ka sa buhay, huwag mong kalimutan ang mga magulang mo,” sambit nito habang titig na titig sa kaniyang mga mata dahilan upang ganoon siya makonsensya sa ginagawang pagtrato sa mga magulang.

Pagkatapos noon, hindi na niya nagawang tignan ang naturang matanda dahil babagsak na ang kaniyang mga luha. Agad siyang tumakbo pauwi sa kaniyang bahay at agad niyang niyakap ang mga magulang niyang naghahanda ng makakain niyang gabihan.

“Pasensya na kayo sa akin, mama, papa, hindi ko po sadyang masaktan kayo, pasensya na kayo,” iyak niya habang yakap-yakap ng mga magulang na mangiyakngiyak na rin.

Simula noon, ginawa niya ang lahat upang maiging mapakitunguhan at maalagaan ang mga magulang na patanda na nang patanda araw-araw.

Tuwing wala naman siyang pasok sa trabaho, o kapag siya’y may bakanteng oras, pinupuntahan niya sa naturang convenience store ang mag-asawang matanda roon at ito’y binibigyan niya ng gamot o kahit makakain at maiinom.

“Ang sarap palang tumulong ng bukal sa kalooban,” tangi niyang sambit habang pinagmamasdang masayang kumakain ang dalawang matandang pulubi.

Advertisement