Inday TrendingInday Trending
Pasaway sa Kalsada ang Dalagang Ito, Isang Traffic Enforcer ang Nagpatino sa Kaniya

Pasaway sa Kalsada ang Dalagang Ito, Isang Traffic Enforcer ang Nagpatino sa Kaniya

“Saan ba ang punta natin ngayon, mars? Ang aga mo naman magtawag ng gala! Ilibre mo ako, ha? Wala akong perang dala!” sambit ni Grace sa kaniyang matalik na kaibigan, isang araw habang hinihintay niya itong mag-ayos ng sarili sa sariling bahay.

“Ano pa nga ba? Basta ako ang nagyaya, sagot ko lahat! Wala kang kailangang ilabas na pera kahit piso! Saka, sa Tagaytay lang naman ang punta natin, gusto ko lang makaramdam ng kaunting lamig, napakainit dito sa Maynila, eh!” sagot ni Cloe saka agad nang hinila palabas ang kaniyang kaibigan.

“Sinabi mo pa,” tugon nito saka agad nang binuksan ang pintuan ng kaniyang kotse, “Te-teka, anong araw ngayon? Miyerkules ngayon, hindi ba?” tanong nito habang siya’y pasakay pa lamang.

“Oo, bakit? May nakalimutan ka bang lakad ngayon?” pang-uusisa niya rito habang nagsusuot ng seatbelt.

“Wala naman, pero, coding mo ngayon, mars! Hindi mo pupwedeng ibiyahe ang sasakyan mo. Gusto mo bang sasakyan ko na lang ang gamitin natin?” alok nito dahilan upang siya’y mapatawa.

“Naku, huwag na, uuwi ka pa! Saka, huwag kang mag-alala, magpapabebe lang ako sa mga traffic enforcer, makakaligtas na ako sa multa. Sakay na, dali!” bulyaw niya rito dahilan upang magdali-dali itong sumakay habang umiiling-iling.

“Ibang klase ka talaga!” sigaw nito dahilan upang magtawanan silang dalawa.

Pasaway sa kalsada ang dalagang si Cloe. Madalas niyang nilalabas ang kaniyang mamahaling sasakyan kahit pa ito’y bawal sa partikular na araw. Palagi niyang sinasabi, “Hindi naman ako matitiis ng mga traffic enforcer,” dahilan upang palagi niya itong gawin.

May kagandahan kasi siya at mala-artista ang kutis, sexy manamit at malambing ang boses kaya sa tuwing paparahin ng mha traffic enforcer na nakakapansin ng ginagawa niyang violation sa kalsada, agad siyang magpapaawa sa mga ito at ipapakita lang ang mga mapupungay niyang mga mata saka sasabihing, “Pasensiya na, manong, bibili lang ako ng grocery sa mall, wala na kasi akong makain, eh,” at agad na siyang papadaanin ng mga ito.

Ito ang dahilan upang ganoon na lang lumakas ang loob niya sa paglabas kahit na araw ng kaniyang coding. Alam niya kasing walang lalaki ang makakatiis sa ganda niya at sa lambing ng kaniyang boses.

Noong araw na ‘yon, kahit na paulit-ulit siyang kinukulit ng kaibigan na dumaan sa bahay nito upang magpalit ng sasakyan, hindi niya ito sinunod bagkus, hinarurot niya pa sa highway ang kaniyang sasakyan habang nakabukas ang bintana.

Sa sobrang saya niya, nawala sa isip niyang tingnan ang traffic light at kahit na tumatawid na ang mga tao, nagpatuloy siya sa pagtakbo dahilan upang habulin na siya ng mga patrol.

“Ito na naman ako, teka, lalabas ko lang ang dibdib ko,” sambit niya habang pinaparada ang sasakyan sa gilid dahilan upang mapailing ang kaniyang kaibigan.

“Ang tigas kasi ng ulo mo, eh!” sigaw nito sa kaniya saka bahagya siyang tinuktukan.

“Kumalma ka lang, akong bahala rito!” wika niya saka bahagyang binaba ang damit niya sa bandang dibdib.

Pagkalapit ng traffic enforcer, agad niyang binigay ang kaniyang lisensya at agad na nagrason.

“Pasensiya na, sir, hindi ko nakita ang traffic light, eh, dahil sa pagmamadali ko. Ito kasing kaibigan ko, sobrang nananakit ang tiyan,” malambing niyang wika rito habang bahagyang pinapakita ang kaniyang dibdib.

“Naku, ma’am, hindi naman po rason ‘yon para sumuway kayo sa batas trapiko. Saka pupwede niyo po bang tigilan ‘yang ginagawa niyong pag-iinarte? Hindi po tatalab sa akin, mas malaki ang hinaharap ko kaysa sa’yo,” sambit nito sa kaniya saka tinanggal ang suot na facemask dahilan upang mapatameme siya nang malamang ito’y babae pala, “Baka pupwede na po kayong bumaba, ma’am, kailangan po naming hatakin ang sasakyan niyo,” dagdag pa nito dahilan upang ganoon na lamang siya mataranta.

Pinagmulta siya nito ng halos humigit kumulang limang libong piso dahil sa patong-patong na pagsuway sa batas na ginawa niya. Bukod pa rito, binalaan din siyang tatanggalan ng lisensya dahil sa mga datos na nakuha ng naturang traffic enforcer sa mga nakaraan niyang pagpapasaway. Ilang linggo ding pinagbawal ang paggamit niya sa sasakyang iyon bilang kaparusahan.

Wika pa ng naturang traffic enforcer, “Pasalamat po kayo at mabait pa ako,” saka siya iniwang nanlulumo sa tabi ng kalye kasama ang kaniyang kaibigan.

Simula noon, nagtino na siya at sumunod na sa batas trapiko. Kapag bawal ilabas ang kaniyang sasakyan, hindi talaga niya ito ilalabas at kung importante man ang kaniyang pupuntahan sa araw na ito’y bawal ilabas, nagta-taxi na lang siya o nagpapahatid sa kaniyang kaibigan.

Advertisement