
Nawili sa Party ang Ginang na Ito, Saan kaya Nagpunta ang Kaniyang Anak na Iniwan Niya Lamang sa Sofa?
“Ngayon ba ang dadaluhan mong selebrasyon, anak?” pang-uusisa ni Perly sa kaniyang anak, isang hapon nang makita niya itong naghahalughog ng damitan.
“Opo, mama!” masiglang sagot ni Melen saka itinaas ang dalawang bestida, “Tingnan mo, mama, ano ang mas bagay sa akin? Itong puting bestida o itong itim? Saan ako mas magmumukhang maganda at sexy?” tanong niya pa habang inilalapat ang damit sa katawan.
“Kahit anong damit naman, maganda at sexy ka, anak. Hindi nga halata na may anak ka na,” puri pa ng kaniyang ina dahilan upang siya’y kiligin.
“Siyempre naman, mama! Ako pa ba? Eh, mana ako sa’yo! Tingnan mo nga ang sarili mo, sinong mag-aakalang senior citizen ka na? Parang kakakasal mo lang, eh!” pambobola niya rin dito dahilan upang magtawanan silang dalawa.
“Naku, binola pa ako! Maiba ako, huwag mo na kaya isama ang anak mo sa selebrasyong iyon? Para wantusawa kang makapagsaya at makapag-inom,” payo nito kaya siya napaisip.
“Huwag na, mama, isasama ko na lang siya para makita niya rin ‘yong mga ninang at ninong niya. Tiyak makakahakot ng maagang pamasko ‘yan. Saka, kung iiwan ko siya, kapag hinanap ako niyan sa’yo, papauwiin mo na lang ako. Hindi rin ako makakapagsaya,” tugon niya na sinang-ayunan naman ng kaniyang ina.
“Sabagay, o, sige, basta ilagay mo lagi ang tingin mo sa anak mo, ha? Napakagandang bata niyan,” sagot nito saka hinimas ang ulo ng anak niyang mahimbing na natutulog.
Mag-isang binubuhay ni Melen ang limang taong gulang niyang anak. Ayaw niya man palakihin itong walang ama, wala siyang magawa nang sila’y iwan ng dati niyang kinakasama dahil lang sa isang mas batang babae.
Hindi biro ang sakit na naramdaman niya nang sila’y iwan ng ama ng kaniyang anak. Pinagsalitaan pa kasi siya nito ng, “Masyado ka na kasing losyang kaya natatabangan na ako sa’yo,” na labis niyang dinamdam.
Kaya simula noon, binalik niya ang dating pananamit niya. Naglaan siya ng pera pangbili ng kaniyang mga make-up, damit, sapatos, bag at iba pang pangpaganda dahilan upang halos lahat ng nakakakita sa kaniya ay nagugulat sa tuwing sasabihin niyang siya’y may anak na.
Lalo pa niyang naaagaw ang atensyon ng mga tao kapag kapareha niya ng damit ang kaniyang limang taong gulang na anak na kamukhang-kamukha niya. Sabi pa nga ng iba pupwede na raw mag-artista ang kaniyang anak dahil sa kinis at ganda nito na labis niyang ikinatuwa.
Ito ang isa sa mga dahilan upang ayaw niya itong iwan sa ina noong araw na ‘yon. Alam niya kasing maraming matutuwa rito at panigurado, aabutan ito ng aguinaldo.
Habang tulog pa ang kaniyang anak, nag-ayos na siya ng kaniyang sarili, naghanap na rin siya ng damit ng kaniyang anak at hinanda na lahat ng kanilang kailangan.
Nang magising ito, agad niya na rin itong inaayusan at agad na nagtungo sa naturang selebrasyon.
Pagdating nila roon, katulad ng kaniyang inaasahan, pinagkaguluhan ng kaniyang mga kaibigan ang anak niya. Tuwang-tuwa ang mga ito at agad na nagsipag-abutan ng aguinaldo.
Mayamaya pa, may limang foreigner ang dumalo sa kanilang selebrasyon, kaibigan ng kaibigan niyang may kaarawan. May dala itong mga mamahaling alak dahilan upang ganoon siya maengganyong uminom.
Iniwan niya saglit sa sofa ang kaniyang anak saka nakipagkasiyahan sa mga ito at doon niya tila nawaglit sa isip ang anak na naghihintay sa kaniya roon.
Nang maalala niya ito, agad siyang tumakbo patungong sala ngunit wala na ito roon. Nilibot niya ang buong bahay, pero hindi niya mahagilap ang kaniyang anak dahilan upang humingi na siya ng tulong sa kaniyang mga kaibigan.
“Tingnan natin sa CCTV,” yaya ng may-ari ng bahay at doon niya nakitang lumabas ng bahay ang kaniyang anak.
Nakipag-ugnayan na sila na barangay upang mapabilis ang paghahanap ngunit inumaga na sila, kahit anino nito, hindi nila mahagilap.
Iyak na siya nang iyak sa bisig ng ina noong mga pagkakataong iyon. “Umuwi ka na, anak, pangako, ikaw lang ang iintindihin ko habang buhay!” sigaw niya habang yakap-yakap ang laruan nito.
Maya maya pa, habang siya’y nagpapahinga sa patrol, biglang may kumatok na matandang babae, hila-hila sa kamay ang anak niyang kumakain pa ng french fries dahilan upang siya’y mapatalon sa tuwa.
“Nakasalubong ko ang batang ito kagabi sa daan, hinahanap ang mommy niya. Hatinggabi na, eh, kaya naisip kong palipasin muna ang gabi, mahina na rin kasi ang tuhod ko. Hindi ko rin alam saan siya dadalhin,” wika nito na labis niyang ikinaiyak sa pasasalamat.
Simula noon, kahit na siya’y nag-aayos ng sarili o nakikipagsaya kasama ang mga kaibigan, hindi niya inaalis sa isip at paningin niya ang anak niyang simbolo ng kaniyang buhay.