Inday TrendingInday Trending
Palaging Abala ang Ginang na Ito sa Tuwing Hihingan ng Tulong ng Kaibigan, Nasaktan Siya nang Bumalik ito sa Kaniya

Palaging Abala ang Ginang na Ito sa Tuwing Hihingan ng Tulong ng Kaibigan, Nasaktan Siya nang Bumalik ito sa Kaniya

“Neri, pinadalhan ako ng mensahe ni Chay sa social media, nahingi siya ng tulong sa atin ngayon. Kailangan niya na raw maglipat ng gamit dahil pinapaalis na sila no’ng inuupahan nila,” balita ni Herlyn sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang maabutan niya itong nanunuod ng telebisyon sa sariling pamamahay.

“O, hindi ba nila kayang mag-asawa ‘yon? Bakit hihingi pa ng tulong sa atin? Para namang ang dami nilang gamit, ha?” pabalang na sagot ni Neri habang patuloy sa panunuod ng paborito niyang teleserye sa umaga.

“Syempre, baka gusto lang din nito na may makausap habang naglilipat. Alam mo namang maramdamin ‘yon. Baka dinadamdam ang pagpapalayas sa kanila dahil lang hindi sila makabayad ng isang buwan,” tugon ng kaibigan niya saka naupo sa tabi niya.

“Naku, ikaw na lang ang tumulong, marami akong gagawin,” sambit niya saka agad na pinatay ang telebisyon.

“Para ka namang hindi kaibigan, Neri! Anong gagawin mo ngayon? Eh, nakapaglaba ka na kahapon, malinis na rin ang lababo mo, wala ka namang anak na aalagaan at ang mister mo, nasa trabaho naman,” sabi nito dahilan upang mainis siya sa kakulitan nito.

“Kahit na, ayoko nga, eh. Bakit ba namimilit ka?” masungit niyang tanong dito.

“Parang ang dating kasi, kapag kailangan mo kami, agad kaming tumulong pero kapag kami na ang nasa kalagitnaan ng problema, nawawala ka lagi,” nguso nito saka agad na lumabas ng kaniyang bahay dahilan upang siya’y mapailing na lang at mapasabing, “Parang mga bata!”

Sa tuwing hihingian ng tulong ng dalawang kaibigan ang ginang na si Neri, palagi siyang naglalahong parang bula. Mapa-pinansiyal na tulong man o pisikal na tulong ang hingin ng mga ito sa kaniya katulad nang pagbibigay ng mga pagkain sa mga kapos palad na kinaugalian na ng mga ito, palagi siyang tumatangging tumulong.

Lagi niyang depensa, “Marami akong gagawin,” kahit na wala naman talaga at siya’y sadyang tinatamad lang at kahit may sobrang pera siya, kapag dumaing sa kaniya ang mga ito, sasabihin niyang gipit din sila ng kaniyang asawa kahit mayroon naman talaga siyang malaking ipon na pera sa bangko.

Ngunit, sa tuwing siya naman ang nangangailangan ng tulong, katulad nang maaksidente ang kaniyang asawa sa paggamit ng motorsiklo, hindi nagdalawang-isip ang kaniyang mga kaibigan na siya’y tulungang mag-alaga rito. Bukod pa roon, sinagot pa ng kaibigan niyang si Chay ang bill nito sa ospital dahil ito’y isang doktor doon.

Ito ang dahilan upang ganoon na lang magtampo ang dalawang ito sa tuwing siya’y nawawala sa gitna ng problemang kinakaharap ng mga ito. Palagi niyang sabi, “Parang mga bata! Ano, gusto nila palagi akong nasa tabi katulad noong mga hayskul pa kami? Diyos ko naman!”

Noong araw na ‘yon, kahit na siya’y tinatadtaran na ng mensahe ng kaniyang kaibigang si Chay at humihingi ng tulong, hindi niya ito sinasagot. Nagawa niya pa ngang isara ang selpon niya upang huwag siyang abalahin nito. Natapos ang araw na iyon nang hindi siya nagparamdam sa kaniyang mga kaibigan at simula noon, wala na siyang narinig mula sa mga ito.

Ngunit, ilang linggo lang ang lumipas, nahuli niyang may ibang babaeng kasama sa trabaho ang kaniyang asawa nang minsan niya itong dalhan ng pananghalian.

Kitang-kita niya kung paano ito yakapin at alalayan ng kaniyang asawa habang ito’y naglalakad patungo sa katapat na restawran dahilan upang ganoon na lang siya manlumo.

Wala siyang lakas ng loob na komprontahin ang kaniyang nasilayan dahilan upang agad siyang umuwi at hintayin na lang ang kaniyang asawang umuwi.

Pagkauwi nito, agad niya itong kinuwestiyon at ang tanging sabi nito, “Babae ko ‘yon, bakit? Sa kaniya kasi, siguradong magkakaanak ako, eh, sa’yo? Baog ka na nga, ayaw mo pang makipagsiping sa akin!” dahilan upang ganoon na lang siya manlumo at maiyak sa sakit na nararamdaman.

At dahil nga hindi na niya alam ang gagawin, agad niyang tinawagan ang kaniyang mga kaibigan upang yayaing mag-inom at para na rin maglabas siya ng sama ng loob.

Ngunit ang tanging tugon lang ng mga ito, “Pasensya na marami pa akong gagawin,” na lalo niyang ikinasama ng loob.

“Ganito pala ang nararamdaman nila sa tuwing hindi ko sila sinisipot o tinutulungan sa tuwing may problema sila,” reyalisasyon niya habang mag-isang nagpapakalango.

Simula noon, muli siyang dumikit sa kaniyang mga kaibigan. Ginawa niya ang lahat upang maibalik ang dati nilang pagsasama kahit pa ganoon siya nangungulila sa asawa niyang nakipaghiwalay na sa kaniya.

Advertisement