Nangongopya sa Pagsusulit sa Eskwela ang Dalagang Ito, Lumabas ang Katotohanan nang Siya’y Magtrabaho

“Claudine! Kakaiba talaga ang talino mo! Ikaw na naman ang nangunguna sa klase natin! Ano ba kasing sikreto mo, ha? Ituro mo naman sa akin! Gusto ko ring maging katulad mo na kahit sumasama sa mga inuman bago ang araw ng pagsusulit, nakakakuha pa rin ng mataas na marka!” wika ni Hannah sa kamag-aral, isang tanghali matapos lumabas ang kanilang mga marka sa kanilang mga kinuhang asignatura.

“Wala naman akong sikreto, Hannah, sadyang nakikinig lang ako sa mga talakayan sa paaralan. Kaya pagdating ng pagsusulit, natatandaan ko lahat ng pinag-aralan natin,” taas noong sambit ni Claudine dahilan para lalong mapahanga ang naturang kamag-aral.

“Naku, sana gan’yan din ako katalino! Sigurado akong pagtapos nating mag-aral, may magandang trabaho ka agad na mahahanap!” sabi pa nito habang labis na ikinaiinggitan ang kaniyang mga nakuhang marka.

“Syempre naman, ‘no! Malaking oportunidad ang naghihintay sa mga katulad kong palaging may nakukuhang parangal. Ang mga katulad ko ang talaga nga namang pinag-aagawan ng mga kumpanya!” pagmamalaki niya pa habang iiling-iling nang makita ang marka ng ilan nilang kamag-aral na nakikiisyoso sa kanilang usapan.

Palaging nangunguna sa kanilang klase ang dalagang si Claudine. Lubos pa siyang hinahangaan ng kaniyang mga kamag-aral dahil nagagawa niya pang makipaghalubilo at makidalo sa kahit anong pagdiriwang kahit na kinabukasan ang kanilang pagsusulit. Bukod pa roon, kung hindi siya makakakuha ng perpektong iskor, isa o dalawa lamang ang nagiging mali niyang sagot na labis na ikinaiinggit ng mga ito.

Lingid sa kaalaman ng mga ito ang sikretong paraan niya upang makakuha ng ganito kataas na iskor na talagang nagiging dahilan para siya’y makakuha ng mataas na marka.

Hindi naman kasi talaga siya matalino at kasinungalingan lang ang sinasabi niyang siya’y nakikinig sa mga talakayan. Gumagawa lamang siya ng kodigo upang huwag nang mahirapan sa mga pagsusulit at kapag wala sa kaniyang kodigo ang sagot na kailangan, pasimple siyang titingin sa papel ng kaniyang mga kamag-aral. Gagawin niya ang lahat para lamang mapunan niya ang mga kulang na sagot sa papel niya.

Patuloy niyang ginawa ang ganitong pamamaraan hanggang siya’y makapagtapos ng pag-aaral at makakuha nang mataas na parangal. Labis itong ikinatuwa ng kaniyang mga magulang at ikinainggit ng iba niyang kamag-aral na labis na nagbigay sa kaniya nang kasiyahan.

Advertisement

At dahil nga maganda ang kaniyang mga grado at mayroon pa siyang mataas na parangal, katulad ng kaniyang inaasahan, nang siya’y mag-apply sa mga matataas na kumpanya, siya nga’y pinag-agawan.

Ang pinakamataas na kumpanya ng mga alahas ang kaniyang pinili at siya’y binigyan ng mataas na posisyon dito. Siya’y agad na naging financial manager dito at siya’y pinangakuang makakatanggap nang malaking halaga ng pera kapag nagawa niya ang kaniyang responsibilidad.

Ngunit dahil nga siya’y nangongopya lamang noon sa kodigo at mga kaklase, kahit napag-aralan nila ang ganitong trabaho, hindi niya alam kung saan siya dapat magsimula. Tila nilalamon ng mga numero ang utak niya na labis niyang ikinaiiyak.

Dagdag pa rito ang napakataas na eskpektasyon ng kaniyang mga magulang at ibang katrabaho na talaga nga namang nagbibigay nang malaking problema sa kaniya.

“Bakit ba kasi hindi ako nakinig dati sa talakayan? Bakit ba kasi kodigo lagi ang inaasahan ko noon? Sayang naman ang kikitain ko rito kung hindi ko ito magagawa! Madidismaya pa sa akin ang mga magulang ko at mapapahiya pa ako sa buong kumpanyang ito!” iyak niya sa palikuran ng naturang kumpanya.

Narinig ito ng kaklase niya noong si Hannah na isa palang janitress doon. Kinatok siya nito at sinabing, “Ngayong naghihirap ka na dahil sa mga pagsisinungaling mo, ipagpapatuloy mo pa ba ang pagpapanggap sa lahat na magaling ka?” na kaniyang ikinatigil. 

Agad siyang lumabas sa cubicle na iyon at umiyak sa kaklase niyang ito.

“Lahat tayo may kahinaan, Claudine. Magpakatotoo ka upang malaman mo ang kalakasan mo,” payo pa nito saka siya niyakap at pinatahan.

Advertisement

Nang araw ding iyon, agad siyang nagtapat sa kumpanyang iyon na hindi niya kaya ang trabaho niya rito. Labis man niyang nadismaya ang mga tao rito lalo na ang mga magulang niyang siya na lamang ang tanging pag-asa, laking luwag naman sa loob niya ang ginawa niyang ito.

Siya’y muling naghanap ng trabaho hanggang sa mapadpad siya sa isang restawran. Doon, siya’y nagsumikap at pinakita niya kung ano ba talaga ang kaya niyang gawin hanggang sa hindi nagtagal, lumabas ang galing niya sa paghahawak ng mga empleyado at siya’y naging isang manager.

Hindi man kasing taas ang sinasahod niya kumpara sa dati niyang pinasukang kumpanya, alam naman niya sa sarili niyang wala siyang nilolokong tao.