Sinali ng Ginang ang mga Hindi Niya Kakilala sa Paluwagan, Naiyak Siya sa Ginawa ng Isang Dalaga

“Hoy, Arly, balita ko may pinapaluwagan ka raw na selpon, ha? Totoo ba ‘yon?” pang-uusisa ni Monique sa kumare, isang umaga nang makasabay niya ito sa pagbili ng almusal sa panaderya.

“Ay, oo, mars! Gusto mo bang sumali? Mayroon na akong limangpung miyembro ngayon! Lima sa kanila ang susweldo ngayong Linggo! Sumali ka na para magkaroon ka ng bagong selpon nang hindi mabigat sa bulsa!” kwento ni Arly sa ginang habang pinakita ang mga litrato ng selpong kaniyang pinapaluwagan.

“Teka, tama ba ang rinig ko? Limangpung miyembro na ang nakasali sa paluwagan mo?” paglilinaw pa nito.

“Oo, bigla kasing sumikat sa social media ‘yong post ko tungkol sa paluwagang ‘to. Kaya, kahit taga ibang probinsya, sumali na rin! Nakakatuwa, hindi ba? Halos linggo-linggo, malaki ang kita ko sa paluwagang ito!” nasasabik niyang sagot habang ngiting-ngiti.

“Hindi ka ba natatakot na baka takasan ka ng mga taong hindi mo naman kakilala kapag nakasweldo na sila ng selpon?” pag-aalala nito sa ginagawa niya.

“Naku, hindi naman nila siguro gagawin sa akin ‘yon. Sila ang lumapit sa akin, eh, saka hindi ko naman sila pinilit,” tugon niya pa.

“Sana nga, huwag kang maloko riyan. Sige na, isali mo ako, ha? Puntahan mo na lang ako sa bahay para sa bayad ko!” sambit nito na labis niyang ikinatuwa.

“Walang problema!” sagot niya saka agad na ring umuwi sa kaniyang bahay.

Advertisement

Mahilig sa kung anu-anong negosyo ang ginang na si Arly. Halos lahat na yata ng pupwedeg ibentang bagay, nagawa na niyang ibenta. Mapadamit panloob o kahit pangkulay ng buhok, basta’t alam niyang bebenta sa madla, kaniyang itinitinda.

Inilalagay niya pa ang litrato at presyo ng mga ito sa social media na talaga nga namang nagiging rason kung bakit dumadami ang kaniyang mga mamimili.

At ngayong nauuso ang paluwagan, hindi siya nagpahuli. Imbis na pera ang suswelduhin ng mga sumali rito, naisip niyang selpon ang ipasweldo dahil maaaring doble ang kaniyang kitain dito. 

Nang araw na ‘yon, agad niyang dinagdag sa kaniyang mga miyembro ang kaniyang kumare at hinabol ito sa kaniyang paluwagan. Agad niya itong pinadalhan ng mensahe para sa babayaran nito.

Ilang araw pa ang lumipas, dumating na ang araw ng Linggo at siya’y tuluyan na nga nakapagpasweldo ng limang babae ng tag-iisang selpon. Isa sa mga babaeng ito ang hindi niya kakilalang dalaga na taga-Cebu raw.

Pinapadala lang nito ang hulog na pera sa bangko at kaniya namang ipinadala sa isang delivery company ang selpon nito. Dahil nga nasa oras ito magbayad, labis siyang nagtiwala rito kaya kahit ito ang isa sa mga unang sasahod, hindi siya nagbigay ng kahit anong paghihinala rito.

“Makakaasa ka sa akin, ma’am, marami na akong sinalihang paluwagan. Wala silang naging problema sa akin!” wika pa nito na kaniyang pinaniwalaan.

Kaya lang, matapos nitong matanggap ang naturang selpon, bigla na lamang itong hindi nagparamdam sa kaniya. Naka-block na rin siya sa social media account nito na labis niyang ikinabahala.

Advertisement

Sinubukan niyang tawagan ang binigay nitong numero ngunit hindi na ito matawagan. Hinanap niya pa rin ito sa social media at tila gumuho ang mundo niya nang makabasa siya ng isang post tungkol sa ginang na ito na peke ang pagkatao. Nanggagamit lang pala ito ng pangalan at litrato upang makapanloko ng tao.

Naiyak na lamang siya noong mga oras na ‘yon. Nabalitaan ito ng kaniyang kumare dahilan para agad siya nitong puntahan.

“Sabi sa’yo, eh, delikado magtiwala sa hindi mo kakilala!” sermon nito sa kaniya.

“Malay ko ba!” sagot niya habang ngumangalngal.

“Tanggalin mo na ang mga hindi mo kakilala, Arly. Ibalik mo na lang ang mga nahulog nila ngayong linggo. Kapag pinagpatuloy mo pa ‘yan, imbis na kikita ka, lalo ka lang malulugi,” payo nito na talaga nga namang kaniyang sinunod.

Sa ganitong paraan, bukod sa kampante siyang katiwa-tiwala ang mga taong papasahurin niya ng selpon, sigurado pa siyang hindi siya tatakasan o lolokohin ng mga ito dahil alam niya kung saan nakatira ang mga ito.

“Kung hindi lang sana ako naghangad nang masyadong maraming kita, sana, hindi ako nalugihan ng isang selpon,” panghihinayang niya, isang Linggo habang iniaayos niya ang mga selpong ipapasweldo niya. 

Simula noon, hindi na siya muling nagtiwala sa mga hindi niya kakilalang kustomer. Labis na pag-iingat din ang ginawa niya upang huwag na muling maloko.

Advertisement

Sa negosyo, hindi ka talaga matututo kung hindi ka susugal. Kaya, maging matalino sa pagsugal kung ika’y papasok sa isang negosyo.